30: Last Breakfast

1.3K 98 9
                                    


Bagong umaga, at panahon na para tapusin ang lahat. Matapos mag-asikaso ni Laby, walang paalam siyang umalis ng bahay ng mga Thompson. Hindi na rin niya kailangang magtagal doon dahil tapos na ang trabaho niya.

Naka-jacket lang siya at shorts nang umalis ng bahay bago pa man tuluyang sumikat ang araw. May dala siyang perang nakuha niya nang magkalkal siya ng gamit sa isa sa mga nabuksan niyang kuwarto sa bahay na pinanggalingan kaya wala siyang pinoproblema.

Habang naglalakad, paulit-ulit na tumatakbo sa isip niya ang lahat ng mga ginawa niya. Duwag siya at aminado siya roon, pero nilulugar naman niya ang kaduwagan niya. Hindi masamang maging makasarili lalo na kung malaki ang nakataya. Buhay nilang tatlo kapalit ng buhay ng lahat ng mga agent sa association na pinaglilingkuran nila. Hindi na masama.

Tama rin naman si Josef sa sinabi nito.

"Imposibleng walang masasakripisyo."

"Para matapos ang lahat, may dapat mawala."

Mapait na ngiti lang ang nabuo sa mga labi niya.

"Para matapos ang lahat . . ." Huminga siya nang malalim at tumingin sa langit na unti-unti nang sinisikatan ng magandang araw. ". . . dapat may mawala."

Nagpatuloy na siya sa pagtahak sa napiling daan. Nakatungo lang siya at nilalaro na lang ang paglalakad. Wala siya sa sarili habang binabagtas ang main road. Ilang araw din siyang hindi nakalabas dahil kay RYJO at sa inuutos nito.

"Aga mong lumabas a."

Natigilan tuloy sa paglalakad si Laby at napatingin sa harapan niya. Napatayo tuloy siya nang diretso at bahagyang nagtaas ng tingin nang magtagpo ang tingin nila ng nakasalubong.

"Jogging?" tanong pa niya.

Bahagya lang itong tumango para sabihing oo. Pagkatapos niyon, nagtanong naman ito pabalik. "Nakapag-breakfast ka na?"

Nagkibit-balikat lang ang dalaga.

Saglit na nag-isip ang kausap ni Laby at itinuro ang kaliwang direksyon nito. "May diner na malapit dito, gusto mong mag-breakfast?"

Kibit-balikat na naman ang isinagot ni Laby bago tumango. Ibinulsa niya ang mga kamay sa suot na jacket at lumapit na sa kausap.

"Tara."



UMAGANG-UMAGA, HINANAP na agad ni Josef si Laby para kausapin tungkol sa plano ni RYJO na hindi niya maintindihan. Iyon nga lang, sinagot na agad siya ng mga maid na nagpaalam ito para lumabas at magpahangin.

"Bakit hindi n'yo sinabi agad sa 'kin?" naiinis na tanong ni Josef sa mga kasambahay. Maagang sermon mula sa kanya sa sala ng bahay ng mga Thompson.

"'Wag mong sisihin 'yang mga katulong n'yo. Umalis yung bata kasi alam niyang wala na siyang kailangang gawin dito."

Napalingon sa kaliwa si Josef at nakita ang asawa niya—si RYJO—na patungong dining room.

"Alam mong umalis siya?" paghabol ni Josef sa babae.

"Kapag umalis siya nang walang paalam, dapat alam mo na ang dahilan. Hindi naman lalayas 'yon basta-basta."

"At hindi ka nag-aalala?"

"Para saan?" diretsong tanong ni RYJO at sa wakas ay tiningnan na ang lalaking nakasunod sa kanya.

"Hindi mo puwedeng pagkatiwalaan ang batang 'yon."

Naghatak lang ng upuan si RYJO at umupo na agad habang maangas na nakatingin kay Josef. "Wala namang puwedeng pagkatiwalaan sa 'ting lahat." Itinuro niya ang kusinang pinaglulutuan ng mga kasambahay nila sa mga oras na iyon. "Pakisabi sa mga cook n'yo, pakibilisan ang pagluto."

Napailing na lang si Josef at napahimas ng noo. Napapaisip siya kung bakit ba parang walang malaking problemang nangyayari sa bahay na iyon.

Umupo na rin sa kabisera ng mesa si Josef at nag-utos na bilisan ang pagluto ng almusal nila.

"Aalis na 'ko bukas," paalala ni RYJO bago pa dumulog ang mga maid na naghahain sa kanila ng almusal.

"Saan ka pupunta?" tanong agad ni Josef. Kunot-noo niyang tiningnan si RYJO na wala halos ekspresyon sa mukha habang sinusundan ng tingin ang mga maid na naglalapag ng pagkain sa mesang iyon para sa kanilang dalawa.

"Hindi mo na kailangang malaman."

"Bakit hindi? Asawa kita kaya may karapatan ako."

"Si Jocas ang asawa mo, hindi ako."

"E di ilabas mo si Jocas at kami ang mag-uusap."

Natawa nang mahina si RYJO at napasandal sa kinauupuan niya bago pa man matapos ang paghahain sa kanila. Base sa timpla ng mukha niya, para siyang nakarinig ng malaking biro mula kay Josef.

"You don't like her, right? Bakit nagiging tsismoso ka naman yata?" mapanghamong tanong ni RYJO at halatang inaasar si Josef. "Sige, let's say, tanggap mo na ang lagay niya bilang asawa mo. She's not normal. She even had her own issues. Pero paano 'yon? She's just my alter. Kapag ayoko siyang ilabas, e di wala kang asawa."

"I'm just asking you where are you going," naiinis na tugon naman ni Josef para pantayan ang paghahamon sa kanya ni RYJO.

"Then I answered you, you don't have to know."

May gustong sabihin si Josef pero nakagat na lang niya ang labi at akmang duduruin si RYJO dahil pinaiikot-ikot lang nito ang usapan nila.

"Not in Citadel. You . . . do . . . not."

Lalo lang tuloy siyang pinagtawanan ni RYJO bago ito uminom ng gatas.

"Don't laugh! I'm warning you!" banta ni Josef. "Don't go there!"

"Make me." Pinaikutan lang ng mata ni RYJO ang sinabi ni Josef at natatawa na lang habang umiiling.

"Bakit ang tigas ng ulo mo, ha?"

"You're just stressing yourself, Shadow."

"Stop calling me Shadow. Call me Josef."

Saglit na pinandilatan iyon ng mata ng babae na kulang na lang sabihin ng kilos nitong "Yeah, right. Josef my face."

"I'm serious."

"Oh, I thought you're Josef. Now you're serious. Mas marami ka yatang pangalan kaysa inaasahan ko, Mr. Richard Zach." Lalo lang natawa si RYJO at kinamay na ang pagkuha sa isang pirasong ham.

"Stop playing games with me. And Jocas don't like meat. Kapag lumabas siya at naabutan ka niyang kumakain niyan—"

Tumaas lang ang kilay ni RYJO habang nakatitig kay Josef at kinakagatan ang ham para mang-asar.

"Jocas, I'm eating meat! Look at me! Uhm . . ." biro pa ni RYJO sa sarili habang ninanamnam ang piraso ng karne.

Lalo lang napikon si Josef dahil parang pinaglalaruan pa siya ng babae.

"You're worst," napikon niyang sinabi kay RYJO.

Muling pinandilatan ni RYJO ang sinabi niya. "Ay, talaga? Kunwari bago 'yan sa pandinig."

Sa mga sandaling iyon, hindi na alam ni Josef ang gagawin kay RYJO. Akala pa naman niya, malala na si Jocas.

Nagkamali siya ng inakala.



------

Project RYJO 3: The Foxy SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon