7. #MedyoShock si Ate Girl Scene 2

913 31 0
                                    

NAULIT ang pagka-shock ni Sunshine sa katawan ni Ian kinabukasan. Wala pang six AM, nasa kitchen na siya at naghahanda ng breakfast. Bumukas ang pinto at pumasok si Ian-itim ang jogging pants at naka-hoodie ng kulay gray. Literal na nakaawang ang bibig niya nang magtama ang mga mata nila.

Ilang segundong nagtama lang ang mga mata nila bago ito ngumiti. "Hi!"

"A-Ang aga mo, ah?" si Sunshine nang makabawi. "Jogging uli? Kay Rain ka ba nahawa o siya ang nahawa sa 'yo?"

Lumapad lang ang ngiti ni Ian. Ibinaba ang hood. Nalanghap niya ang scent nito pagdaan sa tabi niya. Naliligo sa pawis pero ang bango? Pinigil ni Sunshine ang pagngiwi. Mas maganda na nga sa kanya, mas mabango pa! Na-conscious tuloy siya bigla. Amoy kusina na siya, magulo pa ang buhok na careless ang pagkaka-clip niya. Ramdam rin ni Sunshine ang namumuong pawis dala ng pag-ikot-ikot niya sa kusina.

Umiwas siya nang dumaan uli sa tapat niya si Ian. Napatingin sa kanya ang lalaki, napatigil sa pag-inom. Niyuko nito ang sarili at inamoy sa bandang dibdib, isinunod ang mga kili-kili.

Natawa si Sunshine pero hindi umimik.

Iniwan na siya ni Ian sa kusina. Mga forty-five minutes yata ang dumaan bago bumalik ang lalaki-na fresh na fresh!

"Gutom na ako," sabi nito, nasa likuran na niya. Wala sa loob na humarap si Sunshine, napatingala kay Ian. Sinakop kasi siya ng scent nito. Hindi niya sigurado kung sabon o perfume pero ang bango. Parang fresh at minty scent. Nanunuot sa ilong.

Medyo nagulat pa siya sa agwat ng height nila. Hindi niya napansin kanina na sobrang tangkad pala nito. Five ten si Rain, mukhang mas matangkad pa si Ian.

"Kung magulat ka parang tikbalang ako," sabi nito, nabasa yata sa mga mata mata niyang height nito ang iniisip niya. Agad binawi ni Sunshine ang tingin. Hindi na lang niya pinansin ang sinabi ni Ian. Mabilis na ang naging pagkilos niya. Ang kape lang ang inayos niya sa mesa.

"Self service dito," sabi ni Sunshine kay Ian. "Luto na ang pagkain, kukuha ka na lang." at tumalikod na siya. "Cook lang ang role ko, hindi yaya. Breakfast ka na!" walang lingon ang paglayo niya.

"Wala akong kasamang kumain, Sunny!" pahabol nito. Akala niya, sentence lang ang humabol, pati pala si Ian ay humabol din.

"Gutom ka na, 'di ba? Mga two hours pa ako sa room ko-" nahawakan ni Ian ang braso niya. Bago pa siya nagkaroon ng reaksiyon ay magkaharap na sila.

"Ano'ng gagawin mo sa room?" tanong ng lalaki, nakatitig sa mukha niya.

"Magre-rest, maliligo...bakit ba?" hindi nito binitiwan ang binabawi niyang braso.

"Hindi ka pa kumain?"

"Hindi pa-"

"Kumain ka muna. Sabay na tayo-"

"Ayoko nga!" protesta niya, pinipilit bawiin ang braso. "Ang baho ko kaya. Maliligo pa ako!" pilit siyang lumalayo. At napaungol na lang nang mahigpit nitong hawakan ang mga balikat niya. Hindi na siya nakakilos maging nang ilapit ni Ian ang sarili, niyuko at inamoy siya!

"Ano ka ba? Ian!" Tili ni Sunshine. Lalo siyang naging conscious sa kaibahan nila. Fresh na fresh ito, siya ay pawisan at magulo ang buhok. Amoy bed na, amoy kusina pa! Bakit ba dikit nang dikit sa kanya ang lalaki?

Tumawa si Ian. Sapilitan na pinaupo siya sa isa sa mga silya sa dining set. "'Kain muna tayo, Sunny." Ibinaba na naman ang sarili at inamoy ang buhok niya. "Mabango ka naman, a?" lumapat ang kamay sa ulo niya bago umupo sa katabing silya. "Saka na ang tantrums. Pagkatapos kumain."

Masamang sulyap lang ang ganti niya. Umakma si Sunshine na tatayo pero agad nitong hinagip ang braso niya-walang balak na paalisin siya. Mas malala pala kay Rain ang higpit nito. Mukhang hindi siya pagbibigyang makalayo.

Para matapos na lang ay hindi na nagprotesta si Sunshine. Sumabay na siya kay Ian sa breakfast. Pasulyap-sulyap naman sa kanya ang lalaki, ngingiti-ngiti. Hinayaan niya lang. Siya naman ang lihim na sumusulyap kay Ian kapag nagbaba na ito ng tingin. Nagkaroon din siya ng chance na lihim na pagmasdan ito. Guwapo talaga. Wala siyang makitang flaws sa mukha. Masarap titigan.

Nag-angat ng tingin si Ian-nailipat na agad ni Sunshine ang mga mata. Nang ibalik nito ang tingin sa pagkain, saka naman siya sumulyap uli. Hindi ang skin type ni Ian ang nakakaagaw ng atensiyon niya. Mga athletic type ang mas napapansin niya, mga moreno skin. Parang si Nathaniel na kaibigan nila at secret crush. Hindi gusto ni Sunshine ang mestisuhin, lalo na kung mas bagay na description ang 'maganda' kaysa sa guwapo. Magmumukha siyang lalaki kapag itinabi sa mga tisoy na gaya ni Ian. Hindi siya maputi. Nasa pagitan ng morena at mestisa ang kulay ng balat niya. Kung long hair si Ian at magkasama sila, ito ang magmumukhang babae sa kanilang dalawa.

Pero si Ian ang lalaking nagpi-pinkish ang mga pisngi pero hindi bading ang dating. Hindi nababawasan ang lalaking lalaking dating nito kahit kapag pinawisan at nainitan ay nagiging pinkish na. Ang mga mata nito, dark and mysterious. Kung tumitig, parang ang daming nakatagong misteryo. Kapansin pansin ang tangos ng ilong nito-hindi pang pure blooded Pinoy. Medyo oval shaped ang mukha, obvious ang panga. Baby red ang lips. Parang cover boy ang dating.

Parang magaan ang mood nito lagi, hindi nakakailang lapitan. Laging handang makipag-usap ang sine-send na message ng presence nito. Hindi na nakakapagtakang playboy ang lalaki-nasa personality nito na parang madaling makahatak ng atensiyon.

"Baka matunaw na ako," si Ian na nagpakurap kay Sunshine. Nag-init ang pisnging binawi niya ang tingin. Huling-huli nito ang ginawa niyang pagtitig. Kunwari ay walang narinig na ibinalik ng dalaga sa pagkain ang atensiyon. "Tubig oh, nagba-blush ka!" nahimigan niya ang panunukso sa tono ni Ian. Inilapit sa tapat ng plato niya ang isang basong tubig.

Mas nag-init lalo ang mga pisngi ni Sunshine. Hindi na niya magawang mag-angat ng tingin.

Naramdaman niyang inilapit nito sa ibabaw ng ulo niya ang palad, parang mahinang tap lang ang kasunod. Pag-angat niya ng tingin ay ang lapad ng ngiti ni Ian. "Okay lang kahit titigan mo ako hanggang sunset, Sunny. Sanay ako sa ganoon, alam mo na, celebrity!" at tumawa ito.

"Ang yabang mo!" pero natawa na rin siya. Nagawa na ni Sunshine na salubungin ang mga mata nito. "Mas malala ka pa sa friend kong conceited, eh!"

"May kaibigan ka na parang ako?"

"Si Nath." Mas napangiti si Sunshine nang maalala ang lihim niyang kilig kapag lumalapit ang kanyang secret crush.

"Nath, ha?" si Ian na parang nagdududa ang tingin sa kanya. "Bakit iba ang ngiti mo? 'Yang mata mo, nagtu-twinkle, o!"

Natawa na naman si Sunshine pero bigla rin na pinigilan. Baka mabanggit nito kay Rain ang 'tamang hinala' tungkol kay Nathaniel.

"Ang malisyoso mo, Ian!"

"Ayaw pang aminin," sabi naman nito. "Crush mo 'yang Nath na 'yan?"

"Hindi, ah!" agad tanggi niya. "New friend namin siya! Ang advance mong mag-isip!"

"New friend daw..."

"New friend nga! Ang 'kulit nito!"

Hindi na sumagot si Ian. Hanggang tainga lang ang ngiti habang ngumunguya at hindi inaalis sa mukha niya ang tingin.



Heart Hour (Published, 2016).COMPLETETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon