Kabanata 17

1K 20 4
                                    

Katatapos lang ng napaka-agang hapunan. Kasalukuyang nasa isang silid si Ferel at tahimik na nagmumuni-muni. Kanina lang ay inihatid siya ni Lola Remedios sa silid na iyon na magiging silid tulugan niya habang namamalagi sila sa bahay na iyon.

“Ang laki naman po nito,” komento niya kaninang bumungad sa kanya ang buong kwarto.

“Naku, hija, walang maliit sa silid sa bahay na ito,” sabi lang nito saka agad ding nagpaalam na lalabas na.

Inilibot niya ulit ang tingin sa paligid. Apat na beses ang laki ng silid na iyon kaysa sa kubo nila sa San Nicolas. Sa San Nicolas, kung nasaan si Mamerto. Aminin man niya sa hindi ay parang nangungulila siya sa binata. Sana ay nasa mabuti itong kalagayan. Hindi mannlang siya nagkaroon ng pagkakataon upang makausap ito bago nila lisanin ang islang iyon.

Inabot niya ang bag na nakapatong sa higaan. Binuksan niya iyon at may kinuha siyang makintab na bagay mula roon. Isang kabibe. Binigay iyon sa kanya ni Mamerto nang minsang nagkayayaan silang maligo sa dagat kasama ang kapatid nitong si Dina. May ngiting gumuhit sa labi niya nang maalala ang mga sandaling iyon.

“Ferel,” tawag ni Mamerto sa kanya mula sa 'di kalayuan.

“Bakit?” Tanong niya saka patakbong lumapit rito.

“May ibibigay ako sa ‘yo,” sabi nito nang makalapit siya.

“Talaga? Ano naman ‘yon?”

Iniabot nito sa kanya ang isang kabibe.Kinuha niya iyon sa kamay nito saka itinapat sa sinag ng araw.

“Ang kintab!” Sabi niyang nakangiti.

“Nagustuhan mo ba?”

“Oo naman,” nakangiti pa rin niyang sabi.

Kinuha nito sa kamay niya ang kabibe at inilapit sa tenga niya. “May naririnig ka ba?” Tanong nito.

Lalong lumuwang ang pagkakangiti niya. May narinig nga siya. Parang tunog iyon ng paghampas ng alon sa dalampasigan.Tuwang tuwa siya. Lalo pa niyang idiniin ang kabibe sa tenga.

“Oo, Mamerto.” Para siyang bata na tuwang tuwa sa bagong laruan na binigay sa kanya. “Salamat.”

“Ang kabibeng iyan ang simbolo ng pagkakaibigan natin,” wika nito.

Napatingin siya rito. Kitang kita niya ang sinseridad sa mga mata nito. “Salamat ulit. Iingatan ko 'to. Pangako, hindi ko 'to iwawala at dadalhin ko 'to kahit saan ako magpunta.”

Napabutong hininga siya pagkatapos alalahanin ang bagay na iyon. Tinitigan niya ulit ang kabibe. Mapusyaw na dilaw ang kulay nito. Hinaplos niya iyon ng isang beses pa saka ibinalik sa pinagkuhaan niya.

Naisipan niyang tumayo at tinungo ang malaking bintanang natatabingan ng makapal na kurtina. Hinawi niya ang kulay asul na tela nito at tiningnan ang kalunos-lunos na itsura sa labas ng bahay. Hindi niya lubos maisip na may ganitong lugar sa gitna ang mayabong na kagubatan. Bakit kaya nasunog ang lugar na ito? Nakakapagtaka kasi mukhang hindi naman naapektuhan ang loob ng bahay sa nangyaring trahedya.

Matagal-tagal na rin siyang nakamasid nang may nakita siyang bulto ng lalaki na patungo sa bahay. Malapit nang dumilim ng mga oras na iyon kaya hindi niya masyadong maaninag ang mukha nito. Naka-pulang pang-itaas ito na medyo kupas na gayon din ang suot nitong maong na pantalon. Habang sinusundan ng tingin ang ekstranghero ay nakita niyang pumasok na ito sa loob. Sino kaya ‘yon?

Naalarma siya sa nakita kaya agad siyang lumabas ng silid para tingnan kung sino ang pumasok. Pero pagdating niya sa dulo ng hagdan ay hindi niya ito mahagilap sa halip ay si Lola Remedios ang nakita niyang palabas mula sa komedor.

“Lola Remedios, nakita niyo po ba ‘yong lalaking pumasok rito kanina?” Tanong niyang humahangos dahil sa pagtakbo niya pababa ng hagdanan.

“Sino? Si Lucas ba ang tinutukoy mo?”

“Kilala niyo po siya?”

“Oo naman, dahil dito siya nakatira.”

Parang nabunutan siya ng tinik sa narinig. Akala pa naman niya ay may masamang taong nakapasok. At kapag nagkataon ay walang magtatanggol sa kanila dahil puro sila mga babae.

“Sina Lourdes at ang Nanay saan po ang kwarto nila?” Pagkaraan ay tanong na lang niya.

“Nasa katabing kwarto mo lang sa gawing kanan.”

“Sige po, pupuntahan ko na lang mamaya.”

“Ikaw ang bahala, pero ‘wag kang magpupuyat dahil maaga nating papatayin ang mga ilaw. Kailangan nating magtipid.”

Tumango lang siya. Ngayon ay alam na niya kung bakit maaga silang naghapunan. “Aakyat na po ako Lola Remedios,” paalam niya.

“Sige, magandang gabi sa’yo, Ferel.”

Hindi pa man siya tuluyang nakakatalikod ay may nagsalita mula sa likuran ng matanda.

“May bisita pala tayo.”

Lumingon si Aling Remedios sa pinanggalingan ng boses. Pero siya hindi na niya kailangang gawin iyon dahil kitang-kita niya ang nagsalita. Ito ang lalaking nakita niya kanina. At habang papalapit ito ay muntik na siyang mahimatay sa kinatatayuan nang maaninag niyang mabuti ang itsura nito.

xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxox

Pa-bitin effect! Hehe. Sana nagenjoy po kayo! :)

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon