Epilogue

324 9 7
                                    

October 31, 2017

Dear Mary,

Kumusta ka na? Kung ako ang tatanungin mo ay ayos lang ako. Ilang buwan na rin ang lumipas simula no’ng huli kitang nakita noong graduation ko. Naisipan ko lang na sulatan ka ngayong gabi. Hindi ko nga alam, eh. Heto at pasado alas-diyes na ng gabi at hindi pa rin ako makatulog. Kaya imbes na tumunganga ako ay kumuha ako ng papel at ballpen. Nagpasya akong sulatan ka ngayong gabi. Naalala kita bigla, eh.

Alam mo Mary, hinanap kita noong graduation ko. Ang saya-saya ko pa nga noong araw na ‘yon dahil nasilayan kitang muli. Ang akala ko nga ay hindi na kita makikita. Malimit na lang kasi kitang makita noong pagtungtong ko ng fourth year. Alam mo naman na siguro na graduating na ako noon at saka abala na ako dahil sa OJT. 

Hinanap kita pagkatapos ng graduation ngunit hindi na kita nakita. Gusto sana kitang kausapin noon. Kahit sa huling pagkakataon, umaasa ako na makausap ka sa araw na iyon. Ngunit, ano pa nga ba? Mukhang tumututol yata ang panahon. Nawala ka bigla sa paningin ko.

Mary, nais kitang pasalamatan sa lahat. Nagpapasalamat ako sa’yo at nakilala kita. Inaamin kong natutuwa ako sa’yo kapag nakikita kita. Halatang-halata ka masyado Mary, ‘yong mga lihim mong mga tingin sa akin. Natatawa pa nga ako sa'yo kapag nakikita kitang nagmamadali sa pagtago kapag nakikita mo ako. Sabihin mo nga sa akin Mary, multo ba ako sa paningin mo?

Ewan ko ba Mary, natutuwa ako sa’yo kapag nakikita kita. Kaya nga kapag nakakasalubong kita dati ay napapangiti na lamang ako. Saka, siguro nahahalata mo ako na madalas ako maglagi sa platoon niyo, ‘no? Alam mo Mary, kaya lagi akong nando’n ay dahil gusto kitang makita. Masyado kasi akong natutuwa sa’yo.

Mary, naaalala mo pa ba ang sinabi ko sa iyo noon? Na sana noon pa kita nakilala. 

Totoo ang sinabi kong iyon, Mary. Sana noon pa kita nakilala. Para kasing konti lang ang panahon na ibinigay sa atin, eh. Pero wala naman akong magagawa kung gano’n lang talaga ang panahon na ibinigay sa atin. Gustong-gusto kitang makilala ng lubusan, Mary. Gustong-gusto.

Siguro Mary, huling-huli na yata ako. Alam mo na siguro kung ano ang gusto kong iparating. Hindi lang kita gustong makilala. Gusto rin kita, Mary.

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong ito para sa’yo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin kita makalimutan. Ilang buwan na ang lumipas ngunit nasa puso’t isipan pa rin kita.

Mary, masaya ako kapag nakikita ka. Ngayon, nalulungkot ako kapag naaalala kita. Hindi ko kasi nasabi sa’yo, Mary, ang mga katagang gusto kong sabihin. Naging duwag ako sa mga panahong iyon. Hanggang ngayon Mary, ikaw pa rin. Ikaw at ikaw pa rin.

Wala na sigurong pag-asa pa. Huli na ako.

Ngunit kahit gano’n nagpapasalamat pa rin ako na nakilala kita at naramdaman ko ang pakiramdam na ito dahil sa’yo. 

Alam kong masaya ka ngayon, Mary. Hiling ko lang sana ay nasa mabuti kang kalagayan ngayon. Saka, pagbutihin mo ang iyong pag-aaral upang makamtan mo ang iyong mga pangarap.

Gusto ko lang sabihin sa iyo na mahal na mahal kita. Mahal na mahal kita Mary kahit huli na. Kahit sa sulat kong ito ay masabi ko man lang ang mga katagang ito.

Hanggang dito na lang, Mary.

Maraming salamat.

Nagmamahal,
Joren

Love, MaryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon