Pangako

35 2 0
                                    

"Balang araw, matutupad din natin ang lahat, pangako."

Mga pangarap na sabay nating binuo
Mga pangakong sinambit sa isa't isa
Mga salitang ating pinanghawakan
Kasama ng ating pag-ibig na inakala'y walang hanggan

"Paulit-ulit na lang. Nakakapagod na."

       "Patawarin mo ako. Pangako, konting tiis na lang."

Pangako, konting tiis na lang
Makakamit din natin ang ating kalayaan
Magagawa ang ating inaasam
Pangako, konting tiis na lang.

"Ayoko na."

      "Ayaw mo na? Suko ka na?"

"Nakakapagod umintindi. Nakakapagod maghintay sa bagay na hindi naman darating."

     "Hindi. Nagkakamali ka. Tutuparin ko ang pangako ko. Pakiusap, wag mo akong iwan."

Oo, alam ko, naiintindihan ko
Napapagod ka na
Sino nga ba ang hindi?
Kahit naman ako ay nauubos na

Pero mahal, maaari bang 'wag ka munang bumitaw?
Maaari bang hawakan mo pa rin ang aking mga kamay?
Kahit wag mo na munang higpitan
Ako na lang muna ang lalaban

"Mahal kita ngunit pagod na ako. Ang sakit na ng lahat. Hindi ko na kaya."

Hndi ako nakasagot.
Nabablangko ang isip ko

"Mas makabubuti kung lalayo na muna tayo sa isa't isa."

             "Mahal kita."

Ang daming katanungang bumabagabag sa akin
Ngunit ang lumabas lamang sa aking bibig ay ang mga salitang iyan
Dahil iyan ang kasiguraduhan
Na hindi magbabago kailanman

Nakatitig sa iyo habang ika'y humakbang palayo
Ninanais na ikaw ay yakapin at pigilan
Subalit kung ang paglayo sa aking piling ang siyang makatutulong sa'yo
Mahal ko, handa akong magparaya

Sa gabing iyon, natapos ang lahat
Ang "ikaw at ako, tayong dalawa"
Ay naging "ikaw at ako" na lang
Tuluyan ka na ngang bumitaw

Lumipas ang isang buwan
Ikaw ay bumalik sa akin
Ngunit hindi bilang kasintahan
Kundi bilang isang kaibigan

Puso ko ay tumatalon sa tuwa
Sa tuwing ikaw ay aking napapatawa
Puso ko ay hindi mapakali
Kapag ikaw ay nasa aking tabi

"Masaya ako kapag masaya ka."

Iyan ang sabi mo pero mas masaya ako kapag kasama kita
Alam kong marami na ang nagbago
Pero heto ako, patuloy pa ring umaasa
Na maibabalik pa ang ating dating pagsasama

"Masaya rin ako kapag masaya ka."

Lumipas ang ilang buwan
Dumating ang aking kinatatakutan
Na may darating sa buhay mo
At papalit sa akin sa iyong puso

Kailanman ay hindi ako nagsalita
Kahit ang dami ko ng nakikita
Dahil para saan pa?
Wala naman na akong karapatan

Gusto ko ay ang maging masaya ka, aking sinta

Nais kong manatili ang ngiti sa iyong mga labi
Ngunit pagiging makasarili ba
Kung ako'y may kirot na nadarama?

Nagagawa niya ang mga bagay na noon ay hindi ko nagawa
Naibibigay niya ang kanyang oras sa'yo nang buong-buo
Oras na dahilan lagi noon ng ating pagtatalo
Dahil ang oras ng ating mga trabaho ay madalas na hindi nagtatagpo

Nakita ko nga pala ang larawan ninyong dalawa
Sa lugar na noon ay ating plinanong puntahan
Ngunit hindi nagawang tuparin
Dahil tayo'y pinagdamutan ng pagkakataon

Ako ay nakatayo ngayon
Sa isa sa ating pinangarap na destinasyon
Nakatitig sa taglay nitong kagandahan
Hinihiling na sana magkasabay natin itong nasisilayan

"Balang araw, matutupad din natin ang lahat, pangako."

Mga pangarap na sabay nating binuo
Ngunit ating natupad nang hindi magkasama
Mga salitang ating pinanghawakan
Kasama ng pag-ibig na ngayon ay sa iba na iniaalay

Deep Well of Thoughts and FeelingsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon