Kabanata 13

19.8K 801 189
                                    

Kabanata 13

Hindi ako nakatulog at mugtong-mugto ang mga mata ko. Hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin ang sakit dito sa puso ko.. Sabi ko, sana makalimutan ko na siya pero paggising ko ay siya agad ang laman ng isip ko. Ang halik na pinagsaluhan namin at ang larawan ng masaya nilang ngiti ni Katarina.

"Hija, halika na at kakain na tayo."

Nakatanaw ako sa bintana at nasa labas sila Nay Maria kung saan nag-set up ng lamesa para doon kumain. Tumango ako at pinahid ang luha ko. Inayos ko muna ang sarili ko baka mag-alala na naman sila kung bakit ako umiiyak.

"Ayos na ba pakiramdam mo?" tanong agad ni Nay Maria ng makalapit ako sa kanila.

"Po?"

Napahinga ng malalim si Nay Maria at inaya akong maupo kaya naupo ako sa tabi niya.

"Hindi ba masama kamo pakiramdam mo? Bumuti na ba? Gusto mong ibili kita ng gamot?"

Agad na umiling ako ng maalala ang dahilan ko kagabi kaya niya natanong sa akin iyon.

"Ayos na po pakiramdam ko. Huwag na po kayong mag-alala sa akin." ngumiti ako para ipakita na ayos lang ako kahit hindi. Gustong-gusto kong sabihin sa kanila ang nararamdaman ko, pero kapag ginawa ko 'yon ay baka magkagulo. Hindi pa nila alam ang itsura ni Louis, at baka kapag nalaman nila ay mas lalong maging komplikado ang sitwasyon kung malaman nila ang totoong namagitan sa amin.

"Kung gano'n ay kumain na tayo." sabi ni Nay Rosas.

Tahimik na kumain kami. Wala akong gana pero ayoko naman ipakita 'yon at sayangin ang pagkaing pinapakain nila sa akin.

"Lucy, mamaya ay gumayak ka, sasama ka sa akin."

Tumingin ako kay Nay Maria. Naguluhan sa sinabi niya.

"Ho? Saan po tayo pupunta?"

Tumingin siya sa akin matapos makainom ng tubig.

"Basta. Kumain ka na at nang makapagbihis ka agad."

Tumango na lang ako kahit naguguluhan kung saan kami pupunta. Kaya pagkatapos naming kumain ay gumayak na ako gaya ng nais ni Nay Maria. Paglabas ko ng kwarto ay nakagayak na rin ito ng palagi nitong suot.

"Halika at baka tanghaliin tayo."

Tumango ako at inalalayan siya. Sumakay kami ng tricycle at tumitingin ako sa daan dahil hindi ko pa naman kabisado itong lugar nila Nay Maria.

"Nay, saan po tayo pupunta?" tanong ko habang nakatingin sa dinadaanan namin.

"Sa Jara. Pinasuyo kita kay Nicole na kunin bilang staff ng hotel nila. Marunong ka naman sa tawag-tawag, 'di ba? Sinabi ko na pwede ka sa gano'n at pumayag naman ang anak ko."

Nagulat ako at biglang kinabahan. Hindi na tuloy ako mapakali sa pagkakaupo.

"P-po? Nay, huwag na po. Maghahanap na lang po ako sa iba."

Ngumiti siya at hinawakan ako sa braso para ba pakalmahin ako. Dahil nanginginig na pala ako sa kaba.

"Huwag kang mag-alala, maganda doon. Saka kesa maghanap ka pa, edi doon na lang para alam din namin na safe ka."

"P-pero q Nay, hindi na po talaga." umiling ako dahil baka malaman nila na hindi naman talaga ako marunong bilang call center agent.

"Lucy, alam kong nahihiya ka lang. Hindi naman agad-agad ay sasabak ka, dahil ite-train ka naman daw dahil iba ang system ng hotel nila. . . Para ho, Manong!"

Hindi ko na mapigil si Nay Maria dahil agad na pala kami nakarating sa sinasabi niya. Kinakabahan na bumaba ako at tumingin sa binabaan namin. Namangha ako dahil ang laki ng lugar at para akong nasa sosyal na lugar.

My Mother's Job Part 1 ✓ [Under Editing]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon