NASA out of town business seminar ang asawa ni Maggie kaya panatag na mag-stay si Sunshine sa bahay ng kaibigan sa isang exclusive subdivision. Hindi niya gustong umuwi ng bahay nila. Ang paalam niya kay Rain, nasa trip siya kasama ang mga kaibigan. Instructed na niya ang bawat isa sa mga ito kung magtanong man ang kapatid. Hindi na nga lang siya puwedeng mag-stay sa tahimik na ancestral home ng pamilya nina Foxy dahil luluwas ng Maynila ang kaibigan. May kamag-anak na may sakit na bibisitahin. Ayaw naman ng dalaga na mag-stay sa bahay na si Nath lang ang kasama. Hindi sa wala siyang tiwala sa kaibigang brokenhearted, hindi lang talaga siya panatag. At kapag hindi siya panatag, pipiliin talaga niyang umalis na lang.
Tinawagan niya si Maggie at excited naman itong tanggapin siya sa bahay. Alam ni Sunshine kung bakit—gagawin siya nitong cook. Nag-offer din si Eiren na doon muna siya sa bahay nito pero dahil si Maggie ang 'walang asawa' ng ilang araw, pinili niyang mag-stay kay Maggie. At si Maggie rin ang mas nakakaalam ng mga secrets niya. Mas marami silang mapagkukuwentuhan.
Eleven thirty PM, mag-isa si Sunshine sa guest room. Nakatitig siya sa kisame nang may kumatok. Lumalakas na katok na parang may emergency. Napabalikwas ang dalaga at nagmamadaling tinungo ang pinto. Parang flash ng kidlat ang pagpasok ni Maggie, hila siya patungo sa kama.
"Mag-FB ka! Mag-FB ka, dali!" parang may sunog lang at tumawag siya ng bombero ang utos nito.
"Ano ba'ng meron?" tinatamad na tanong ni Sunshine, pahalang na ibinagsak ang sarili sa kama. "Ayokong mag-FB. Gusto kong mag-hibernate. Lumayo sa lahat. Lumayo sa mundo—"
"Ay, wow! Emote pa more, 'te?" hinila na naman siya nito para ibangon. "'Yan, check mo. Post ni Nath sa wall mo, sis! Magta-transform na naman niyan si Rain! Hulk mode 'te!" malakas na sabi nito. "Akala ko si Foxy ang kasama mo? Si Foxy ba o si Nath? Bakit wala kaming alam tungkol sainyo ni Nath?"
"Kasama naman talaga si Foxy," sabi niya at inabot ang cell phone nito. "Sumama din si Meeki at Nath. Sa Magalang lang kami, sa bahay ng mga grandparents niya." Nag-check na siya ng post na dahilan ng ganoong reaksiyon ni Maggie—nanlaki ang mga mata ni Sunshine nang makita ang picture nila ni Nath. Ngiting-ngiti ang lalaki, siya ay nakasubsob sa balikat nito, malapit sa leeg. Nakatalikod siya sa camera. Hindi niya alam na ganoon 'ka-intimate' ang dating ng selfie shot na iyon na nakalimutan na nga niya. Naalala ni Sunshine na binanggit nga ni Nath na ipo-post nito ang picture sa Facebook. Hindi niya alam na seryoso ang lalaki.
At ang caption:
You are valued and loved ever since.
#Thegirlimiss
#AkonoonAkoparinngayon
#Backtoyou
#Homeinyourarms
Inabot niya kay Maggie ang cell phone bago nagkibit balikat. "Okay na rin 'yan," sabi niya. "Nang makita ni Ian na hindi ako miserable na ikakasal na siya." Tumitig na na naman siya sa kisame. "Friends pa rin si Nath at ang ex niya sa FB. Alam mo na kung bakit nagpo-post 'yan nang ganyan. Siya kasi ang iniwan no'ng babae."
Tumunog ang text alert ng phone ni Maggie. Siya ay walang battery ang cell phone, tamad siyang mag-charge. Tamad siyang gumawa nang kahit ano. Mas gusto niyang tumanga lang o kaya ay matulog.
"Naka-off ang phone mo, 'no?" si Maggie.
"Low batt. Off na."
"Tinatawagan ka na siguro ni Rain," sabi nito. "Text ng tatlo, o!" inabot sa kanya ang cell phone. Pare-pareho ang message, nagtatanong daw si Rain kung kasama siya ng mga ito. Ang mga kaibigan niya naman, nag-text kay Maggie para itanong kung sila ang magkasama.
"'Yaan mo 'yan si Rain," sabi niya, inabot at niyakap ang unan. "Ite-text ko na lang pagka-charge—" hindi pa man siya tapos, nag-ring na ang cell phone ng kaibigan. May tumatawag.
"Kuya mo," sabi ni Maggie sa kanya. "Ano'ng sasabihin ko?"
"Kasama mo ako pero tulog na," sagot ni Sunshine. "At wala tayo sa bahay n'yo. Baka umuwi 'yan ng Pampanga para lang sunduin ako. Twenty-three na ako pero kung mag-react 'yan sa ganyang post ni Nath, para akong thirteen years old lang."
Sinagot na ni Maggie ang tawag at sinabi nga ang sinabi niya.
"Si Nath?" si Maggie na tumingin sa kanya at ngumiwi. "Wala. Kaming dalawa lang. Yep, nakita ko nga 'yong post. Yesterday afternoon lang kami nagkita ni Sunny. Nagkita siguro sila two days ago. Ganoon? Wala. Wala namang nababanggit si Sunny—sure, oo naman. 'Di mo kailangang sabihin, Rain. Mahal ko 'tong kapatid mo," at kinindatan siya ni Maggie. Nag-thumbs up siya sa kaibigan. "Ah, Rain? Nagkita na ba kayo ni Ian?" napabangon si Sunshine, pinandilatan si Maggie. Aabutin niya sana ang phone pero mabilis na nakalayo si Maggie sa kama. "Wala naman. Baka lang gusto mong itanong diyan sa friend mo kung may nangyari ba sa kanila ni Sunny? Si Ian kasi ang nasa bahay n'yo no'ng bigla bigla na lang umalis 'tong kapatid mo nang wala kaming alam. Naisip ko lang naman, na baka si Ian at hindi si Nath ang deserve tumanggap ng kahit isang sapak lang galing sa 'yo," sa kanya nakatingin si Maggie. Sinesenyasan niya ito na tumigil na. "Ibig kong sabihin? Wala naman, Rain. Baka lang gusto mong tanungin din 'yong friend mong kabute—paasang kabute pala—na lulubog lilitaw sa buhay ni Sunny, magpa-pacute, magpapa-fall 'tapos mawawala na lang at babalik na naman. At ngayon, ikakasal na, nagpakita pa talaga ulit? Ang gulo din ng kaibigan mong 'yan, eh. Paasa na, insensitive pa? Wala ba siyang ideya sa feelings ni Sunny? Hindi niya alam na nasasaktan na niya ang kapatid mo?"
Napasubsob na lang si Sunshine sa unan. Wala na. Bukingan moment na talaga ang sigurado siyang kasunod ng scene na iyon. Hindi palalampasin ni Rain ang mga sinabi ni Maggie. Sure si Sunshine na pagkatapos ng pag-uusap na iyon, si Ian ang susunod na tatawagan ni Rain. O kung hindi man, baka sa bahay na agad ni Ian sumugod ang kapatid na pinagmanahan niya ng temper.
BINABASA MO ANG
Heart Hour (Published, 2016).COMPLETE
RomancePaano nga kaya kung may HEART HOUR ka sa bawat isang araw? Ito ay kuwentong Hugot ng mga UMAASA... NOTE: UNEDITED version.