Position 28
Malakas ang patak ng ulan. Sa madilim na eskinita. May mga matang nag-aabang. At may dumaan na isang estudyante. Walang kasama. Walang pakialam si Rico dahil nagugutom ang pamilya niya. Kailangan niya gawin ito.
Diyamante maituturing ang bag ng estudyante. Laptop. Phone. Mga mamahaling gamit. Alam niyang may mapapala siya. Sampung hakbang papalapit at itinutok niya ang patalim sa lalaki. Nagulat ito at nanlaban.
Ngunit mas determinado si Rico. Isinaksak niya ang patalim sa tagiliran ng lalaki. Kinuha niya ang bag na parang walang nagyari. Malakas pa rin ang ulan.
Ngayon, tatlong araw na ang nakalilipas. Nakalimutan na ni Rico ang nangyari. Basta nakakain ang kanyang pamilya, ayos na siya.
Habang nag-aalmusal sila, nahulog mula sa bulsa niya ang patalim na ginamit niya noong gabing iyon.Nagtataka siya dahil iniwan niya ito sa eskinita. May bahid pa ng dugo ng binatang pinaslang niya.
Dali-dali niyang kinuha upang hindi makita ng mga anak niya. Ibinalot niya sa dyaryong binili niya kanina. Pero nakita niya ang balita sa dyaryo tungkol sa isang estudyanteng namatay sa eskinita.
Ilang oras lang, nakita niya ang patalim sa itaas ng tv. Saktong ibinalita ang isang estudyanteng namatay sa eskinita. Hindi na maganda ang nararamdaman ni Rico. Parang may ipinahihiwatig ang patalim sa kanya.
Dumating ang kumpare niyang isang pulis. Nagkamustahan sila. Pero laking gulat niya ng wala na ulit sa bulsa niya ang patalim. Nasa mesa na ito. May bahid pa ng dugo. Parang may sariling buhay.
Dahil parang mababaliw na si Rico, sumuko na rin at umamin na siya sa kasalanan niyang nagawa. Kinuha ng kumpare niya ang patalim at dinala na niya si Rico sa presinto.
Sa loob ng bilangguan, si Rico ay parang wala sa sarili. Hanggang sa binugbog siya ng mga pulis sa loob. Nakita kasi siyang may hawak na patalim.
Alam niyang kinuha ng kumpare niya ang patalim. Hindi alam ni Rico kung bakit hawak na niya iyon.
BINABASA MO ANG
Makinilya 69 (Kamasutra Ng Mga Dagli)
Short Story69 na mga Kuwentong Dagli: Sinulat Upang Gumulat, Magmulat, at Manghikayat (Inspired by "Wag Lang Di Makaraos" of Eros Atalia)