28: The Rest is History

1.4K 95 9
                                    


Pumunta na naman si Laby sa likod ng bahay ng mga Thompson. Naupo siya sa sementadong sahig at sumandal sa pader. Itinupi niya ang mga tuhod at ipinatong ang magkabilang braso roon. Isinandig niya ang ulo sa pader at tiningala ang langit na unti-unti nang nilalamon ng dilim.

Alam niyang may kasalanan siya kaya nagsisimula na siyang magsisi sa mga sandaling iyon. Si RYJO ang dapat na umaayos ng lahat pero ipinaako niya ang responsibilidad sa ibang tao. Hindi magiging madali para kay Josef ang planong sinabi niya kaya naaawa na siya rito at sa maaaring mangyari dito.

Gusto sana niyang gamitin ang Gameboy at i-wiretap ang pag-uusap ng Fuhrer at ni Josef pero minabuti niyang huwag na lang gawin. Baka lalo lang siyang tamaan ng konsensya kapag sinubukan niya.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong sa kanang gilid niya. Bahagya niyang ipinaling ang ulo at nakita si Riggs.

"Ikaw? Bakit ka nandito?" pag-usisa ni Laby para makaiwas sa tanong ni Riggs.

"Ano'ng plano n'yo ni Kuya?"

Inayos ni Laby ang ulo at tinulalaan na naman ang langit na naghahalo na ang kahel at asul na kulay.

"Bakit hindi ka makasagot?" Nilapitan na siya ni Riggs at pinanatili ang kalahating dipang distansya nila. "May binabalak kayo ng kuya ko, di ba?"

Hindi man lang natinag si Laby. Nakatitig pa rin siya sa langit bago nagsalita.

"Kilala mo na ang Slayer. Gusto mo pa rin bang gumanti? Tingin mo, gusto ng kuya mong gumanti?"

Hindi nakasagot si Riggs. Gusto man nitong magsalita pero hindi nito nagawa. Hindi nito alam ang isasagot. Pinakasalan ng kuya niya ang Slayer. Asawa ng kuya niya ang pumatay kay Shadow. At base sa lahat ng ikinikilos ng kuya niya simula noong bumalik ito sa bahay na iyon, walang bakas na gustong gumanti ng kuya niya sa asawa nito.

"Bakit hindi ka nagsabi ng totoo tungkol sa Slayer?" tanong ni Riggs. May halong inis at paninisi dahil nagmukha siyang tanga. Na kasama na pala niya ang taong gusto niyang gantihan pero hindi pa niya alam.

Tumayo na si Laby at nagpagpag ng suot. "Hindi ko naman obligasyong kuwentuhan ka ng mga bagay na hindi mo naman dapat malaman. Boss ba kita para mag-report ako sa 'yo?"

Nainis si Riggs sa sinabi niya kaya hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at itinulak sa pader na sinandalan. Nanlilisik ang mga mata ni Riggs habang tinititigan ang walang buhay na mata ni Laby.

"Nagdeklara ng giyera ang Slayer sa mga Superior," malungkot na sinabi ni Laby habang nakatitig sa mga mata ng binata. "At ang taong gusto mong patayin, pumatay ng isang Superior noong nakaraang buwan lang. Bigyan mo naman ang sarili mo ng dahilan para matakot sa kanya."

"Pero bakit hindi mo sinabi sa 'kin na—" Nagbuntonghininga si Riggs at hindi na natapos pa ang gustong sabihin. Naghalo na ang galit at pagkadismaya sa kanya.

"Gusto mong malaman kung bakit hindi kayang gumanti ng kuya mo sa Slayer?" malungkot na tanong ni Laby kay Riggs na naguguluhan na rin magmula nang malaman nito ang totoo. "Hindi mahina ang kuya mo. Hindi rin siya duwag dahil Slayer ang kakalabanin niya. Hindi niya kayang gumanti dahil kahit na isa ang Slayer sa pinakamalalang tao sa mundo, utang pa rin niya ang kalayaan niya sa taong 'yon. At hindi mo maiintindihan ang sistema kasi wala ka pa roon. Our freedom is not free and we need to pay for it. And if you're not getting it, iyon ang ginagawa ni Shadow sa Slayer ngayon. Utang niya kay RYJO kung bakit siya nagkaroon ng normal na buhay para lang makasama kayong pamilya niya. Binabayaran lang niya ang kalayaang ibinigay ng Slayer sa kanya."

Tinabig na ni Laby ang kamay ni Riggs sa balikat niya at itinulak ang binata. Dali-dali siyang umalis doon dahil napapagod na siya sa lahat.

Beep. Beep.

May mensahe na namang natanggap ang Gameboy niya.

Pagsilip niya roon, nakita niya agad ang balitang gusto niyang makita.



Samantala . . .



Ilang buntonghininga. Ilang paghimas sa noo. Ilang mura. Ilang ulit na pagsisisi. Paulit-ulit lang iyon sa loob ng labinlimang minutong pananatili ni Josef sa harapan ng computer na gamit ni Laby. Nakasimangot siya habang iniisip na naman ang naging desisyon.

Ililigtas niya ang mga Ranker na wala naman siyang dapat pakialam. Iyon ang kailangang iligtas ng asawa niya, at gusto niyang iligtas ang asawa niya kaya wala siyang magagawa.

Kapag iniisip niya, hindi talaga niya matanggap. Kalaban ang tingin ng mga iyon sa kanya. At halos patayin na nga siya ng mga iyon noong nasa HQ pa siya. Tapos dahil lang sa isang sitwasyon, bigla niyang ililigtas ang mga iyon?

Paulit-ulit lang ang ganoon sa isip ni Josef at biglang sisingit ang mga salita ni Mephist na lalo lang niyang ikinapipikon.

"You never saved her . . . you never did, and you still could not. You had a choice and you always choose yourself."

Isang tao lang ang gusto niyang iligtas. At hindi naman niya inaasahang napakarami palang tao sa likod ng isang taong iyon.

Tapos na ang lahat. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin ng lolo niya pero may ideya na siya sa mangyayari. Gaya ng nangyari noon sa sariling ina, kukunin na rin siya ng mga tao ng Citadel. Hindi nga lang niya alam kung kailan.

Napailing na lang siya at lumabas na ng guest room. Tapos na ang lahat, at sana lang ay tapos na ngang talaga.



ALAS-OTSO PASADO na ng gabi at nasa dining room sina Josef at Laby. Sila lang ang kumakain ng hapunan sa mga oras na iyon. Maagang pinakain at pinatulog si Raven. Nasa conference room ng bahay si Riggs kasama si Mephist para sa monthly assessment nito. Pinadalhan na lang nila ng pagkain doon si Jin—na malay nila kung si Jin pa ba o baka nag-iba na ng alter. Hindi man lang kasi ito lumabas doon buong maghapon matapos tangayin ni Mephist.

Itinutulak-tulak na lang ni Laby ang pagkain niya gamit ang kutsara. Si Josef naman, sinubukang ubusin ang pagkain kahit walang ganang kumain.

"Nakapagpadala na ng general notice yung Agent Resources ng Citadel," pagbasag ni Laby sa katahimikan nilang dalawa. "Inurong na ang castigation para sa mga Ranker na nahuli sa HQ."

"Dapat lang," mabigat na tugon ni Josef. Sinulyapan siya ni Laby.

Lalo lang tuloy nakonsensya ang dalaga. Para kasing namatayan si Josef base sa hilatsa ng mukha nito.

"Ikaw na ba ang bagong Fuhrer?" naiilang na tanong ni Laby.

"Siguro. Baka."

Gustong matuwa ni Laby dahil sobrang taas ng titulong iyon. Ganoon lang kadaling nakuha ni Josef ang posisyong ilalaban ng patayan kahit ng Four Pillars. Kaso mukhang hindi ito masaya.

Nakapagtataka dahil isa si Shadow sa pinakaganid na taong naitala sa kasaysayan nila. Gusto nitong makuha ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan, pero . . .

"Nagsisisi ka ba?" alanganing tanong ni Laby.

"Iiwan ko na 'tong buhay ko rito sa labas. Iiwan ko si Mama. Yung mga kapatid ko. Si Jocas . . ."

Hindi na naubos pa ni Josef ang kinakain. Binitiwan na niya ang kutsara at sumandal sa inuupuan saka napahilamos na naman ng mukha dahil naroon na naman siya at nagsisisi sa naging desisyon.

"Sasabihin mo ba kay RYJO na iiwan mo na siya rito sa labas? Sasabihin mo ba ang ginawa mo?"

Buntonghininga na naman mula kay Josef bago umiling.

"Mas mabuting hindi na niya malaman."

"Pero kailangan niyang malaman. Hahanapin ka niya."

Nainis tuloy si Josef sa katotohanang iyon. "Paano ko sasabihin 'yon sa kanya, ha? Na ano? Na para lang iligtas ko yung mga kasamahan niya, tinanggap kong maging Fuhrer? Kapag nangyari 'yon, para ko na ring sinabing isa na 'ko sa susunod niyang papatayin kapag nagkita ulit kami."

"Tinanggap mo na kaya wala ka nang magagawa."

Paikot-ikutin man ang sitwasyon, tama si Laby.

Wala na silang magagawa.

Project RYJO 3: The Foxy SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon