Kung may lugar na ayaw tambayan ni Laby sa bahay ng mga Thompson, malamang na sa guest room iyon kung saan doon madalas manatili si RYJO. Hindi siya nakakapahinga sa loob ng kuwartong iyon dahil parang walang ibang dala si RYJO sa kanya kundi pressure.
Alas-otso pasado na ng umaga at halos buong gabing tulog si RYJO—hindi nagising, hindi nadistorbo. Iniisip niyang bumabawi iyon ng pahingang kinulang matapos ang lahat ng nangyari sa HQ. Pero narinig na niyang may ingay na sa guest room bago pa siya tumambay sa likuran ng malaking bahay kaya alam na niyang gising na iyon. Sa araw pa man ding iyon magsisimula ang plano nitong makipag-trade sa Citadel.
"Closed pa rin ang HQ. Invalid pa rin ang license ng mga low rank agent. Malaki ang malulugi sa kanila dahil dito," nasabi ni Laby sa sarili at napailing na lang. Inilapag niya ang Gameboy at tiningnan ang paligid.
Malawak ang likod ng bahay ng mga Thompson at maraming halaman. Tiningnan niya ang mga bulaklak na nandoon at ang mga bush at hedge na nagsisilbing bakod.
Maganda ang sikat ng araw sa buwan na iyon ng Oktubre. Hindi na niya halos napansin ang araw. Parang noong isang araw lang, Setyembre pa lang. Ngayon, nagbago na naman ang buwan. Lumalamig na rin. Napapikit si Laby at nilanghap ang malamig na simoy ng hangin.
Matagal-tagal na rin siyang hindi nakalalanghap ng sariwang hangin dahil mas madalas siyang bumabiyahe sa saradong sasakyan at parating nasa opisina. Bihira din ang mga araw na wala siyang ginagawa. May trabaho man o wala, lagi siya sa harap ng computer kaya gumaan ang pakiramdam niya dahil sa tahimik at preskong lugar na iyon.
Ayos na sana ang pagpapahinga niya nang may maramdaman siyang hindi maganda. Napadilat siya at itinago agad ang Gameboy sa likurang bulsa ng pantalon. Tumayo na siya at inobserbahan ang lahat. Pinakinggan niya ang buong paligid. Hindi talaga maganda ang kutob niya. Lumapit siya sa mga halaman dahil doon nanggagaling ang kaluskos na naririnig niya. Dinampot ni Laby ang nakakalat na hand shovel at itinutok nang bahagya sa harapan ang hawak.
Biglang bumukas ang isang hedge na mukhang pinasadyang pinto. Hinatak agad ni Laby ang lumabas sa secret door na iyon at itinulak sa lupa. Dinaganan niya agad ang taong iyon at tinutukan ng hand shovel sa leeg.
Nanlaki ang mata niya nang maramdamang may nakatutok ding matalim na bagay sa leeg niya.
"Naka-hunting and killing mode ka ba palagi, ha?"
Bahagyang napataas ng kilay si Laby at umangat nang kaunti ang dulo ng labi. Ibinaba na rin niya ang hand shovel na hawak at saka tumayo.
"Bakit ba kasi diyan ka dumaan?" tanong pa ni Laby at inalok ang kamay kay Riggs.
Kinuha na lang din ng binata ang kamay ni Laby at tinulungan siyang tumayo nito.
"Hindi ako puwedeng dumaan sa gate," tugon ni Riggs at nakasimangot na tiningnan ang kanang direksyon nila. "Ano'ng ginagawa mo rito sa likod ng bahay namin?" Itinago na rin niya ang hawak na swiss knife sa bulsa niya. Mabilis siyang nagpagpag ng damit at panay ang obserba sa paligid.
"May problema ka ba?" tanong ni Laby nang mapansing hindi mapakali si Riggs.
"Meron," sagot nito at tinitigan siya mata sa mata. "Malaki. Nandito siya."
Napakunot agad ng noo si Laby dahil hindi niya maintindihan si Riggs.
"Sinong siya?"
PANIBAGONG UMAGA NA naman para sa mag-asawa—o kung talaga nga bang mag-asawa sila sa pananaw ni Josef.
BINABASA MO ANG
Project RYJO 3: The Foxy Slayer
ActionIsang all-out war ang dineklara ni RYJO laban sa Superiors at sa Criminel Credo dahilan para makilala na ng lahat kung sino talaga ang pinakasikat na Slayer na kinatatakutan ng lahat ng associations. Anong mangyayari sa Meurtrier Assemblage, kay Raz...