Nakita namin si Congresswoman na kinukublihan ng aming back up team. May mga higit sa dalawampung katao ang nagsisilbing shield niya. Nagkakagulo pa rin ang lahat. Lahat ay may kanya-kanyang paraan kung paano sila makakatakas. Nagtatakbuhan. Nagsisigawan.
"Tangina," sabi ni Roy. Tiningnan ko kung anong tinitingnan niya sa malayo at kung bakit siya nakatingala na parang tensiyonado.
"Bomba," sabay naming sabi nang magkatinginan kami. Kaagad kaming tumakbo papunta sa city hall.
Ginamit ko 'yong private cellphone namin, ginagamit lang namin 'to para dito. Tumawag ako nang back up para halughugin ang buong lugar dahil baka may mga nakakalat pang bomba.
Nakarating kami ni Roy sa ikalawang palapag ng city hall at dinampot niya 'yong bomba na nakadikit sa bintana. Si agent Roy, bukod sa magaling siya sa pag-spy, expert din siya sa mga bomba. Kahit anong klase ng bomba ay alam niya. Kaya naman no'ng nakita ko na gano'n ang itsura niya kanina ay alam ko na agad kung anong nakita niya.
Pinagmasdan ko lang siya kung gaano niya kabilis na-diffuse yung bomba at napatigil ang timer nito. Lagi kaming nagkakasama sa mga misyon, nakasama ko na rin sina Laveen at Axl. Ngayon lang kami nagkahiwalay na apat dahil sa magkasabay na task na 'to, kaya pinaghati kami ni Boss.
Makalipas ang isang oras ay na-clear na ang lahat. Maayos na ang city hall at sinasabihan na ang lahat na 'wag mag-panic. Nasa maayos na din ang kalagayan ng Congresswoman.
"Ayos ah!" sabi ko kay Agent Roy at tinanguan siya bilang pagpuri sa ginawa niya. Inaamin ko na madalas niya akong napapabilib, kakaiba ang galing niya pagdating sa mga bomba.
"Nag-text si Ma'am Laveen," diretso sa matang saad niya sa 'kin nang tingnan ang cellphone niya na tumunog.
***
Kaagad kaming nagmaneho pabalik sa headquarters sakay ng Harley-Davidson motor. Nakarating kami sa headquarters makalipas ang ilang minuto. Sa parehong silid kami nagkita-kita at sabay-sabay ring pumasok. Nandoon na sa loob si Boss at hinihintay niya kaming dumating.
"Maupo kayo bilis," ani Boss na tina-tap pa ng mabilis ang ibabaw ng lamesa. Inihagis niya sa 'min ang apat na folder. Kumuha kami ng tig-iisa.
"Nagsalita na 'yong gunggong na nahuli namin, ikinanta niya na kung sino ang isa pang gunggong na kasama niya," wika ni Boss. Tinanguan niya kami bilang senyas na buksan na namin ang folder. Pinagmasdan ko muna ang tatlo habang binubuksan ang folder at iba-ibang emosyon ang nakita ko sa mukha nila. Tiningnan ko ang folder at mabilis iyong binuklat. Laking gulat ko nang makita kung sino ang nasa larawan. Kahit sketch lang ito ay kilalang-kilala ko ang taong 'to. Wala nang ibang pumasok sa isip ko kundi siya lang.
"Homer," saad ko habang gulat na gulat pa rin. Namimilog ang mga mata. Nanginginig ang mga kamay ko. Pahigpit nang pahigpit ang hawak ko sa folder hanggang sa magkaroon na iyon ng lukot.
"Bakit gan'yan ang mukha mo, A40+?" tanong sa 'kin ni Boss pero hindi ko siya tinitingnan at nakatuon pa rin sa larawan ni Homer ang mga mata ko.
"Kilala mo?" tanong niya pa sa 'kin. Itinaas ko ang aking tingin at ngayon ay tiningnan ko na siya sa mata. Ang mga kasamahan ko ay nakatingin na rin sa 'kin. Pinagmasdan ko ang mga mukha nilang nahihiwagaan at nagtataka.
***
Madilim na ang paligid. Ginabi na kami at medyo traffic. Nasa biyahe kami kasama ko sila A01, A20 at A30+. Ako ang nagmamaneho nitong Aston Martin V8 Vantage na sakay namin. Kagaya ito ng sasakyan ni Rowan Atkinston sa kanyang sikat na spy movie na Johnny English Series.
Kaagad akong bumaba ng kotse nang marating namin ang harapan ng aming bahay. Pagkabukas ng gate ay wala na akong inaksayang segundo at mabilis na naglakad papunta sa main door ng bahay namin.
Tila naririnig ko pa rin sa isip ko ang mga naganap na usapan kanina sa headquarters.
"Y-Yes, sir!" nauutal kong tugon nang tanungin ako ni boss. "Teacher siya ng anak ko." Mas nag-alab ang galit sa dibdib ko pagkatapos kong sabihin iyon. Ang lalaking 'yon, kaya pala una pa lang ay mainit na ang dugo ko sa kanya. Sabi ko na't totoo, tama ako, hindi siya mabuting tao.
"Marami nang bata ang nabiktima ng hayop na 'yan. Alam niyo na kung anong gagawin, you're a team, you should work as a team. Is that clear?" Nagtinginan kami at sabay-sabay na tumayo matapos sabihin ni Boss ang mga salitang 'yon.
"Yes sir!" Malakas at matapang ang aming tindig. Handa na kami para sa misyong ito.
"Kung gano'n, 'yan ang misyon niyo ngayon. Alamin niyo kung sa'n ang hideout ng gago na 'yan. Sa inyo nakasalalay ang buhay ng mga batang kasalukuyang hawak niya. Kumilos na kayo bago pa mahuli ang lahat!" Iyan ang mga huling salitang binitawan ni Boss. Hindi ko akalain na ang taong umaaligid sa anak at asawa ko ay ang taong taksil sa batas. Kailangan niyang pagbayaran ito, pero bago iyon kailangan kong malaman ang kalagayan ng mag-ina ko.
Kinatok ko ang pinto ng ilang beses pero wala akong natanggap na sagot. Kahit tumawag ako ay hindi ako pinagbubuksan. Nakakapanibago. Baka naman natutulog lang sila. Tama, marahil gabi na. Natutulog na sila. Ayaw kong pakabahin ang sarili ko hangga't hindi ako nakakasigurado.
Pinihit ko ang door knob pero laking gulat ko nang hindi 'yon naka-lock. Hindi ko na nagamit ang susi na dinukot ko sa bulsa ko. Bakit naman kinalimutan ni Myz na i-lock ang pinto?
Hindi na ako nag-isip pa at itinapak ko na ang aking paa sa loob ng bahay na matagal ko nang hindi nakikita. Kinapa ko ang pader malapit sa pintuan at pinindot ang switch ng ilaw. Lumiwanag ang paligid at nakita ko ang tahimik na bahay, walang laman.
Patakbo kong inakyat ang hagdan at kaagad na nagtungo sa 'ming kwarto. Hinalughog ko ang kwarto pero wala si Myz. Maging ang kwarto ni Jam ay walang laman.
Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Bakit ako kinakabahan? Bakit wala sila? Iniwan na ba nila ako? Hinalughog ko na ang lahat ng parte ng bahay pero wala sila.

BINABASA MO ANG
LOVELY HABITS • THE LOVERBOY ERA
Любовные романыSPG | R-18 | Mature Content In the Tiu pad, the age-old adage of 'a good husband makes a good wife' is put to the test. Mule, once a notorious jerk, a badass boy, and a womanizer, now conceals not only his wild past but also a clandestine mission th...