Prologue

315 54 26
                                    

"There comes a time when walking away is the best for everyone."

******************************

Hindi alintana ni Nissy ang malakas na ulan at madulas na daan. Nagpatuloy lamang siya sa mabilis na pagpapatakbo ng kanyang sasakyan. Masama ang loob sa mga nasaksihang pangyayari na gumimbal sa kanyang buong pagkatao ang nagtulak sa kanya para tahakin ang daan na hindi naman niya alam kung saan patungo. Ang tanging alam lamang ng kanyang utak ay ang makaalis sa lugar na nagdulot sa kanya ng sama ng loob at ang layuan ang taong naging sanhi ng kanyang kalungkutan.

Magdadalawang oras ng nilalakbay ni Nissy ang kahabaan ng kalsada, mugto ang mga mata sa kakaiyak habang makikita sa tabi niya ang isang bukas na kahon na animo'y naglalaman ng mga regalo at sulat. Bigla niyang naalala ang kagalakan na nadarama ng kanyang puso limang oras ang nakakalipas. Nagsadya pa siya sa isang mamahaling parlor para magpaganda at namili ng magandang damit na isusuot. Seventh anniversary nilang dalawa ng kanyang nobyo na si Arnold Montalban, ang nobyong kanyang pinagkatiwalaan ng pitong taon sa kabila ng mga panghuhusga ng mga tao dito, panghuhusga ng mga kamag-anak at ng matalik niyang kaibigan. Minahal niya ito ng higit sa kaya niyang ibigay at maipakita.

Ang hindi niya inaasahan ay ang makita itong may kahalikan at kalampungang ibang babae. At sa araw pa mismo ng anniversary nila ay nakita niya itong may kasamang ibang babae. Hindi siya ang tipo ng babae na agad nagseselos ng walang dahilan. She always wanted to be fair with her boyfriend all the time kaya naman hindi niya ito tinatanong sa mga bagay na naririnig niya sa paligid niya. Ang palaging rason na ibinibigay niya sa sarili ay ang tiwala niya para dito. Aanhin niya ang isang relasyon na walang kasamang pagtitiwala? 'Yon ang paniniwalang matagal na niyang pinanghahawakan.

Ngunit iba ang sumalubong sa kanya. Alam niya at batid niyang maraming mga babae ang umaali-aligid sa nobyo noon pamang nasa kolehiyo sila. Hindi naman kasi maipagkakaila ang angking kagwapuhan nito at lapitin din talaga ito ng mga babae. Minsan gusto niyang magselos pero pinipigilan niya ang sarili niya. Alam kasi niyang pag-aawayan lang nilang dalawa ng nobyo niya sakaling ipagtapat niya dito ang tunay niyang nararamdaman sa tuwing nakikipag-usap ito sa iba.

Minsan na niyang kinausap ang lalake tungkol dito at nag-away nga sila kaya ayaw na niyang maulit ang engkwentrong iyon. 

Everyone says that she is very naive when it comes to her boyfriend but to her defense, binibigyan lang niya ito ng benefit of the doubt. Ayaw niyang husgahan agad ito lalo na kung wala namang sapat na ebedinsya. Pero ang nasaksihan niya ilang oras lang ang nagdaan ay sapat na upang paniwalaan ang mga aligasyon na ipinupukol ng mga nakakakilala sa lalake.

Mahal niya ang kanyang nobyo kaya nasasaktan siya ngayon. Nasasaktan siya dahil alam niyang wala ng patutunguhan ang relasyon nila. Nasasaktan siya dahil batid niyang magwawakas na ang mahabang taon ng pagsasama nila. Ngayong siya na mismo ang nakasaksi sa mga kalokohan nito, wala ng rason para ipagpatuloy pa niya ang pakikipagrelasyon dito.

Sa kabila ng mga nasaksihan niya kanina, she still composes herself, ayaw niyang mang-eskandalo at mang-agaw ng eksena. Alam din niyang isa 'yon sa kahinaan niya, kahinaan niya na huwag lumaban ng harapan, kahinaan niya na isarili ang mga nararamdamang sakit.

Kagaya ngayon, mag-isa niyang tinatahak ang madulas na daan. Hindi alintana ang malakas na buhos ng ulan. Hindi man halos maaninag ang daan na tinatahak dahil nanlalabo na ang mga mata dahil sa walang tigil na pag-agos ng luha ay nagpatuloy lang sa pagpapatakbo ng mabilis ang babae.

Ang hindi inaasahan ng babae ay ang sumunod na pangyayari. Hindi niya inaasahan na ang sakit ng kalooban na nararamdaman ay madaragdagan pa ng isa pang pangyayari. 

Napamulagat ang kanyang mga mata nang sa di kalayuan ay nakita niya ang papalapit na malaking truck pagiwang-giwang palapit sa direksiyon niya. Ngayon ay mas lalong tumindi pa ang nararamdaman niyang tensiyon. Masakit na nga ang kalooban niya nahaluan pa ng matinding takot ang kanyang puso dahil sa maaaring mangyari.

"Ahhhhhhhhhhhhhhhh!" malakas na sigaw ng dalaga nang tumama sa sasakyan niya ang malaking truck. "Ugh!" Saka naramdaman na lamang niya ang malakas na pagtama ng kanyang ulo sa salamin ng kanyang sasakyan. Pakiramdam niya ay parang nananakit ang buo niyang katawan at nahihirapan siyang gumalaw. 

"Miss, are you okay?"

Hindi makasagot ang dalaga. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa paligid niya. Ang nararamdaman lang niya ay ang mahinang pagtapik sa kaniyang mukha ng hindi kilalang tao. Gusto man niyang dumilat ngunit pakiramdam niya ay napakabigat ng mga talukap ng kanyang mga mata. Ang tanging naririnig niya ay ang hindi maintindihang bulungan ng mga tao sa paligid at ang paghingi ng tulong ng taong sa wari niya ay kumanlong sa kanya. Gusto niyang magsalita ngunit maging ang kanyang bibig ay hindi niya kayang maibuka. 

Mas lalong hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanya.

************

END PART!

My Last Romance (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon