Kabanata 3
KINABUKASAN ay tanghali na naman akong nagising. Nag-uunat ako ng makaamoy ako ng parang mabangong ulam. Kaya natakam ako at agad na bumangon. Naghihikab na lumabas ako ng kwarto at nagtungo ako sa kusina. Nakita ko si Louis na nagluluto kaya ibig kong matawa dahil habang nagpi-prito ay nakahawak siya sa harapan ng palda ko na suot niya.
Lumapit ako sa likod niya at tinapik ang pang upo niya. Nagulat siya at napalingon kaya natawa na lumapit ako sa lababo para magmumog.
"Mama!"
Nilingon ko siya na inis na inis kaya lalo akong natawa at kinuha ko ang bimpo na dala ko para ipangpunas sa nguso ko.
"Bakit ba?"
"Ba't ka namamalo? Muntik ng sumayad si manoy sa dingding."
Natawa naman ako, "Seryoso mo kasi. Bakit ba dami mong niluluto?"
Seven pa lang ata si Louis ng matuto siya ng pagluluto. Natututo daw siya doon sa manong na naglalako ng ulam na bagong luto talaga dahil dala-dala ang lutuan habang naglalako. Nakasakay daw sa malaking tricycle na kakaiba sa ibang tricycle. Parang pa-sadya ba.
"Basta po.. Kaya 'wag ka munang aalis dahil marami din akong niluto para sa atin."
Iniisip ko kung ano bang mayroon ngayon?
"Saan mo naman nakuha ang mga pinambili mo sa mga rekado?"
Lumingon siya at ngumisi, "Syempre hiningi ko lang 'to sa mga kaibigan kong mga taga-palengke. Marunong 'tong dumiskarte, no." pagmamayabang pa niya sa sarili.
Naupo ako sa isang upuan at naisipan kong tulungan na lang siya dahil kita naman nahihirapan siya sa sitwasyon niya ngayon.
"Bakit ang dami? May dadating ba?"
"Wala. Tayo lang."
Nagtaka na tinignan ko naman siya, "Kung gano'n, bakit sobra-sobra 'to? Dalawa lang naman tayo. Masasayang lang 'to."
Ngumiti siya, "Alam mo Mama, mabait ako. Kaya naisip kong magbigay sa mga batang walang makain d'yan sa tambayan."
Natuwa naman ako sa sinabi niya. Hindi ko akalain na maiisip ni Louis 'yon.
"Maganda 'yang naisip mo. Join ako d'yan."
"Oo naman, Mama. Kasi special na araw din ito para sa 'yo."
Napaisip naman ako at ambang magtatanong pero binalewala ko na lang dahil busy na siya sa paghango. Masaya akong tinulungan siya. Excited na rin akong magbigay sa mga batang sinasabi niya.
"Louis!"
Napatigil ako sa pag-marinate ng manok ng may tila babaeng tumawag kay Louis. Tumayo ako at tumingin kay Louis na napahinto rin tila narinig 'yung tumatawag sa kanya.
"Pagpatuloy mo na 'yan. Ako nang titingin kung sino 'yon."
Tumango siya kaya nagpunas ako ng kamay at pinuntahan ang babae sa labas. Nakita ko ang isang batang babae na kaedad din ni Louis. Kilala ko ito, ito 'yung palaging nagpapa-cute kay Louis kapag patungo kami sa simbahan.
"Anong sadya mo kay Louis?" tanong ko.
Malapad na ngumiti siya at napahawi sa buhok bago inipit sa tenga. Kikay siya magsuot at cute.
"Nand'yan po ba si Louis, Ate? Nabalitaan ko po kasi na nagpatuli siya. Bibisitahin ko lang po para mangamusta."
Nahihiya pa siyang sabihin kaya napangiti naman ako at tumango.
"Oo, narito siya pero busy magluto. Halika, pumasok ka para siya na makausap mo."
Lalong lumapad ang ngiti niya at pumasok na magalak. Nakakatuwa, ngayon pa lang may girl na bumisita sa bahay para puntahan si Louis. Iba din ang charisma ng loko.
BINABASA MO ANG
My Mother's Job Part 1 ✓ [Under Editing]
General FictionLucy is the kind of girl na gagawin ang lahat para mabuhay. Mula pagkabata ay lahat ng hirap ay dinanas na niya. Kasabay pa na palaging wala ang kanyang ina para man lang tugunan ang kumakalam niyang sikmura. Isang araw, umuwi ang kanyang ina na na...