Madaling araw na nang maisipang maglakad-lakad ni Jiena at bumili sa convinience store di kalayuan sa bahay ni Madame Shi, kailangan niyang pakalmahin at abalahin ang sarili niya sa ibang bagay dahil kung hindi ay maaalala nanaman niya ang nangyari kanina.
Kanina pa napupuno ng inis at galit ang dibdib niya para sa binata. Pagkagaling niya pa lang sa hotel suite ni Gongchan matapos ang komprontasyon nila ay inabala na niya ang sarili upang hindi na iyon maalala pa. Kung anu-ano na ang ginawa niya upang maging abala ngunit tulad ng isang sirang plaka ay paulit-ulit na nagbabalik sa isipan niya ang lahat ng sinabi nito.
"Porket ba sikat siya sa kung saan man siya galing eh may karapatan na siya na manghusga at mang-insulto? Ang kapal ng mukha niya." Naiinis niyang sinabi, wala sa loob na nahawakan niya ang ang pulsuhan niya, lalo naman bumangon ang galit sa dibdib niya ng maalala na nawawala ang bracelet niya. Ang bracelet na nagsisilbing tanging ala-ala ng mga magulang niya sa kanya. Ang kaisa-isang bagay na meron siya mula sa mga magulang niya.
Naisip niyang baka nalaglag niya iyon sa silid ni Gongchan dahil wala naman siyang ibang pinuntahan kanina bago niya marealize na wala na ang bracelet sa pulsuhan niya, nagtatalo ang isip niya sa kung babalik siya roon upang siguruhin kung doon nga iyon nalaglag ngunit mas nanaig ang inis niya at wala siyang planong bumalik pa sa lugar na iyon. Naipangako niya sa sarili niyang hinding-hindi na siya babalik pa sa lugar kung saan ininsulto siya nito ng husto at kahit kailan ay hindi na niya gugustuhin pang makita ito.
Nagpatuloy siya sa paglakad, maliban sa ilang sasakyan na dumadaan na siyang tanging ingay na naririnig niya ay wala nang ibang tao pa sa kalsada. Tinignan niya ang relo niya at nakitang mag-aalas dos na ng madaling araw.
Napabuntong-hininga na lang siya, "Malalim na ang gabi pero gising pa rin ako, nawala pa yung bracelet ko at walang mapaglagyan ng inis sa dibdib ko at lahat ng ito ito ay kagagawan ng Gongchan na iyon."
Muling bumangon ang inis sa dibdib ni Jiena, naisip niya na siya na nga ang tumutulong ay napasama pa siya. Tandang tanda niya pang lahat ng narinig niyang sinabi nito. At kahit na nakapikit siya ay parang umaalingawngaw pa rin ang mga salitang binitawan nito sa isip niya.
"At anong akala niya, pwede niyang gawin ang lahat ng gusto niya at sabihin ang mga bagay na naiisip niya kahit pa makasakit siya? Anong karapatan niya na sabihan ako ng masasakit na salita. Hindi niya naman ako kilala."
Nagpatuloy sa pagmomonologue si Jiena. Ang sama ng loob niya dahil sa nangyari at dahil doon ay hindi na niya nagawa pa ang totoo niyang balak.
Hihingi sana siya ng tawad sa binata dahil sa pagkakamali niya nang mapagkamalan niya ito at singilin ng pera, nalaman kasi niya kalaunan na ang dating umookupa sa silid nito ang totoong may atraso sa kanya at nagkataon lang na noong makarating siya sa labas ng silid ay si Gongchan ang naabutan niya.
Sa pag-aakalang iyon ang taong may utang sa kanya at dahil na rin sa inis niya ay hindi na siya nakapag-isip pa ng tama at napagbintangan ito. Alam na niyang nagkamali siya at ang sana ay paghingi niya ng tawad sa binata ay nauwi sa tuluyang pagkainis niya rito dahil sa mga narainig niyang sinabi nito.
Marahil ay sa lalim ng iniisip niya at sa inis na nararamdaman niya ay hindi niya namalayang papatawid na pala siya ng kalsada. Patuloy na inookupa ng lalakeng si Gongchan ang isip niya, wala na sa loob niya ang ginagawa niya at hinahayaan na lang ang mga paa niya sa paghakbang nito, huli na nang mag-angat siya ng ulo dahil na rin sa narinig niyang malakas na pagbusina kasunod ng pagkasilaw niya sa isang liwanag.
Para bang napako ang mga paa niya lalo na at nang mapagtanto niya kung nasaan siya. Nasa gitna na siya ng kalsada, malapit na ang kotse na kanina pa busina ng busina sa kinatatayuan niya at anumang oras ay mababangga na siya nito. Nagpatuloy sa pagbusina ang sasakyan, sunod-sunod at naging napakalakas niyon sa pandinig niya ngunit huli na para umiwas pa.
BINABASA MO ANG
Little Things (Gongchan)
Romance"Ikaw ang nakikita ko, matagal nang panahon na ikaw na ang nakikita ko. Binabalewala ko lang dahil natatakot ako, natatakot akong iwanan mo rin ako at magulo nanaman ang mundo ko." - Gongchan , Little Things