"MALAPIT NA ang birthday ko," parinig ni Prince. Nakapasok na si Lia sa school, pabalik na sila. "Wish ko, sana sagutin mo na ako."
Muntikan nang masamid si Johna. "Hindi magkakatotoo ang wish mo," pambabara niya dito. Kanina pa dikit nang dikit sa kanya ang binata. Panay naman ang iwas niya. Nagiging mapangahas si Prince, sinusubukan nitong hawakan ang palad niya. And it was scaring her dahil kapag nadidikit ang mga balat nila ay para siyang nakukuryente. Parang may maliit na boltahe ng kuryente na dumederetso sa puso niya. Ang resulta... kumakabog ang dibdib niya.
"Itanan na lang kaya kita?" nakangising tanong ni Prince. Dumikit na naman ito.
"Ang tanong, sasama ba naman ako?" Tinangka niyang umiwas pero bago pa siya nakaiwas ay nakaakbay na ang binata. Mahigpit na inakbayan siya nito.
"Kikidnapin na lang— Aw!" ngumiwi ito nang sikuhin niya.
"Alisin mo 'yang braso mo sa balikat ko," angil niya. Mabuti na lang at wala silang nakakasalubong sa daan.
"Ayoko nga."
"Isa!"
"Dalawa," balewalang sabi nito.
Tumigil siya sa paghakbang, sinulyapan ito. "Hindi mo aalisin?" Pinanlakihan niya ng mga mata ang binata.
Nanghaba ang nguso ni Prince sa pagsimangot. "'Pag hindi ko inalis, ano'ng gagawin mo sa akin?"
"Malalaman mo pagkabilang ko ng tatlo at hindi mo inaalis ang braso mo," agad na sagot niya. "Isa, dalawa, tat—"
Mabilis na inalis ng binata ang braso nito sa balikat niya. "Naku, naku, naku! Kung hindi lang talaga kita mahal," bulong nito.
Tinaasan niya ito ng kilay. "May sinasabi ka?" Oh, dear, gustong mapangiti ni Johna. Napaka-charming ni Prince sa sandaling iyon. Bagay na bagay dito ang salitang Prince Charming. Yeah, right. Lihim na ipinilig ni Johna ang ulo. Masama na talaga. He was really getting on her nerves. Hindi na yata niya kayang balewalain ang binata. Maging simpleng pagpapa-cute nito ay napapansin na niya. Ang masama ay apektado siya at parang kinikilig ang puso niya. Dati naman, nababalewala niya si Prince 'di ba? Dati naman kaya niyang ipagwalang-bahala ang kaguwapuhan at pangungulit nito. Pero ngayon... Johna sighed. Marami na ang nagbabago sa damdamin niya at hindi niya iyon mapigilan.
Hinarap siya ng binata. "Meron. May sinasabi ako," masungit na sagot nito. Nakataas ang noo at naghahamon ang mukha. "Sabi ko mahal kita. Bakit, may reklamo ka?" He smirked at her, arrogantly. Namaywang pa ito. Muntikan na siyang mapabunghalit nang tawa. "Gusto mong magreklamo sa Barangay? Halika, samahan kita." Hinawakan nito ang braso niya para hilahin siya. Pero natigilan ito. Tinitigan siya. Malakas na kumabog naman ang dibdib ni Johna. "Oh. Ngumiti ka. Nakita kong ngumiti ka." Lumiwanag ang mukha nito.
She bit her tongue. Shit. "B-bakit naman ako ngingiti?" kunwa ay mataray na balik niya.
Abot-taynga ang ngiti ng loko. Maging ang mga mata ay kumikinang. "Sus, magde-deny pa. Kinikilig ka eh."
"Of course not!"
Nagpapa-cute na ngumiti ang loko. Hindi pa rin nito binibitawan ang braso niya. "I knew it. Love mo rin ako, ano?" Sa panggigilalas niya ay tuluyan nitong hinila ang braso niya. Hinapit siya sa katawan nito. At dahil malakas ang puwersa ng pagkakahila sa kanya, nawalan siya ng balanse at napayakap sa katawan nito. Agad pumasok sa ilong niya ang mabangong amoy ng binata. Naghahalo ang men's cologne at pawis na dulot ng paglalaro nito ng basketball. Ang masama ay parang natutukso pa siya na mas singhutin ito.
Napalunok siya. Parang mabibingi na siya sa lakas nang pagtambol ng puso niya. Naririnig din kaya ni Prince ang tibok ng puso niya? Sa ganoon kalapit ay kitang-kita niya kung gaano ka-guwapo ang binata, kung gaano ka-perfect ng bawat facial features nito. And then he was holding her and... and it felt good. Johna, gising!
"B-bitiwan mo ako."
Ngumisi ang binata. "Okay," anito. "Pero pa-kiss muna." He quickly pressed his lips into her lips. Nakalayo na ito sa kanya bago pa siya makapag-react.
BINABASA MO ANG
Of Love... And Miracles (Completed)
Romance"Makapal lang ang guwapong mukha ko pero hindi bato ang puso ko. Nasasaktan din ako." "I... I w-want to hear y-your voice f-for the last time. I... w-want to tell you h-how-how much I love you..." Iyon ang huling tawag na natanggap ni Johna mula kay...