WEEK two na ni Ian sa bahay. Nakapag-adjust na rin si Sunshine na may bago na silang kasama. Hindi niya ini-expect na mabilis siyang masasanay kay Ian. Hindi nga niya namalayan na nagiging comfortable na pala siyang nasa paligid ang lalaki. Nawala na rin ang pakiramdam niyang kailangan niyang mag-lock lagi ng pinto dahil may iba silang kasama.
Sa katatapos lang na one week, wala siyang nakitang iba sa kilos ni Ian para pag-isipan ito nang masama. Parang si Rain lang ang lalaki-ilang oras sa kuwarto, lalabas para kumain o kaya mang-asar, hihilata sa sofa o kaya ay uupo lang malapit sa pinto ng sariling kuwarto at tutunganga. Papanoorin lang ang pag-akyat-baba niya. Sa gabi bago ang dinner ay nagja-jogging, ganoon din sa umaga bago ang breakfast. Hindi umaalis ng bahay na hindi nagpapaalam. At kapag dumating na, siya ang unang kakatukin. Kung nasa university naman si Sunshine, magte-text ito na umalis ng bahay at kung kailan ang balik.
Tuwing nasa bahay si Ian, parang si Rain lang ang kasama ni Sunshine. Magka-age kasi ang dalawa kaya siguro nagkakapareho sa maraming bagay. Kung may iba man, 'yon ay ang hindi niya ma-explain na changes sa kanyang heartbeat kapag ngumingiti ito o kaya ay nagtatama ang mga mata nila. Gusto sana niyang ituring din na 'Kuya' si Ian pero parang malabo. Maraming similarity ang dalawa pero magkaiba pa rin. Iba ang effect sa kanya ng ngiti at tingin ni Ian. Hindi nga lang niya alam kung ano ang iba sa ngiti at tingin nito at may kakaibang effect sa kanya.
Napatingin si Sunshine sa pinto nang may kumatok. Past twelve PM na iyon. May pasok siya ng two PM kaya naghahanda na siya. Nagpa-plantsa siya ng uniform na isusuot. Labandera lang ang meron sila na nagpupunta tuwing weekend. Hanggang tupi lang ng mga damit. Hindi na kasama ang plantsa. Pareho sila ni Rain na marunong sa gawaing bahay. Hindi sila pinalaking walang alam. May labandera sila kaya siya ang assigned magluto, si Rain naman ang naglilinis sa off nito. Kung masyadong busy ang kapatid, siya na rin ang naglilinis. Nagluluto rin ito kapag tamad siyang gumising nang maaga. Hindi nila pinagtalunan kahit minsan ang household chores. Sa mga tamad days niya, napapailing na lang si Rain, magluluto para may kainin o kaya ay papasok nang walang almusal.
"Bukas 'yan!" si Sunshine na patuloy lang sa maingat na pagpaplantsa, nasa pinto ang tingin.
Bumukas ang pinto at sumilip si Ian. "Ano'ng oras ang pasok mo, Ney?" ang 'Ny' sa Sunny ay parang naging 'ney' na sa 'honey'. Kaninang breakfast lang niya unang narinig na tinawag siya nitong ganoon.
"Two PM."
"Ang uwi mo?"
"Hanggang six ang last subject ko. Wala pang seven, nandito na ako. Text mo na lang ako kung ano'ng gusto mong dinner. Ite-take out ko na lang. Hanggang one-fifty lang ang budget mo."
Napangiti ito. "Can...I come in?" isa iyon sa gusto niya kay Ian, pagdating sa kuwarto niya, hindi ito basta basta pumapasok. Nasa labas lang lagi. Hindi tinatawid ang space sa pintuan papasok sa kuwarto niya. Sa ilang araw na nasa bahay na ang lalaki, unang beses iyon na gusto yata nitong pumasok.
"Hindi," agad sabi niya. "Hanggang pintuan lang 'pag wala si Rain. Rule ko sa mga lalaking borders." Totoo iyon, pero ang dahilan talaga ni Sunshine, ayaw niyang magpa-distract kay Ian. Baka masunog ang uniform niya!
Umangat ang mga kilay ni Ian bago ngumiti. "Ang higpit," sabi nito. "Magbabayad lang ako-"
"Ng share mo sa food? Ilang days?"
"One month."
Mabilis ang calculator sa isip ni Sunshine. May dagdag panggastos siya. Mukhang magugustuhan niya talaga bilang boarder itong si Ian. Walang reklamo sa luto niya. Kinakain rin ang kahit anong nasa mesa.
'"Wait lang," sabi niya. "Tapusin ko lang 'to."
"Saan ka magdi-dinner?"
"Iisipin ko pa."
"Sabay na lang tayo?"
Napatigil si Sunshine sa pag-off ng plantsa. Napatingin kay Ian. "Pupunta ka'ng school?"
"Hawak mo na ang budget ko sa pagkain."
"Hindi pa," sagot niya naman. "Ibibigay mo pa lang kaya!" Na-off na niya ang plantsa. Binunot agad niya ang plug at nilagay sa hanger ang uniform. Pagkasabit ng hanger, lumapit na siya kay Ian. Hinila niya ang pinto.
Inabot ng lalaki ang pera sa kanya-tig-one thousand at may isang five hundred.
Pambiling textbooks, sa isip ni Sunshine. "Mabait ako sa refund, 'wag kang mag-alala," sabi niya at ibinulsa ang pera nang hindi binibilang. Mag-eexplain na lang siya kay Rain kapag nabuking nito sa sobra ang singil niya kay Ian sa share nito sa pagkain. Rich kid yata ang lalaki, nagbayad nang walang reklamo.
"Ano'ng oras ang dinner natin?"
"Sa exit gate na lang," sabi ni Sunshine. "Wala pang six thirty dapat 'ando'n ka na." Pinigilan ni Ian ang paglapat ng pinto nang basta na lang niyang itinulak pasara.
"'Wag sa Top Taste," sabi nito. Nagsawa na siya sa menu ng Top Taste kaya walang kaso iyon. Curious lang siya kung bakit ayaw ni Ian.
"Bakit ayaw mo do'n? Dating nagwo-work do'n si Rain."
"Walang bago," sagot nito. "Nagsawa na kami ni Rain sa lasa ng chicken inasal at pork barbecue," dugtong pa nito. "Gusto mo sa Top Taste?"
"Memorize na rin ng taste bud ko ang lasa ng food nila," sagot ni Sunshine. "May malapit sa school na maliit na kainan. Lutong bahay. Do'n ako madalas nagdi-dinner. Hindi paulit-ulit ang niluluto nila. Marami pang veggies sa menu. Hindi nga lang maa-appreciate ng mga hindi sanay sa maliit na kainan." Ang totoo ay gusto niyang subukan kung hindi ito maarte. Kung gaya ba si Ian ni Nath na mula pa sa angkan ng mga politiko pero regular customer ng Tarcing's Kainan.
Sa Tarcing's nila na-meet si Nath. Sa dami ng tao, naubusan ito ng space. Pang apat ang mesa nila at tatlo lang silang magkakasama. Naki-join si Nath sa kanila. Classmate pala nila ito at siya lang ang hindi aware.
"Favorite din dati ni Rain-"
"Tarcing's?" agaw ni Ian.
"Familiar ka rin do'n?"
"Seven years kaming classmates ng Kuya mo, Ney."
"Okay pala, eh!" sabi niya. "'Kita na lang tayo mamaya?"
Tumango si Ian at hinayaan na siyang ilapat ang pinto.
BINABASA MO ANG
Heart Hour (Published, 2016).COMPLETE
عاطفيةPaano nga kaya kung may HEART HOUR ka sa bawat isang araw? Ito ay kuwentong Hugot ng mga UMAASA... NOTE: UNEDITED version.