CHAPTER SEVEN
"S-SALAMAT sa paghahatid," sabi ni Johna nang sa wakas ay huminto ang sasakyan ni Prince sa tapat ng bahay nila. Napaka-awkward ng ilang minutong biyahe nila na parang ilang oras ang naging katumbas. "U-umaasa akong ito na ang huli."
Ipokrita! Ipokrita ka, Johna, sumbat ng kanyang puso.
Bubuksan na sana ni Johna ang pinto sa gawi niya nang sa wakas ay magsalita si Prince. "Makakaasa ka."
Ouch. Ang sakit...
"Wait, may pag-uusapan pa tayo."
Natigil siya sa pagbubukas ng pinto. Blangko pa rin ang ekspresyon ng mukha ni Prince. Mas magugustuhan siguro ni Johna kung nagpakita ang binata ng stubbornness, galit, possessiveness, o pagseselos tulad ng ginawa nito noong minsang sinabi ng mommy nito na may naghatid sa kanya. Ngayon, parang may pader na talaga sa pagitan nila.
Iyon ang gusto mo, hindi ba, Johna? sabi ng kanyang isip. Magsaya ka na dahil mukhang sa pagkakataong ito ay titigilan ka na talaga ni Prince.
Binuksan ni Prince ang ilaw ng sasakyan. "Sa palagay ko dapat mong malaman ito." He was so casual, no emotions on his face whatsoever. Binuksan nito ang compartment ng sasakyan, may kinuha roon, at pagkatapos ay iniabot sa kanya.
Napatingin doon si Johna. Mga pictures iyon. Pero nakataob kaya hindi niya makita kung ano o sino ang nasa pictures.
"Tingnan mo," udyok ng binata.
Nagtataka man, kinuha na rin niya ang mga picture at tiningnan. It was Lia in her school uniform. Tiningnan niya ang iba pang litrato, si Lia pa rin ang nandoon. Naging mabilis ang pagtingin niya sa bawat litrato. May litrato rin ng nanay niya, ng bahay nila. Meron ding litrato na magkasama sila ni Prince. Bumangon ang kaba sa kanyang dibdib.
"Ano'ng napansin mo?" tanong ni Prince habang binubuksan ang bintana ng sasakyan. He did that para siguro walang kapitbahay—kung sakaling may makakita sa kanila— na mag-isip ng masama sa kanila dahil hindi pa bumababa ng sasakyan si Johna.
Napansin niyang nag-iba na talaga si Prince. Dati, ikinatutuwa pa nito kapag naiisahan siya.
"Puro stolen shots," sabi niya.
Tumango ito. "Right."
"Saan 'to galing? Sino'ng kumuha nito?" Hindi na niya ako tinitingnan sa mga mata... Parang kinurot ang puso ni Johna dahil doon.
"Susunduin ko sana kanina si Lia sa school. Then I noticed this guy na may hawak na camera. Kinukuhanan niya ng pictures si Lia..."
Nabitin ang hininga ni Johna sa narinig. Nawala ang atensiyon niya kay Prince. Hindi siya makapaghintay na marinig kung ano ang gusto nitong sabihin.
Nagpatuloy si Prince. "Hindi lang basta kinukuhanan, sunod-sunod ang pagpindot niya sa camera na parang bawat galaw ng bata ay kinukuhanan. Sinubukan kong lapitan para tanungin. Napansin din siguro akong papalapit kaya umiwas. Lalo akong kinutuban ng masama kaya hinabol ko. The guy was fast and I lost him. Pero naitawag ko agad kina Marlon ang tungkol sa lalaking 'yon. Sa madaling salita, nadala nina Marlon sa akin 'yong lalaki. Imagine my shock nang makita ko ang laman ng camera. So, tinanong ko kung sino siya at kung bakit niya kayo-tayo, minamanmanan. Turned out, he was a PI."
"PI? Private Investigator?" tanong ni Johna na lalong kinabahan. Ang Marlon na binanggit ni Prince ang pinaka-leader ng kanto boys sa lugar na iyon.
Tumango si Prince. "And he was hired by a certain Attorney Cris Magboot. Kilala mo siya?" There was something about the way he talked. Bagaman kaswal, parang nagdadahan-dahan pa rin ito dahil ikabibigla niya ang patutunguhan ng usapang iyon.
Umiling si Johna. Hindi pamilyar sa kanya ang pangalang nabanggit. "B-bakit daw?"
"Mahirap siyang pakantahin. Nonetheless, he was a good singer. Apparently, talagang nagtatrabaho siya sa abogadong 'yon. Nag-iimbestiga siya at kumukuha ng information para sa mga kasong hinahawakan at hahawakan pa lang ni Attorney Magboot."
"Wait," naguguluhang tanong niya. "Ano ang kinalaman namin ni Lia do'n? Hindi ko kilala ang abogadong 'yan."
"Pero siguradong kilala mo ang kliyente niya. Attorney Magboot's client is a certain Vaughn Asuncion."
Malakas na singhap ang lumabas sa bibig ni Johna. Para siyang binuhusan ng nagyeyelong tubig sa narinig. Vaughn Asuncion? As in Lia's biological father? "B-ba— b-bakit.... A-anong—" Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. Natataranta siya. Natatakot. Hell, ramdam niya ang panghihina ng mga tuhod. Mabuti na lang at nakaupo siya, kung hindi siguradong babagsak siya.
"K-kasal na si Vaughn k-kaya bakit... bakit siya biglang eeksena sa buhay namin ni Lia?" At kumunsulta agad ito sa isang abogado? Wala siyang kamalay-malay na may nagmamasid na pala sa kanila?
Aksidenteng napanood ni Johna ang balita tungkol sa heart attack daw ng isang congressman habang nagnininong sa kasal ng nag-iisang apo ni Judge Ernesto Asuncion. The judge was Vaughn's grandfather. Noon pa ipinagmamayabang ni Vaughn na magiging bahagi raw ng Supreme Court ang lolo nito.
Sa loob ng ilang sandali, dumaan ang emosyon sa mukha ni Prince. Parang gusto siyang i-comfort at sabihang magiging maayos ang lahat. That he got her back and he wouldn't let her down. But to her dismay, he just sighed. Hindi siya nito inalo.
"I'm sure one of these days, magpapakita sa 'yo si Vaughn o ang abogado niya. Doon mo pa lang malalaman kung ano ba talaga ang gusto niyang mangyari. Sinabi ko sa 'yo ang nalaman ko kanina para kahit papa'no, mapaghandaan mo ang magiging pagkikita ninyo."
BINABASA MO ANG
Of Love... And Miracles (Completed)
Romance"Makapal lang ang guwapong mukha ko pero hindi bato ang puso ko. Nasasaktan din ako." "I... I w-want to hear y-your voice f-for the last time. I... w-want to tell you h-how-how much I love you..." Iyon ang huling tawag na natanggap ni Johna mula kay...