Hilaw na Katarungan

41 2 0
                                    

Isa, dalawa, tatlo
Kalayaan ko'y naglaho
Aking pagkatao
Nahusgahan at nagulo

"Ako'y inosente!" Gusto kong isigaw
Ngunit sila'y nagbibingi-bingihan
Dahil tila'y sila ay may desisyon na
Bago pa man magsimula ang pag-iimbestiga

Sila'y nakatitig sa akin sa bawat araw
Mga mata nila'y nanghuhusga
Na para bang sinasabing
"Mamatay ka na! Yun ang nararapat!"

Sigaw nila'y katarungan
Para sa mga mahal nila sa buhay
Habang ako'y ninanakawan
Ng siya ring hustisya't karapatan

Pag-asa ko'y unti-unting naglalaho
Walang gustong makinig sa akin
Mga nasa itaas ay walang pakialam
Sa aking panig at mga salaysay

Mga paliwanag ko ay hindi pinakinggan
Mga ebidensya'y nariyan na
Subalit sila'y nanatiling bulag
Sa katotohanang nakalapag na sa harapan nila

Nakuha nila ang kanilang katarungan
Na kanilang inaasam-asam
Ngunit gusto kong itanong sa kanila
Katarungan nga ba ang ikulong ang taong malinis ang konsensya?

Ilang bagong taon at pasko na wala ang pamilya
Dahil sa selda ay patuloy na nagdurusa
Pero nasaan ang mga totoong may sala?
Ayun, hindi ko alam pero sila'y nagsasaya

Kalayaan ang ninanais ng puso ko
At ito ay tulad ng isang larawan
Na unti-unting kumukupas
Sa paglipas ng panahon

Marami akong katanungan
Ngunit ang mga ito ay dumidiretso sa isang tanong
Yun ay ang, sistema ng hustisya sa bansa na ito,
Kailan ka magiging totoo at magbabago?

Deep Well of Thoughts and FeelingsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon