38 - Maricor

77 5 15
                                    

Pagkalabas sa templo ay napuna kaagad ni Maricor ang bilog na buwan na para bang nagpapahiwatig ng madugong labanan. Nakakatakot ang itim na ulap na minsang humaharang sa liwanag nito.
Sa hindi kalayuan ay may nauulinigan siyang tugtugin. Kakaibang ritmo ng musikang may dalang kilabot. May mga tinig, tila um-e-echo, sabay-sabay sa tiyempo. Parang isang orasyong tila nagdadasal sa kadiliman.

Sa ganoong tagpo ay nakita niya ang paglipad ni Ajhel. "Guguluhin ko sila." sabi nito bago makalayo. May sumunod dito. Ang bilis kumilos ni Ajhel. Sinundan niya ito nang tingin na noo'y nakikipag-bakbakan na sa ere.

"Akkk!" bumagsak sa harapan niya ang isang taong paniki. Namilipit ito't agad nangisay. Saan nanggaling 'yon?

"Muntik ka na dun, Maricor! Kailangan lagi kang alisto. Sa dami nila, bigla-bigla na lang silang sumusugod. Si Jhael ang nagsalita. Nasa likuran pala niya ito. Tumango siya sa lalaki.

"Natatakot ako.." naramdaman niyang hinawakan nito ang kanyang kamay. Sabay nilang tinahak ang daan papunta sa kumpulan ng kalaban.

Kakaiba ang lahat sa kanya. Hindi alam ni Maricor kung saan nanggagaling ang kanyang lakas. Nang bitawan niya ang kamay ni Jhael ay hudyat na ito ng kanilang pag-atake. Sinisiguro niyang hindi na mabubuhay ang bawat mahahawakan niyang ulo mula sa kalaban. Nagagawa niya itong paikutin mula sa pagkakakabit nito sa leeg.

"Arayy!" si Jhael. Agad siyang tumalima palapit dito. Nakita niya ang punyal na nakatusok sa braso ng lalaki.

"Jhael.."

Mula sa pag-aalala ay naramdaman na lang ni Maricor ang pagkalmot ng taong paniki sa kanyang dibdib. Napainda siya sa sakit. Mabilis siyang kinabig ni Jhael papunta sa likuran nito. Hingal na nagmasid sila sa paligid. Nakikiramdam.

"Lumipad tayo palayo." bulong ni Jhael. Napatango siya. Ilang sandali ay iyon nga ang kanilang ginawa. Noong una ay hindi pa masyadong tantiya ni Maricor ang tamang paghampas o pagbato ng pakpak sa hangin para sa tamang indayog ng lipad. Pagkalaunan ay nakuha din niya kung paano papainlanlang sa ere sa paraan na tila naglalaro na lang. Sinubukan niyang samahan ng bilis. Naunahan niya si Jhael.

Nakipaghabulan ang mga taong paniki sa kanila. Hindi niya magawang lumingon pero nang minsang mapatingin siya kay Jhael kung saan nasa likuran niya ay sandali siyang nahinto. Napansin ni Maricor na may pagkakataong may nadadagit na taong paniki si Jhael at hinahampas nito sa malaking puno. Sinubukan niya itong gayahin nang may isang taong paniki ang nakalapit sa kanya. Hinawakan niya ito sa katawan at pwersahang binunggo sa napatapat na puno. Nagawa niya! Bumagsak ito.

Isang malakas na pagsabog ang naulinigan nila na mukhang nanggaling sa loob ng templo. Kahit na maraming taong paniki ang paikot-ikot lang sa ere na parang nag-aabang sa kalaban ay sinawalang bahala nila ni Jhael ang mga iyon. Nilagpasan nila ang mga ito upang tahaking bumalik sa templo.

Hindi pa man sila nakakarating doon ay napuna na nila nasa labas ang mga taong paniki. Gayun din ang mga magulang niya at mga kasama nito.

"Isang malaking kalapastanganan itong ginawa niyo! Hindi ko kayo mapapatawad!" sigaw na matandang taong paniki. Isa siyang babae. May malaking bilog na hikaw sa pagitan ng dalawang butas sa ilong. Galit na galit ito. Nagtatangis ang matatalas na ngipin. "Halos sirain niyo ang tahanan ng aming panginoon. Magbabayad kayong lahat!"

Napatingin siya sa kanyang mga magulang. Hinang-hina na ang kanyang ina. Sa itim na makapal na balahibo ay kapuna-puna ang mga dugo sa iba't ibang parte ng katawan nito. Tila ang ina ang humaharap sa kalaban upang hindi masaktan ang mga kasama. Dito niya nakuha ang pagiging taong paniki.

Hindi parin siya makapaniwala na kabilang pala siya sa nilalang na minsan niyang kinatakutan.

"Sukulin silang lahat!" muling sigaw ng matandang babae. Napaatras ang mga kasamahan ni Maristella kabilang si Marco. Hindi na baril, balaraw o riple hawak ng mga ito. Pulos buntot pagi na. Nagkaubusan na ng bala. Si Rico ang nagpasabog. Muntik na ang mga itong dumugin ng maraming taong paniki sa rooftop. Halos sabay-sabay pa ang mga ito na nawalan ng bala. Iyon ang naisip ni Rico para makaalis sila roon at bumalik kela Maristella. Sa labas na ng templo napang-abot.

Sigaw Sa DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon