"Alon"

57 2 0
                                    

Sa isang ngiti nagsimula ang lahat
Saksi ang 'sangdaan at ulan ng langit
Ngiti ng 'yong labi at kinang ng mata
Ang sa aking puso'y bumihag kaagad

'Di akalaing ika'y makikilala
Ang iyong pagdating ay 'di inasahan
Subalit ikaw ang aking aksidente
Na habambuhay na pasasalamatan

Sa pagpatak ng araw sa kalendaryo
Ay kasabay ng paglago ng pagsinta
Hinahanap-hanap ang 'yong mga mata
Na dahilan ng pag-umapaw ng puso

Sa'yo natagpuan ang pag-ibig, sinta
Sa'yo nahanap ang nawalang piraso
Ng puso kong akala'y noo'y masaya
Ikaw. Oh! Ikaw nga ang bumuo sa akin

Hindi ko namamalayan ang oras
Sa tuwing ikaw ay aking nasa tabi
Sapagkat ang mahalaga lang sa akin
Ay ang "ikaw at ako, tayong dalawa"

Sa agos ng panahon ay sumasama
Basta't mga kamay nati'y magkahawak
Ngunit sa pagragasa ng mga alon,
Unti-unti ka na palang bumibitaw

Isang liham ang nakarating sa akin
Liham na kailanman ay 'di ko hiniling
Liham na naglalaman ng 'yong hinagpis
At nagsasabing "mahal kita, paalam"

Mga ngiti mo ang bumuo sa puso
Mga pagtangis mo ang sumaksak dito
Kaya kahit pinipiga ang damdamin
Aking tadhana, ika'y palalayain
------------------------------------------------------

"Ako ang alon na babalik sa'yo"
           -Alden Richards 2k17❤

Deep Well of Thoughts and FeelingsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon