Position 8
Ako si Jeano Cruz. 35 taong gulang. Nakatira sa Quezon City. Isang assassin. Ako raw ang pinakamagaling sa lugar namin kaya maraming kumukuha sa aking mga mayayaman na may gustong ipatumba. Alam kong masama itong trabaho ko pero kailangan ko buhayin ang pamilya ko.
Tinatawag rin nila akong "Bull's-eye". Lahat kasi ng target ko ay laging headshot. Siguradong patay kahit malayo pa ito. Wala akong mintis.
Kagaya na lang ng huli kong misyon. Ang target ay nakasuot ng sumbrero , nakasuot ng asul na long sleeves at may leather shoes. May hawak na green na briefcase kaya alam mong siya yun. Hindi talaga nagbigay ng pangalan ang kliyente ko. Hindi ko alam kung bakit.
Pumuwesto ako sa rooftop. Mga isang kilometro ang layo mula sa lugar ng aking target. Bitbit ko ang paborito kong baril. Barret .50 caliber sniper rifle. Nakahanda na ang baril. Handa na rin ako. Lumabas na ang target.
Nakasuot ng sumbrero. Nakasuot ng asul na long sleeves at may leather shoes. Bitbit ang green na briefcase. Sigurado akong ito ang target. Tumingin ako sa scope. Tinantya ang hangin. Inayos ang scope. Lumingon ang target. Ngunit nakalabit ko na ang gatilyo. Tumumba ang tatay ko sa daan. Pumatak ang mga luha ko.
Sabi ko naman sa inyo, wala akong mintis.
BINABASA MO ANG
Makinilya 69 (Kamasutra Ng Mga Dagli)
Nouvelles69 na mga Kuwentong Dagli: Sinulat Upang Gumulat, Magmulat, at Manghikayat (Inspired by "Wag Lang Di Makaraos" of Eros Atalia)