Multo sa Kalsada

1.2K 40 6
                                    


Madilim na diretsong sementadong daan. Isang eskwelahan na may katabing mahabang bakanteng lote, kasunod ang ilang palayan. Na pagsapit ng gabi, huwag mong asahan na makakakita ka kahit katiting na liwanag.

Yan ang maikling deskripsyon ng kalsada sa harap ng bahay namin. Nakatayo ang bahay namin sa tapat ng eskwelahan, sa tabi nito ay ilang bahayan din, na gaya ng bahay namin, tahimik at selyado na bago pa man sumapit ang alas-nuebe ng gabi. Yun siguro talaga ang buhay sa probinsya, tahimik ang tao, tahimik ang paligid. Yung eskwelahan, medyo may kalakihan, at napapalibutan ng bakanteng lote. Kahit na sa mismong kabayanan ang lokasyon namin, masasabi kong hindi ganun kasiksik sa bahayan ang lugar namin.

Ilang taon ang nakararaan, kung tama ang aking alaala ay nasa second year ako noon sa College, nang ang tahimik naming lugar ay nagulantang isang umaga. Tahimik na nagkakape ang tito ko, mga limang bahay ang pagitan mula sa amin, nang makarinig siya ng mga kalabog sa gate nila. Muntikan pa daw niyang maitapon ang kape sa pagmamadaling lumabas, sa pag-aakalang may motorsiklo na bumangga sa gate nila. Paglabas ng tito ko, nakita niya ang binilan niya ng pandesal ilang minuto pa lang ang nakakaraan. Namumutla ito, at wari ay tinakasan ng dugo sa buong katawan. Bahagyang nakabuka ang bibig, mahihinang ungol lang ang naririnig niya. Hindi daw ito makapagsalita, at wari ang anumang gumulat sa kanya, ay siyang itinuturo ng daliri nito.

“Lintek, ano ba’ng nangyari sa’yo?”. Yun daw ang paulit-ulit niyang itinatanong. Pero walang sagot, wari hindi sapat ang panahon na nagdaan para mabawi ng pobreng tindero ng pandesal ang kamalayan niya mula sa pagkabigla. Patuloy lang itong tumuturo sa isang direksyon na hindi naman niya tinitingnan. Lumunok ang tito ko at lakas loob na sinundan ang itinuturo ng tindero. Nakita pa niya ang nakabuwal nitong bisekleta sa tabi ng isang nakaparadang motor. Ilang marahang hakbang, palinga-linga ang tito ko sa anumang kahina-hinala sa paligid. Ang hirap kapag hindi mo alam ang hinahanap mo, tao ba? Bagay? Hayop? O baka naman wala sa nabanggit? Ilang segundo pa, tulad ng tindero ng pandesal, nagsimula na ding mamutla ang tito ko. Nakita na niya ang nagpagulat ng husto sa pobreng tindero.

Isang lalaki ang nakabitin sa sanga ng puno, nakatali sa leeg niya ang isang medyo may katabaang lubid. Magalas ang lubid, kaya ang leeg ng lalaki ay nagsugat na. May ilang nagkalat na dugo sa puti niyang polo. Dilat ang mata, lagpas nang kaunti ang dila sa bibig, wari ay nakamasid ang lalaking nakabigti sa mga taong lalapit at titingin sa kanyang bangkay. Isang estudyante ang nakabigti sa sanga ng punong akasya. Kasabay ng ihip ng hangin noong umaga na yun, ay ang ingit ng sanga ng punong-kahoy kung saan nakabitin ang walang buhay na katawan.

Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa kwento ng lalaki sa punong akasya. Nag-imbestiga ang mga pulis at isa ang tito ko sa natanong. Napag-alaman na taga-ibang bayan yung lalaki, mga dalawang oras na biyahe mula sa amin. Napadpad lamang siya dito upang amuin ang girlfriend na nakikipaghiwalay na sa kanya. Nakita pa ang bouquet ng bulaklak malapit sa puno ng akasya. Nang hindi pumayag makipagbalikan ang babae, napilitan ang lalaking umuwi. Edad 17 lamang ang lalaki, kaedad ko noon, at marahil, para sa kanya, sapat ng dahilan ang paghihiwalay nila upang tapusin ang buhay niya. Nakita pa ang isang sulat sa bulsa niya, nagsasabing mahal na mahal niya ang babae, at hindi niya kayang mabuhay na wala ito.

Simula noon, mapa-umaga o gabi, naging sunod-sunod na ang aksidente sa gawi na yun. Ewan kung totoo ang sinasabi ng mga taga-dito sa amin, pero ako mismo ang nakapansin. Higit sampung aksidente na ang nakita mismo ng mata ko. Dahil sa hilig ko sa paggitara at pagtambay sa harap ng bahay namin, minsan ay bigla akong napapahinto upang saklolohan ang ilang motoristang sumesemplang o bumubuwal na lang bigla sa kalsada. Nakakapagtaka, kadalasan ay motorsiklo ang nadidisgrasya.

Ilang buwan din na tinulusan ng kandila ang puno ng akasya. Marahil ay upang kalmahin ang agam-agam ng bawat isa sa amin sa lugar na yun. Ngunit, marahil dahil sa kultura ng Pinoy, mas lumala lang ang kwentuhan. Nagsimulang magkaroon ng mga kwento ng umiiyak na lalaki o ng amoy bulaklak at kandila sa hatinggabi. Pero walang makapagpaliwanag kung bakit madami pa din ang naaksidente. Nasanay na din kami; ako, ang Daddy ko at isang lalaki kong kapatid, na maghatid ng mga nadidisgrasya sa hospital. Bilang nurse, tinanaw ko ng obligasyon na tulungan ang kapwa ko na nangangailangan. Sabi ng Daddy ko, mainam na daw na kami na ang bumubuhat ng mga may dugong katawan, kaysa kami ang malagay sa sitwasyon nila.

Kwento Ni NanayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon