Position 10
Ang pangalan ko ay Richard. Lagi akong kinukulit ni Kamatayan. Araw-araw. Akala niya kasi mapapatay niya ako. Pero nagkakamali siya. Binigyan ako ng kapangyarihang hindi mamatay hanggang sa edad na 95. Hindi ko alam kung sumpa yan.
Nalunod na ako pero nakaligtas pa rin ako. Tumalon ako sa napakataas na gusali pero parang walang nangyari pagbagsak ko sa lupa. Nabundol na rin pala ako ng 16-wheeler truck pero maniwala ka man o hindi, hindi ako namatay.
Pero sabi ni Kamatayan, mapapatay niya na raw ako. Sa pasukan, sa unang tapak ko sa highschool. Grade 7. Ewan ko kung totoo or niloloko na naman niya ako.
Malapit na rin pala magpasukan. Limang araw na lang. Medyo kinakabahan ako sa banta ni Kamatayan. Pero okay lang. Tiwala pa rin ako sa kakaibang abilidad ko.
June 10. Araw ng pasukan. Medyo excited na kabado. Ewan ko. Sa school ba ito or sa banta ni Kamatayan? Pagkatapos ng flag ceremony, pumunta na ako sa classroom namin. Bagong mukha. Bagong lugar. Bagong gamit.
Pero ligtas pa rin ako. Joke lang ata yun ni Kamatayan. Pero bigla siyang lumabas sa tabi ko. Ipikit ko raw ang mata ko at sa pagdilat ko, mamatay na ako.
Pinikit ko. Tiwala naman ako sa powers ko. At sa pagdilat ko, isang babaeng may nametag na "Kate" ang nakita ko. Ang ganda niya. Nakipag-apir ako kay Kamatayan. Akala ko natakasan ko na si Kamatayan. Hindi pala.
Patay na patay ako kay Kate.
BINABASA MO ANG
Makinilya 69 (Kamasutra Ng Mga Dagli)
Povídky69 na mga Kuwentong Dagli: Sinulat Upang Gumulat, Magmulat, at Manghikayat (Inspired by "Wag Lang Di Makaraos" of Eros Atalia)