Kabanata 21

1K 18 5
                                    

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Ferel sa lahat nang narinig niya. Bukod kasi sa nabuo niyang ideya na maaring hindi siya totoong anak ng Nanay niya o di kaya ni Lucas ay kagimbal-gimbal din ang buong pangyayari sa buhay ng buong mag-anak na nakatira sa mansyong ito. Si Lucas ay asawa’t anak ng Nanay niya at kapatid ni Lourdes ang tatay niya. Ang gulo at nakakasindak sa mata ng maraming tao.

“Sa tingin ko, naging kasumpa-sumpa ang buhay ni Sylvia at Lucas dahil pagkakasala nila sa langit,” narinig niyang komento ni Lola Remedios.

Parang nadagdagan lang ang lahat ng iniisip niya pagkatapos ng salaysay nito sa kanya. Wala nang pagsidlan pa ang utak niya sa kung ano pa mang nais sabihin ng matanda kaya nagpasya siyang tuldukan muna ang pag-uusap nila sa ngayon.

 “Gusto ko na pong magpahinga,” pakiusap niya rito.

Agad naman itong tumayo at tinungo ang pintuan. “Magandang gabi, hija,” wika nito bago tuluyang lumabas ng silid.

xoxoxoxoxoxoxoxoxox

Sinipa ni Lucas ang munting bato sa may daraanan niya. Galit siya sa mundo. At galit din siya sa asawa niya, o sa Nanay niya, pareho lang ‘yon. Kahit mabigat ang mga paa ay pinilit pa rin niyang lakarin ang masukal na daan pauwi sa mansyon. Ang dating magandang mansiyon ng mga Crisostomo na ngayon ay mistulang tahanan na lang ng mga ligaw na kaluluwa.

Kanina lang ay kinompronta niya si Sylvia kung sino ang nagnganglang Ferel na anak daw nito. Pero napag-alaman niyang iyon pala ang babaeng gagamitin nito para isakatuparan ang huling habilin ng kanyang papa sa kanya.

“Ano?!” bulyaw  niya sa babaeng nagluwal sa kanya ng mapag-alaman niyang itutuloy nito ang planong matagal na nitong nailatag pero pilit niyang tinututulan.

“Lucas, napag-usapan na natin ito ‘di ba?” pagsusumamo nito na pilit na pinapaalala ang lahat ng napag-usapan nila dati.

“Baliw ka na, Sylvia!” imbis sa sigaw niya ulit.

Nagbago ang anyo nito sa narinig. “Tumutupad lang ako sa pangako at hindi iyon kabaliwan!” katwiran nito na pumailanlang ang boses sa ere.

“Pero matagal nang patay ang Papa mo, hindi ka na masusundan ni Don Pablo mula sa libingan niya!”

“Importante sa ‘kin ang habilin ni Papa. Maawa ka naman taong patay na, Lucas,” mas malumanay na ang tinig nito.

“Iyon nga e, tahimik na ang Papa mo sa kabilang buhay. E tayo, heto’t puno pa rin ng pagdurusa,” paliwanag niyang kuyom ang dalawang palad.

“Buo na ang pasya ko,” matigas nitong sabi.

Umiling siya. “Nababaliw ka na, Sylvia,” pagtatapos niya sa usapan. Sinulyapan niya muna ang bunsong anak na si Lourdes na nakaupo sa gilid ng kama saka padaskol na ibinalibag ang pinto pag-alis niya.

Paano kaya nito naiisip ang ganoong kasindak-sindak na bagay? Galit na tanong niya sa sarili. Nasa tapat na siya ng malakaing pintuan ng mansiyon. Dahan dahan siyang pumasok at nag-ingat na huwag lumikha ng ingay. Mabilis niyang tinungo ang ikalawang palapag pero imbis na tumuloy sa kwartong inookupa nila ni Sylvia ay sa isang bakanteng silid siya pumasok. Iyon ang dating silid ng dalawang yumao niyang anak, sina Alberto at Daniel. Doon siya magpapalipas ng gabi. Wala nang masyadong gamit sa loob maliban na lang sa dalawang kamang parehong may puting kumot at unan na nakalatag at isang bagay na pinakaayaw niyang Makita.

Lumipat ang paningin niya sa salamin na nasa sulok ng kwarto. Ayaw na ayaw niya ng bagay na iyon pero sadyang nakakanakaw ito ng atensiyon. Mula sa replika niya, kitang kita niya ang nakakakilabot niyang mukha. Kasumpa-sumpa iyon sa paningin niya. Sana ay namatay na lang din siya agad katulad ng ama niyang si Francisco, hinidi na sana niya nararanasan ang lupit ng langit sa buhay niya at sa buong mag-anak niya.

xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo

Naalimpungatan si Ferel sa marahang mga katok galing sa pinto ng kwarto niya. Nahilamos niya ang mukha ng kamay at mabilis niyang pinagbuksan ang kumakatok.

“Hija, mag-aalmusal na tayo,” bungad sa kanya ni Lola Remedios.

“Mag-aayos lang po ako tapos bababa na po ako,” sabi niya.

Tumango lang ang matanda at nagpakawala  ng tipid na ngiti bago umalis. Mabilis niyang iginayak ang sarili at sa loob lang ng sampng minuto ay kasalo na niyang kumakain si Lola Remedios na katabi niya sa silya, ang Nanay niya at si Lourdes sa tapat niya, at si Lucas na nasa dulo ng mesa sa pwestong nakalaan para sa padre de pamilya ng tahanan. Kapansin-pansin ang puting tela na nakabalot sa mukha nito upang itago ang kahindik-hindik nitong itsura. Mata, butas ng ilong at bibig lang ang nanatiling hindi nakatakip.

Tunog lang ng kubyertos ang maririnig sa loob ng komedor. Ang malamig na simoy ng hangin sa silid ay parang nagpapaalala kay Ferel ng panibagong araw na pakikipag-buno niya sa katotohanan. Ano na naman kayang bago niya malalaman ngayon? Simula nang dumating sila kahapon sa lumang mansyon ay unti-unti niya nang napagtatagpi-tagpi ang ilang kuro-kuro na naglalaro sa utak niya.

Paminsan-minsang sumusulyap siya kay Lourdes na tinutulungan ng Nanay niyang kumain.  Tapos ay tinapunan niya rin ng tingin si Lucas na nahihirapang sumupo dahil sa bagay na nakabalot sa mukha nito. Ngayon ay nagdududa na siyang hindi niya ito ama pagkatapos ng kwento sa kanya ni Lola Remedios. Wala na siyang dahilan para tawagin itong Tatay.

Ang tikhim ni Lucas ang nagpabalik sa naglalakbay na utak ni Ferel sa realidad. Inilibot nito ang paningin sa mga kasalo nitong kumkain at saka nagsalita, “Ferel,” simula nito na tumingin sa kinaroroonan niya, “maaari ka nang umalis pagkatapos mong mag-agahan.”

“Po?” bulalas niya sa gitna ng pagkagulat. Bakit siya pinapaalis ni Lucas? Dahil ba hindi siya lehitimong anak nito kaya itinataboy na siya nito?

“Tama ang narinig mo, hin—“

“Hindi maaari yang sinasabi mo, Lucas,” mariing sabi ni Sylvia na matalim na tinitigan ang nag-iisang lalaki sa hapag kainan.

Isang matalim na tingin din ang iniukol ni Lucas sa babaeng minsan niyang itinuring na asawa. “Sylvia, itigil na natin ‘to, maari ba?”

Heto na naman ang mga pagtatalong inaayawan ko! Sigaw ng utak ni Ferel. Wala kasi siyang maintindihan sa mga ito.

Bumuga siya ng hangin at nangahas na magsalita. “Mawalang galang na po, L-Lucas—“

“Anong Lucas?” baling sa kanya ng Nanay niya, hindi pa rin nagbabago ang anyo nito.

“Hayaan mo siya Sylvia, alam ko at mo naman na hindi ko siya anak,” sabat ni Lucas.

Napantig ang tenga niya. Hindi na niya kailangang maghula. Kasasabi lang ni Lucas na hindi siya nito anak. Ngayon mas lalo na niyang naiintindihan kung bakit gusto na siya nitong paalisin. At aalis na talaga siya.

“Pero anak ko siya,” giit niy Sylvia na naningkit ang mga mata.

Tumawa ng mapakla ang lalaki. “Isa kang hibang, hindi mo rin siya anak!”

Sa pagkakataong iyon ay hindi na nakapagpigil si Sylvia. Tumayo ito at ubod ng lakas na kinalampag ang mesa na lumikha ng nakakabinging ingay. “Tama na, Lucas!” sigaw nito na pumaibabaw ang tinig sa buong mansyon. Malalalim na paghinga ang sunod-sunod nitong pinakawalan saka mabilis na nilisan ang komedor.

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon