11. Just When...

805 35 0
                                    

WEEK THREE. Nawala na talaga ang harang na nasa pagitan nina Sunshine at Ian. Nasanay na siya sa presence ng lalaki. Sa breakfast, tatlo na silang sabay kumakain. Napansin niyang close nga ang kapatid kay Ian. Parang hindi na siya kasama ng dalawa sa mesa. Parang totoong magkapatid. Napapangiwi na lang siya kapag nagmumurahan sa pagitan ng kuwentuhan at tawanan.

Sa lunch naman, sila na lang ni Ian ang magkasabay. At sa dinner, nagluluto lang si Sunshine kapag aabot sa oras ng dinner ang uwi ni Rain. Kapag late ang uwi ng kapatid, sa labas na lang siya kumakain o kaya ay sa bahay—si Ian na ang nagluto. Pagdating niya, may nakahandang dinner na. Magpapaalam ito na nakialam sa food supplies nila sa ref kapag luto na. Matatawa na lang si Sunshine.

May red mark sa listahan ni Sunshine ang mga araw na hindi kumakain sa bahay si Ian. Calculated niya ang refund na ibibigay sa lalaki bago mag-end ang buwan na iyon. Every thirtieth kasi ang singil nila sa upa. Sa parehong araw din niya ibinabalik ang refund.

Sa last day ng week three, nag-text si Ian na susunduin siya sa University. Sa Tarcing's Kainan na naman sila nag-dinner. Pagkalabas, naglakad na naman sila. Parang 'yong dati lang nilang ginawa. Ang kaibahan lang, bumili si Ian ng ice cream na inuubos nila habang naglalakad.

"Ney?"

"Hmn?"

"Ano'ng gusto mong gawin?"

"Ngayon? Umuwi na. Parang uulan, eh."

"Marami ka bang assignments?"

"Dalawa lang para sa subject ko tom," tuloy siya sa mabagal na mga hakbang habang abala sa ice cream.

"Kung last day ko na ngayon, may sasabihin ka ba sa akin?"

"Ingat ka—kung sa'n ka man pupunta o lilipat."

"Would you miss me?"

"Slight lang siguro..."

"Mag-isa ka na naman kakain. Okay lang sa 'yo 'yon?"

"Sanay ako do'n, 'no? Nag-iba lang naman no'ng dumating ka, eh."

"Matulog ka nang maaga, Ney. Bawasan mo'ng pagpupuyat para sapat ang tulog mo bago ka gigising para maghanda ng almusal n'yo."

"Napansin mo 'yon? Na kulang ako sa tulog?"

"Sabi sa akin ng eyebags mo—"

"Sobra! Para namang eyebags na lang ang nasa mukha ko niyan."

"Mami-miss kita..."

"Wait lang, ah? Bakit parang aalis ka? Kung magsalita ka parang last day mo na sa bahay—" napatigil siya sa pag-ubos sa ice cream. Napatingin kay Ian. "Aalis ka na nga?"

Sinalubong lang ni Ian ang tingin niya. Huminto sila sa tabi ng kalsada. Padaan-daan ang mga jeep, kotse at motorsiklo sa tapat nila. Hindi naghihiwalay ang mga mata nila. "Tapos na'ng vacation ko," si Ian na ngumiti, kasunod ay binawi na ang tingin. "Wala na ako paggising mo bukas. Maaga ang flight ko."

Saan ka pupunta? Ang agad sanang itatanong ni Sunshine pero naisip niyang walang dahilan para itanong iyon. Wala naman siyang pakialam sa buhay nito. Ang dapat niyang isipin ay ang refund ni Ian! Salamat na lang at hindi pa niya naubos. Dalawang textbook pa lang ang binili niya.

"Sabi mo pang one year ang prepaid rent mo?"

"Sinabi ko lang 'yon," si Ian, magaang pinisil ang chin niya. "Ayaw mo kasi sa akin."

Umawang ang mga labi niya. "So...walang ire-refund na rent si Rain?" nag-aalala pa naman siya sa kapatid. Akala niya ay may kung ano'ng importanteng pinagkagastusan na hindi na naman sinabi sa kanya. Ganoon naman iyon, lagi siyang hindi ini-inform para hindi na raw siya mag-alala.

"Wala—"

"Wala pala eh!" agap niya. "Umalis ka na! Okay na—"

Magaang tumawa si Ian, nahawakan ang isang braso niya. Hindi success ang pagtalikod niya para mauna nang sumakay sa jeep na paparating.

"May refund pa ako sa food, Ney!"

"One week na lang naman 'yon, 'yaan mo na!"

Nagtatawanan na sila habang pasakay sa jeep. Naupo silang magkatabi. Medyo siksikan na. Para sa tatlong tao na lang pala ang space. Sa kabilang upuan ang isa kaya literal na pinagkasya nila ang mga sarili.

"Upo ka na lang dito," bulong ni Ian sa kanya, natatawa. Sa lap nito ang tinutukoy. Bumaling siya para umirap pero nang makitang ang lapad ng ngisi nito ay natawa na lang din siya. Siniko niya ito sa tagiliran.

Umuusad na ang jeep nang maramdaman ni Sunshine na inakbayan siya ni Ian at kinabig—hindi simpleng pagkabig, obvious talaga na kinabig siya palapit sa katawan nito. Napatingin siya sa lalaki. Sinalubong nito ang mga mata niya bago lumampas ang tingin sa katabi niya sa kaliwa. Lalaking malaki ang katawan, parang construction worker. Pagod yata sa maghapong trabaho kaya natutulog. Natutulog at napapahilig sa kanya!

Hindi na siya binitiwan ni Ian hanggang bumaba na sila.

Ang weird lang na parang naiwan sa kanya ang warmth ng katawan nito.

Heart Hour (Published, 2016).COMPLETETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon