Fifth Ladder
Prince and I at the Kiltepan Peak
"OKAY ka lang, Ney?" si Ian, naramdaman ni Sunshine na nasa tabi na niya ito. Hindi na siya umalis sa tabi ng apoy na nagbibigay init sa mga turista. Mga turistang gaya niyang hindi ganoon kalakas ang tolerance sa lamig. Madali siyang lamigin pero gusto niya ang cold weather.
"Hindi masyado," sagot niya. Pinagkikiskis ang mga palad at nilalapat sa nanlalamig na leeg. Nakaligtaan niyang magdala ng proteksiyon sa leeg niya, doon tuloy galing ang nanunuot na lamig. Kahit balot na balot siya mula ulo hanggang paa, ramdam pa rin niya ang lamig. "Ang lamig, sobra..."
Naramdaman ni Sunshine na nasa mga kamay na niya ang malalaking kamay ni Ian. Lumipat sa sariling kamay ang tingin niya. "Hindi...hindi malamig ang kamay mo?" nasabi niya. Warm ang kamay nito. Masarap sa pakiramdam.
"Hindi ako madaling lamigin, Ney," ang sabi nito. Paulit-ulit ang pagkiskis ng palad sa likod ng palad niya. Gusto ni Sunshine ang init na iyon. Saka lang lang din napansin ng dalaga na para silang Eskimo sa tabi ng apoy.
"Mga ilang minutes pa kaya?" si Sunshine kay Ian. "Sobrang aga pala natin—" naputol ang pangungusap dahil lumipat sa leeg niya ang mga palad nito. Sunod niyang naramdaman ay inayos nito sa balikat niya ang jacket, at ang hood sa ulo niya.
"Mga thirty minutes pa," sabi ni Ian. "Ang lamig mo..." sabi nito, hindi na inalis sa leeg niya ang dalawang kamay. "Gusto mo ng yakap?"
Wala sa loob na napatingin siya sa mga mata nito, nakaawang ang bibig. Nagre-reflect sa mga mata ni Ian nakatitig sa kanya ang liwanag ng apoy. Nag-iba na naman ang pakiramdam ni Sunshine. Parang may bolang emosyon na naman sa dibdib niya na nabuo at lumalaki.
"Hindi...hindi tsansing?" pinagaan niya ang tono para magpanggap na hindi affected. Hindi rin niya napigilan ang paglunok. Parang nagsasayaw na ang heartbeat niya. "Safe hug?"
"Safe hug," sabi ni Ian. Ang isa sa dalawang kamay ay nasa leeg pa rin niya, naramdaman ng dalaga na tumawid sa pisngi niya ang parehong thumb finger—maingat na humaplos. "Ang lamig na pati mukha mo."
"Pa-hug na nga," sabi niya at humilig na lang kay Ian. Magaang tumawa ang lalaki. Kinabig ang baywang niya. Ang isang kamay nito, nasa side pa rin ng leeg niya. Hindi napigilan ni Sunshine ang pagpikit, at pagngiti kapag nararamdaman niyang maingat na hinihigpitan ni Ian ang mga braso. Ang sweet lang ng moment na iyon. Hindi niya naisip na posible naman palang maranasan niya ang sweet moments na ganoon kahit wala siyang boyfriend. Hindi nga lang niya dapat bigyan ng mas malalim na meaning ang yakap. Wala kasing 'sila'. At ang mga nag-aasume, kadalasan ay nasasaktan lang.
"May shield ka ba sa lamig?" si Sunshine mayamaya. Para siyang estatwang nakahilig kay Ian. Wala siyang kakilos kilos, nasa side lang ang mga braso. "Naninigas na ako kanina, ikaw relax lang? Hindi mo man lang nafi-feel ang lamig? At ang katawan mo..."
"Hot?"
"Warm lang, 'wag kang OA diyan."
Buong-buo ang tunog ng tawa ni Ian.
"Shhh," saway niya pero nakatawa rin. "Ang dami natin dito..."
Mas hinigpitan nito ang yakap. Hindi na napigilan ni Sunshine ang sarili, umangat ang mga braso niya at yumakap sa baywang nito.
Tahimik na sila pareho. Nasa ganoon lang silang posisyon sa mahabang sandaling naghihintay sila ng sunrise. Mayamaya ay nagmulat ng mga mata si Sunshine. Naalala niyang si Ian ang kanyang first hug. At ngayon naman, si Ian pa rin ang first longest hug niya.
Napangiting pumikit uli siya.
"Ney?"
Ang maliit na kilos lang ang tugon niya rito.
"Sunrise na."
Saka lang siya biglang nagmulat, hinanap ng mga mata ang araw—at huminto saglit ang paghinga ni Sunshine nang makita iyon. Wala sa loob na bumitiw siya kay Ian.
Hindi na niya pinansin ang tunog, maging ang flashes ng camera ni Ian. Kung ang magandang view o siya ang kinukuhanan nito ng picture, bahala na ang lalaki. Hindi na niya maalis ang mga mata sa araw.
"Any comment?" si Ian na bahagyang dumikit sa tagiliran niya.
"Wala. Speechless ako."
Nawala na ito sa tabi niya. Mayamaya ay tinawag siya. Magkakasunod na flashes ng camera ang sumalubong sa paglingon ni Sunshine. Napangiti na lang siya. Ibinalik sa araw ang tingin. Tuloy-tuloy ang pagkuha ni Ian ng pictures.
Nasa van na sila nang ipakita sa kanya ni Ian ang isa sa mga images—ang kuha nito kaninang lumingon siya. Nililipad ng hangin ang ilang hair strand, background niya ang sunrise. Hindi siya nakangiti pero ewan kung bakit parang ang ganda niya sa picture na iyon.
Napatingin siya sa mga mata ni Ian. Umangat naman ang kilay nito, parang naghintay ng sasabihin niya. "Bakit parang ang ganda ko dito? Maganda talaga ako o magaling ka lang na photographer?"
Ngumiti si Ian. "This," tukoy nito sa image na tinitingnan nila. "...is you, Ney. Sa camera at mga mata ko."
Magaan siyang tumawa para itago ang pag-iinit ng pisngi. "Sabi na, eh." At sinadya niyang isiksik sa gilid ng tainga ang mga hair strand. "Ang ganda ko lang talaga," sumandal siya sa backrest. "Kuha ka pa, close up naman!" Sumunod si Ian pero nang mag-start nang mag-click ang camera, nag-contort na siya ng mukha. Natatawa ito pero hindi pa rin tumigil. Sa huli, na-capture ng camera ang totoong-totoong tawa niya bilang reaction sa mga jokes nito.
Hind nila magagawa ni Ian iyon kung may iba silang kasama sa van na ni-rent nito.
I thought, memorable na 'yong Tagaytay trip namin ni Ian. Mali ako. Mas magiging memorable pala para sa akin ang Sagada...
BINABASA MO ANG
Heart Hour (Published, 2016).COMPLETE
RomancePaano nga kaya kung may HEART HOUR ka sa bawat isang araw? Ito ay kuwentong Hugot ng mga UMAASA... NOTE: UNEDITED version.