Sa loob ng silid, halos tatlong oras nang nakahiga si Ferel sa malambot na kama. Nakapatong ang dalawa niyang kamay sa kanyang tiyan. Masarap sanang matulog pero hindi siya maanyaya ng malabot niyang hinihigaan kahit sa pag-idlip man lang. Nakatitig lang siya sa kawalan. Ayaw siyang tantanan ng mga isipin niya tungkol sa mga pangyayaring nasaksihan niya kanina lang. Katulad ng lagi niyang nadarama, para siyang nangangapa sa dilim at hinuhulaan na lang lahat ng mga nakikita niyang hindi niya maintindihan.
Tumagilid siya. Pinilit niyang pumikit. Bago pa man tuluyang magsara ang kanyang mga talukap ay parang may nakita siyang bagay kaya idinilat niya ulit ang mga mata. Nahagip ng paningin niya ang isang parang lumang papel na nakasiksik sa ilalim ng isang malaking tokador sa gawing kanan ng silid. Hinawi niya ang kumot na nakatakip hanggang sa may dibdib niya at agad na tumayo. Tinungo niya ang kinaroroonan ng bagay na bumuhay sa kanyang kyuryusidad.
Umupo siya upang kunin ang papel. Hindi iyon nakaipit kaya mablis niya iyong nakuha at nang iangat niya , napagtanto niyang isa pala iyong lumang litrato. Agad niyang nakilala ang babaeng may kargang sanggol na babae. Iyon ang kanyang inang si Sylvia. May katabi itong isang lalaking nakaakbay ang kanang kamay sa Nanay niya at ang kaliwa naman ay nakahawak sa balikat isang batang lalaki na nakaupo sa mataas na upuan sa harapan nito. Sa tantiya niya ay nasa dalawang taong gulang lang ang batang lalaki na may katabi ring isa pang batang lalaki na mas bata ng isang taon. Larawan iyon ng isang buo at masayang pamilya base sa ngiti na makikita sa labi ng mga ito. Ibinalik niya ulit ang tingin sa lalaking katabi ng Nanay niya, mukhang bata pa iyon. Iyon kaya si Lucas? Matikas ang pangangtawan ng lalaki sa litrato at may gwapong mukha. Kung asawa nga ‘yon ng Nanay niya, bakit ang laki naman yata ng agwat ng edad nila. At kung si Lucas man iyon, ano kaya ang nangyari sa mukha nito na dating kay amo at sa palagay niya ay kinahuhumalingan ng mga kababaihan?
At isa pa, bakit tatlo lang ang mga bata sa larawan? Alam niyang si Lourdes ang sanggol na hawak ng Nanay dahil sa mga mata nito. Naalala niya ang sinabi ni Lola Remedios kanina na ngayon lang siya nito nakita, na kahit kailan ay hindi siya nito nakita sa mansiyon. Hindi kaya totoong anak lang siya ng Nanay niya sa ibang lalaki?
Napapitlag siya nang may marinig siyang mahihinang katok mula sa pintuan ng silid niya. Agad siyang tumayo at tinungo ang pinto. Pero hindi niya iyon agad binuksan.
“Sino ‘yan?” tanong niya.
“Si Lola Remedios mo ito, hija,” wika ng tinig mula sa likod ng pinto.
Agad niyang pinagbuksan ang matanda at pinatuloy niya ito sa loob.
“Naistorbo ba kita sa pagpapahinga mo?” tanong nito na naupo sa gilid ng kama.
“Hindi naman po. Hindi nga po ako makatulog e,” sagot niya.
“Nakakahiya kasi ako na parang pinaglilihiman ka namin ng mga bagay bagay dito,”
Umupo siya sa dulo ng kama at tumingin sa matanda. “Ewan ko po, pero ‘yon talaga ang nararamdaman ko.” Hindi na siya magsisinungaling pa tutal sa matanda na rin naman nanggaling ang komentong iyon.
“Patawarin mo kami.”
Kami. Ibig sabihin ay inihihingi rin nito ng tawad ang Nanay niya. Hindi siya nagsalita. Pinapanalangin nalang niya na sana magkaroon ng milagro, na paggising niya kinabukasan ay naaalala na niya ang lahat. Hindi na sana siya nahihirapan ng ganito.
“Ano ‘yang hawak mo?” tanong ni Lola Remedios na ang tinutukoy ay ang litratong nasa kamay niya.
Sinulyapan niya ang larawan saka iniabot niya iyon sa matanda ng hindi pa rin umiimik.
Inusisa nito ang litrato. “Saan mo ito nakuha?” tanong ulit nito. Hindi kababakasan ng kahit anong bahid ng galit ang tinig nito. At iyon ang ikinagulat niya. Ang akala niya kasi ay magagalit ito.
“Sa ilalim po ng tokador na iyan,” sagot niya na itinuro ang tokador sa kanang bahagi ng silid.
“Kilala mo ba kung sino sino ang mga narito sa larawan?”
Tumingin siya sa matanda. Umiling siya. “Hindi po lahat, si Nanay lang ang nakilala ko at si Lourdes.”
“Bweno, halika dito sa tabi ko,” sabi nitong tinampal ng kaunti ang isang parte ng kama kung saan siya nito gustong maupo.
Hindi na siya nagdalawang isip pa at agad na tumayo. Naupo siya sa tabi nito. Itinapat nito ang larawan sa pagitan nilang dalawa kung saan makikita nila iyon ng malinaw.
“Ang lalaking nakaakbay kay Sylvia ay si Lucas,” simula nito, “at tama ka si Lourdes nga ang batang babae sa karga ng Nanay mo.”
Tumango lang siya. Ang buong atensiyon niya ay nasa larawan lang at sa sinasabi ni Lola Remedios.
“Itong batang lalaki,” itinuro ng daliri nito ang batang nasa kaliwa na nakaupo sa mataas na silya, “ito si Alberto, ang panganay na anak nina nila Sylvia at Lucas at ang batang ito naman,” inilipat nito ang daliri sa batang nasa gawing kanan na nakaupo din sa mataas na silya, “ay si Daniel.”
“Nasaan po sila ngayon?” usisa niya.
“Pareho na silang patay.”
Tumingin siya sa matanda na nakatuon pa rin ang paningin sa larawan. “A-no pong nangyari sa magkapatid?”
Nag-angat ito ng ulo at tuwid na ibinaling sa kanya ang tingin nito. “Ferel, kanina habang nag-uusap kami ng Nanay mo ay may sinabi siya sa akin.”
Nagulat siya. “Ano po ‘yon?” tanong niyang binalewala na muna ang nauna niyang katanungan tungkol sa magkapatid.
“May ipinakiusap siya sa ‘kin na sabihin sa’yo.”
Lumunok muna siya bago nagsalita. “Tungkol po sa nakaraan ko?”
“Hindi ko masasabi, hija” sabi nito.
May nadama siyang panghihinayang. Pero pinigil niya ang kanyang damdamin. “Kung hindi po, e tungkol po saan ang sasabihin niyo?”
“Tungkol sa pamilyang kinabibilangan mo na ngayon.”
“Ngayon?”
“Makinig kang mabuti sa lahat ng isasalaysay ko,” bagkus ay sabi nito.
Hindi siya umimik.
“Dahil sa tingin ko at ayon na rin kay Sylvia ay dapat mo itong malaman.”
Tumango siya bilang pagsang-ayon sa tinuran nito. Umaasa siyang sa mga saabihin nito ay may kahit isang piraso lang ng alaala siyang mapulot na para sa kanya.
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...