34: Theme Park's View

1.4K 92 9
                                    


"I don't get why you never went to this kind of place, really."

Eksaktong alas-diyes ng umaga nang magbukas ang theme park. Nakapagbukas na rin ang ilang food stall at booths. May tumutugtog nang kanta sa bawat lamp post na may nakakabit ding speakers.

"For security reasons naman kasi kaya hindi ako nakakapunta," sagot ni Laby kay Riggs. Parang naglalakad ang dalawa sa buwan habang nililibot ang malaking theme park. Para iyong maliit na village na may iba't ibang avenue at street. Libre naman daw ni Riggs ang entrance ticket sa ride-all-you-can theme park na pinuntahan nila kaya hindi na siya namroblema pagdating sa gastos.

"Bawal ka ba rito? Sa mga ganitong lugar?" usisa na naman ni Riggs habang sinasabayan ang paglalakad ni Laby.

"Hindi naman sa bawal. Kapag lang kasi nagkagulo at may nakakita sa 'kin, mahirap mag-handle ng sitwasyon kapag maraming witness. Hindi naman kasi ako lumalabas nang walang dalang personal security guard."

Natawa naman si Riggs. "Paano ngayon? Wala kang PSG."

"That's fine. Nandiyan ka naman."

Tinaasan ng kilay ni Riggs iyon. Hindi tuloy alam ng binata kung umaasa ba si Laby na poprotektahan niya ito o nagsasabi lang ito agad sa kanya kung sakali mang may mangyaring masama.

Nararamdaman ni Laby ang nagtatalong lamig ng hangin at init ng araw ng alanganing umaga at tanghali. May malawak na fountain pagkapasok sa entrance ng theme park. Maging ang daan nila ay pinasadya ang disenyo na parang makalumang daan. Nagbabago lang ang structure depende sa kung nasaang avenue na sila. Nabigyan din sila ng mapa na si Riggs na lang ang naghawak. Kabisado naman na kasi niya ang buong lugar kaya aniya, siya na lang daw ang magtu-tour kay Laby.

"May resto sa west part nitong park," sabi ni Riggs habang tinuturo ang kaliwa nila. "Doon kami madalas kumain kapag maaga kaming pumupunta rito."

Nag-usisa agad si Laby. "Kami? Dami mo sigurong nai-date ditong babae."

Agad ang bato ng tingin ni Riggs kay Laby para kontrahin ito. "Si Raven ang madalas kong sinasama rito. O kaya sina King . . . mga barkada ko. Minsan."

"Uhm-hmm, sige, sabi mo e." Lumingon-lingon pa si Laby sa paligid. Hindi pa ganoon karami ang tao pero may mangilan-ngilan nang dumadagsa sa iba't ibang booths.

"Hindi pala gano'n kasaya rito gaya ng inakala ko," sabi ni Laby dahil wala siyang nakikita kundi mga booth na hindi man lang niya malapitan at rides na hindi naman umaandar.

"Hindi masaya kasi naglalakad ka lang. Kapag nakasakay ka sa rides, saka ka magsalita."

Nagtungo ang dalawa sa restaurant na tinutukoy ni Riggs. Mukha iyong malaking bahay ng mga dwarf. At pagpasok ng dalawa, para silang nasa loob ng bahay ng mga duwende ni Snow White. Mukhang iyon pa ang theme ng kainan.

"Good morning, welcome to Dwarfland!" pagbati ng isang waiter na nakasuot ng dwarf costume pero mas mukha pang si Peter Pan. "Table for how many?"

"Table for two."

"This way, ma'am and sir."

Iginiya silang dalawa sa mesang pabilog na pandalawahang tao. Tabi iyon ng bintana na pabilog din ang ayos ng haligi. Malambot ang upuan kahit na parang kahoy ang kulay niyon. Ang mesa naman nila ay may design na parang tinabas na malaking puno.

"This is our menu." Inilapag ng waiter ang menu na kahugis ng malaking dahon sa mesa nila. Pagkalapag na pagkalapag pa lang niyon ay ibinalik na agad ni Laby ang menu sa waiter.

"I'll have curried quinoa, tuna salad, and lemon juice, thanks."

"Oh, okay, ma'am. One moment."

Project RYJO 3: The Foxy SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon