Heart Hour: Day 4
Photo Flooding. 9AM
NAGISING si Sunshine sa tunog ng kanyang cell phone. Pagkaalis ni Miya, nag-lock siya ng bahay at nag-nap sa sofa. Ganoon ang ginagawa niya sa mga araw na sobrang aga ang gising niya. Nagna-nap niya pagka-pick up sa mga orders at pagkaalis ng boarder na siya ang nagluluto ng breakfast.
Inabot niya sa katabing coffee table ang gadget. Si Ian ang tumatawag.
"Hello?"
"Heart Hour. Nine AM."
"Saan?"
"Facebook."
"Ano'ng oras na ba?"
"Eight fifty-seven."
"Ang cruel mo talaga!"
Buong buong tawa ni Ian ang narinig ni Sunshine.
"Phone na lang ang gagamitin ko," sabi niya kay Ian. "Tamad akong umakyat, eh. Nag-nap lang ako sa sofa. Hang up na ako, ah?" pinatay na niya ang tawag at nag-connect sa Wi-Fi nila. Sa inbox agad siya nag-check pagka-log in sa Facebook.
At napanganga na lang nang bumulaga sa kanya ang more than ten images pa na gaya ng una nang sinend nito—siya na mukhang abnormal.
IAN!!
Seen lang ang message niya.
TAMA NA, AH.
Image ni Sunshine na nakabungisngis ang sagot ni Ian.
Grrrrrrr! Ang message niya kasunod ang dalawang galit na emoji.
Image niya na nakanganga sa pagtawa ang sagot ng loko.
Grrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrr!
Image niya na ang sama ng tingin at mukhang baliw na aatake sa biktima ang sagot ni Ian.
TAMA NA SABI, EH!
Tatlong images uli ang sagot nito. Magkakasunod na shot kaya parang may perfect sequence—masama ang tingin, nakangisi at nakanganga na. Impaktang-impakta siya. Tanda ni Sunshine na sa loob ng van iyon. Hindi niya napansin na ganoon karaming shots ang nakuha ni Ian.
S-in-een lang niya ang images. Hindi na siya nagreply pero hindi rin siya nag-log out.
Tumigil na rin si Ian sa pag-send ng mga images niya.
Ten minutes later, nag-send si Ian ng image—foggy mountain. Agad nagbalik sa isip ni Sunshine ang Sagada. Hindi siya sumagot. Seen-in lang ang image.
May dumating na namang image—dalawang mug ng kape na hawak ng dalawang magkaibang kamay.
Napangiti si Sunshine. Sa Tagaytay kuha ang picture na iyon. Sinadya niyang i-seen lang. Mayamaya pa ay paisa-isa pang dumating ang apat pang images.
Mushroom fries.
Buko pie
Bulalo
Ligaw na bulaklak .
Kung tama si Sunshine, kinunan ni Ian ang bulaklak noong nag-aabang sila ng sunset.
Seenzoned pa rin si Ian pero ang lapad na ng ngiti ni Sunshine. Lalo na niyang nami-miss ang lalaki.
Tatlong magkakasunod na images uli ang dumating.
Tulog siya sa kama.
Stolen shot na lumingon siya, inaantok pa ang mga mata.
Nasa gitna siya ng kama at nakangiting nag-stretch.
Nag-eenjoy na siyang tingnan ang mga images niya mula kay Ian. Pinipigilan na lang ni Sunshine ang sariling mag-reply.
Magkakasunod na images uli ang sinend ni Ian isa isa.
Nakatingala siya, tumatawa at hinahangin ang buhok.
Ngiting-ngiti siya at background ang sunrise.
Nakahilig siya sa balikat ni Ian—sa side nila ay ang lumulubog na araw.
Magkatabi sila sa kama sa bagong gising na look niya at si Ian ay guwapong guwapo sa pagkakangiti.
Naramdaman ni Sunshine ang kakaibang init sa puso niya. Ise-save niya lahat ng pictures na iyon. Na-realize niya, tama si Ian. May way para mapahinto ang oras at i-save ang mahahalagang minuto o segundo sa buhay. Ang mga pictures at ang mga alaala ang hindi mawawala kahit tumakas man ang oras at lumipas ang maraming taon.
I miss her, message mula kay Ian.
Natunaw ang puso ni Sunshine sa kilig. Nag-log out na sa Facebook si Ian nang sumunod na segundo.
BINABASA MO ANG
Heart Hour (Published, 2016).COMPLETE
RomancePaano nga kaya kung may HEART HOUR ka sa bawat isang araw? Ito ay kuwentong Hugot ng mga UMAASA... NOTE: UNEDITED version.