“Walanghiya ka Lucas…” bulong sa hangin ni Sylvia. Punong puno ng hinanakit ang kanyang kalooban dahil sa nararamdaman niyang maaring hindi na maisakatuparan ang lahat ng kanyang pinaplano. Hanggang ngayon ay parang naninikip pa rin ang dibdib niya sa labis na emosyong nadarama niya patungkol kay Lucas.
Sukat akalain ba niyang sasabihin nito ang buong katotohanan kay Ferel na hindi nila ito kaanu-ano. Kitang kita niya kanina sa mga mata ng dalaga ang labis na pagkagulat. Alam niyang punong-puno na ng pagdududa ang kalooban nito sa kanya kaya kailangan niyang makaisip ng panibagong estratehiya upang mapapayag ito sa gusto niyang mangyari. Saka na niya iisipin kung papaano makukumbinsi si Lucas, si Ferel muna sa ngayon.
Nilingon niya ang malaking larawan ng kanyang ama at ina na nakasabit sa magarang dingding ng kwarto. “Tutuparin ko ang huling habilin niyo, Papa,” sabi niyang punong puno ng pagmamahal.
Kahit na naging pabaya ang mga ito noong kabataan pa niya, nanatili pa rin sa puso niya ang pag-ibig sa mga magulang. Lalo na noong nagka-anak na sila ni Lucas. Walang pagsidlan ang kaligayahan ng mga ito at sa panahong iyon nakita ang kabutihang matagal na niyang hinihintay mula sa mga ito.
Bigla niyang naalala si Lourdes, nasa baba pala ito. Ang kawawa niyang anak. Labis labis ang habag niya rito dahil sa pagiging biktima nito sa makalangit na kasalanan. Ganoon din ang nangyari sa dalawa pa niyang supling na lalaki. Bigla-bigla na lang hindi nagsalita ang mga ito, tapos ay nagkasakit ng malubha. Ilang taon ding nakipagbuno ang mga ito sa sakit bago tuluyang mamaalam. At kahit natatakot siya, ay unti-unti na niyang natatanggap na iyon din ang patutunguhan ni Lourdes.
Nagmamadali siyang bumaba kahit hirap na siyang humakbang dahil na rin sa edad niya. Mahigit singkuwenta na siya at malapit na rin siyang mamaalam sa mundong ito kaya mas lalong kailangan niyang madaliin ang pagsasakatuparan ng kanyang mga plano.
Pagdating niya sa komedor ay nakita niya si Lourdes na nakaupo pa rin sa dati nitong pwesto. Nag-iisa na lang ito. Nilapitan niya ang anak at masuyong inalalayan patayo. Siya namang labas ni Lola Remedios galing sa may kusina.
“Sylvia, nagbalik ka,” bungad nito na basa pa ang mga kamay.
“Kukunin ko lang po si Lourdes,” sabi niya.
Tumango ito. “May hindi ba ako alam sa pagitan ninyo ni Lucas?” tanong nito.
Nagulat siya. Anong ibig nitong ipahiwatig? “Nanay Remedios, alam niyong wala akong inililihim sa inyo.”
“Sylvia, hija, kilala kita. Mahigit limampung taon na tayong magkasama.”
Tama ang sinabi nito, naisip niya. Umiling siya. “Lahat po ng mga plano ko ay alam ninyo.”
“Pero hindi mo pa nababanggit sa ‘kin kung anong ginagawa dito ng pobreng si Ferel,” katwiran nito na dahan-dahang lumapit sa kanya.
Hindi maaaring malaman ng matanda ang plano niya. Dahil katulad ni Lucas magiging balakid din ito. Humagilap siya ng isasagot. “N-nakita ko lang po siya na walang malay sa bayan. T-tama, kaya isinama k-ko siya rito,” utal niyang paliwanag sa kaharap.
“Talaga?” nanunudyong tanog nito.
“Aakyat na po kami ng anak ko,” sabi niyang tinalikuran ang matanda at inalalayan ang anak sa paglalakad.
“Sandali lang, may itatanong pa ako,” habol nito mula sa kanyang likuran.
Nilingon niya ito. “Ano naman?!” bulyaw niya. Hindi na niya napigilan ang sarili na huwag sumigaw. Naiinis siya dahil tingin niya ay wala siyang kakampi sa loob ng mansyong iyon. At mukhang malapit na ang katapusan ng mga plano niya hindi man lang niya napagtagumpayan.
“Sylvia!” saway nito. “Hindi mo pa ako nasisigawan kahit kalian, ngayon pa lang,” matigas nitong sabi na hindi ininda ang katandaan.
Yumuko siya. Alam niya nasa awtoridad ang sinabi nito. “Patawad po, Nanay Remedios.”
“Ngayon, mag-usap tayo para linawin ang lahat,” sabi nitong inilahad ang kamay para maupo siya.
Pero tinanggihan niya iyon. Alam niyang kapag nakipag-usap niya ito ay hindi maaaring hind siya aaamin sa matandang naging kadamay niya sa loob ng maraming taon. “Hindi pa po ako handa,” katwiran niya.
Tumingin ito sa mga mata niya. “Kung gayon ay kailan mo sasabihin sa akin ang tungkol sa problemang iyan?”
Umiwas siya ng tingin. “Basta hindi pa po ngayon.”
“Bweno, hindi kita pipilitin. Pero may isa pa akong tanong na labis na bumabagabag sa akin.”
Parang pumitlag ang kanyang puso sa nadinig niya. May duda siyang kahit na sinabi na niyang hindi niya muna sasabihin ang problema niya ay patungkol pa din doon ang itatanong nito. Kilala niya ang matandang ito. “A-ano po ‘yon?” Sa halip ay nasabi niya na lang.
“Anong dahilan ng pakiusap mo sa akin na sabihin kay Ferel ang buong nangyari sa pamilya mo?” kaswal nitong tanong na hindi inaalis ang mga mata sa kanya.
Hindi nga siya nagkamali ng akala. Matalino ang matandang ito pero hindi niya hahayaang mahuhulog sa bitag nito. Alam niyang sa likod ng maaamong mga mata nito ay nagtatago ang taong magiging isa pang balakid sa mga plano niya. “Dahil nangako akong sasabihin sa kanya,” matapang niyang pahayag.
Nakita niyang tumaas ng kilay nito. Isa lang ang ibig nitong ipahiwatig, na hindi ito nasiyahan sa sagot niya. Ano bang gagawin niya sa matandang ito? Nakuyom niya ang mga palad sa pagka-inis. Nauubusan na siya ng sasabihin.
“Wala na po ba kayong itatanong?” tanong niya nang mapansing hindi na ito umimik.
Tumango lang ito at saka inilahad ang kanang kamay palabas ng komedor. Nagmamadali siyang umakyat pataas pero sadyang mabagal si Lourdes. Paisa-isa lang ang hakbang nito na labis niyang ikinainis pang lalo.
“Ano ba, Lourdes bilisan mo naman,” galit niyang sabi kahit alam niyang hindi siya naririnig ng anak.
Pagkapasok nila sa kwarto ay agad niya itong isinara. Iniupo niya muna si Lourdes sa isang bakanteng silya at siya naman ay pasalampak na umupo sa kama.
xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo
Next chapter coming up! Salamat ng marami sa mga nag-antay. :)
Alam kong iilan lang kayong readers nito, pero sobrang saya ang ibinibigay niyo sa 'kin.
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...