Part 62

1.4K 81 7
                                    


"TRUST me. It'll work," sabi ni Lance Pierro na kausap ni Prince sa cell phone. "Kung hindi madaan sa pakiusapan, daanin sa karahasan. Leave it to me. Ako'ng bahala. Ako ang magpapakanta sa sniper na 'yon."

"Okay, Kuya Pierro. Ikaw ang bahala. Mabigat ang dugo ko kay Vaughn pero kung hindi naman talaga siya ang may kasalanan, hindi siya ang dapat makulong. Thanks." Tinapos na ni Prince ang tawag. He was in the hallway of the hospital. Habang inilalagay sa bulsa ang cell phone, binalingan niya ang hospital suite ni Johna. He sighed sadly. Habang binubuksan ang pinto, humiling at nanalangin siya na sana pagpasok niya sa loob ay ang nakangiting mukha ni Johna ang babati sa kanya. Sana ay gising na ang asawa niya.

Pumasok si Prince. Magkasama silang dumating ni Lia. Pinauwi muna niya ang kanyang biyenan para makapagpahinga. Lumabas lang siya kanina nang matanggap ang tawag ni Kuya Pierro.

"Li—"

Napabilis ang paglapit ni Prince nang makita si Lia na nakayukyok payakap sa ina. Dinig niya ang malalakas na pagsinghot ng bata.

"Anak..." masuyong tawag niya.

Lia faced him. Parang tinusok ng maliliit na karayom ang puso ni Prince nang makitang basang-basa ng luha ang mukha ng anak. Her reddy nose was flaring. Kumikibot-kibot ang mga labi nito. Tinuyo niya ang magkabilang pisngi ni Lia, pagkatapos ay kinarga at masuyong niyakap. Ah, it was so hard to see Lia crying. Bumibigat ang kanyang dibdib. Kung puwede lang niyang akuin ang takot at pag-aalalang nararanasan ng bata ay gagawin niya. He loved Lia dearly. At gagawin niya ang lahat maprotektahan lang ito.

"P-Papa, gusto ko na pong marinig ang boses ni Mama. G-gusto kong yakapin at halikan niya ako. Miss na miss ko na po si Mama..." humihikbing sabi ni Lia habang nakayakap sa kanya. And then she cried helplessly.

Napapikit si Prince. Ako rin, anak. Ako rin... Masuyong hinaplos niya ang likod at buhok nito para kalmahin at patahanin. Nang tumigil si Lia sa pag-iyak, iniupo niya ito sa gilid ng kama at hinila ang single settee palapit sa kama at naupo. Hinawakan niya ang maliliit na kamay ng bata. "Listen to Papa, okay? Maririnig mo uli ang boses ni Mama. Mayayakap ka uli niya at mahahalikan nang maraming-maraming beses. She'll tell you she loves you over and over again. She'll smile at you and laugh with you. Just be patient. One day, gigising si Mama..."

Lia sobbed. "Promise?"

"Promise," sagot ni Prince at pinunasan ang mga luha sa pisngi ng anak. "Kailangan lang nating magdasal nang magdasal kay Papa Jesus. Mama will be all right. Pagagalingin ni Papa Jesus si Mama. Like Lola said, we should trust Papa Jesus, okay? We should believe, and leave everything to Him."

Humihikbing tumango si Lia.

Prince sighed. Pero mayamaya, natigilan siya nang mahagip ng tingin ang kamay ni Johna na nasa tabi ni Lia. Napasinghap siya nang malakas, kasabay ng pagkabog ng dibdib. Gumagalaw ang daliri ni Johna!

Napatakip siya sa bibig. "O-oh, my God... Oh, my God..." Mabilis niyang kinuha si Lia bago pinindot nang pinindot ang emergency buzzer. "C-can y-you see it, Lia? G-gumagalaw ang daliri ni Mama... N-nakikita mo ba?" Nanlabo ang mga mata ni Prince sa luha. Tiningnan niya ang mukha ng asawa. She was as still as she was.

"Opo. Opo, Papa."

"Oh, God!" hindi makapaniwalang sambit ni Prince, kasabay ng tuluyang pagtulo ng mga luha. Muli niyang pinindot ang buzzer.

Was it just a reflex, love? Sana hindi lang ito reflex. Sana senyales na ito na babalik ka na sa amin. J-Johna, please love, open your eyes. Hindi niya malaman kung hahawakan ang kamay ng asawa o hindi. "W-wake up now, Johna. N-nandito kami ni Lia," nananakit ang lalamunang usal niya habang palipat-lipat ang tingin sa kamay at sa mukha ni Johna. "O-open your eyes. Please, please... Oh, please God, let it be. Let it be..."

"M-Mama, wake up na po," sabi rin ni Lia. She held her mother's hand. "M-Mama... M-Mama k-ko," umiiyak na tawag nito sa ina.

"L-Li—L-Lia..." narinig ni Prince na usal ng boses na napakahina. It gave him goose bumps. Nanayo ang kanyang mga balahibo sa braso at sa batok. Pagbaling sa mukha ng asawa, nakita niya ang tila paggalaw ng talukap ng mga mata nito.

Bumukas ang pinto at may pumasok. The doctors, probably.

"J-Johna, w-wake up now, my love."

"L-lo—ve..." sambit ni Johna sa mahinang-mahinang boses. And then, she slowly opened her eyes.

Ganoon na lang ang pagsabog ng emosyon sa puso ni Prince. When her eyes were fully opened and their gazes met, and her lips formed a little smile, Prince couldn't control her emotions anymore. Lumakas ang paghagulhol niya at lalong lumuha. Parang tatalon ang kanyang puso mula sa kinalalagyan.

Thank God! Oh, thank God!

"M-Mama!" tuwang-tuwang hiyaw ni Lia. "Mama, gising ka na po, Mama... Mama ko."

Kumislap ang mga mata ni Johna dahil sa luha. Tuloy-tuloy na tumulo iyon sa gilid ng mga mata. Hinawakan din ni Prince ang kamay ng asawa na hawak pa rin ni Lia.

"L-Lia..."

Dinala ni Prince ang kanilang mga kamay sa tapat ng nanginginig niyang mga labi. "W-welcome back, love," basag ang boses na sabi niya, then kissed her hand. Salamat po. Oh, God, thank You!

Marahang tumango si Johna na patuloy pa rin ang pagtulo ng mga luha.

Tumikhim ang doktor. "I'm sorry to interrupt, Mister Patterson, but we need to check your wife now."

Napilitang magbigay-daan si Prince. Karga si Lia ay umalis sila ng kama.

"M-Mama's back, Lia. Mama's back..." umiiyak sa tuwang sabi niya sa bata.

Of Love... And Miracles (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon