33 -

2.1K 48 21
                                    


"S-sandali lang.. nahihirapan akong, H-huminga." daing ni Divine sabay hinto sa pagtakbo.

Huminto ang magkakaibigan sa pagtakbo na noo'y binabagtas ang may kadiliman at masukal ng kagubatan. Hindi nila alam kung ano ang kalalabasan nila kapag nakalabas sa masukal na gubat na iyon. Pero hiling nila na sana pagkalabas nila doon ay makarating na sila sa kabilang bayan. Maaaring doon ay malagay sila sa kaligtasan. Nasa tingin nila ay malayo sa kapahamakan.

"Sige, magpahinga muna tayo. Masakit na rin ang mga paa ko kakatakbo. Pagod na pagod na rin ako." Ani Jessa sabay upo sa may damuhan.

"Sandali lamang tayong magpapahinga, kailangang makaalis o makalayo tayo sa lugar na ito. Mahirap na at baka masundan tayo ng mga taong paniki." Saad ni Jericho.

"Bakit ang init! Ang init-init ng pakiramdam ko." Muling daing ni Divine. Tinignan ito ng magkakaibigan. Tanging liwanag lang ng buwan ang nagsisilbi nilang ilaw.

"Mahangin naman, ah? Ang lamig lamig nga e, dahil lang 'yan sa pagtakbo natin." wika ni Aleah.

"Hindi, ibang init ang nararamdaman ko.." Anang si Divine.

"Ipagpahinga mo lang 'yan, magiging maayos din ang lahat." Sabi ni Jericho. Tumabi ito kay Divine na umupo din sa may damuhan. Sumandal naman si Divine sa balikat ni Jericho. Mga ilang sandali lang ay nakatulog ito. Siguro dahil sa sobrang pagod. Nakaramdam naman ng awa si Jericho para kay Divine.

Ang paghampas ng hangin sa mga sanga ng mga puno at mga kuliglig at maging ang ibang insekto lamang ang ingay na namamagitan sa pagpapahinga ng magkakaibigan. Kapwa walang umiimik sa mga ito na parang hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyayari.

Hanggang sa lumipas pa ang ilang minuto nang biglang napatayo si Jessa sa pagkakaupo. Luminga-linga ito sa paligid. Nakakaramdam siya na parang hindi lang sila ang nandoon sa mga oras na iyon. Kinakabahan siya. Sa tingin niya parang may nagmamasid na mga mata sa kanila. Tumayo siya sabay nagsalita.

"Gisingin niyo na si Divine. Umalis na tayo dito. Hindi maganda ang kutob ko. Kinakabahan ako." sabi ni Jessa sa mga kaibigan.

Nagsitayuan naman ang mga ito na halatang natakot sa sinabi ni Jessa. Ginising naman ni Jericho si Divine na natutulog sa kanyang balikat. Matapos nun tumayo na rin ang dalawa. Naglakad na sila palayo.

Napuna ng magkakaibigan na parang ang lalim ng mga mata ni Divine na kung tumingin ay matalim. Tuwid na tuwid din ang tayo nito na parang isang zombie. Kahit ang liwanag lang ng buwan ang nagsisilbing ilaw, hindi nakatakas sa paningin nila ang pangingitim ng balat ni Divine.

"Anong nangyayari sayo, Divine?" puna ni Kristella nang lumingon sa kaibigan. Diretso ang mga tingin na pinupukaw ni Divine kay Kristella."N-nahihirapan talaga akong huminga.. T-tubig.. Nauuhaw na ako." nauutal na wika ni Divine.

"Pero saan tayo kukuha ng tubig?" si Aleah.

"Sa tingin ko, malapit lang tayo sa ilog. May naririnig kasi akong pag-agos ng tubig n'ong nagpapahinga tayo. Ewan ko ba? Falls yata iyon na malapit sa kinaroroonan natin." Wika ni Rico.

"Narinig ko rin 'yon. Tara hanapin natin.. Pakinggan natin ang pag-agos ng tubig para makapunta tayo doon." Tugon ni Jericho.

Nagpatuloy sila sa paglalakad. Ganun na nga ang ginawa nila. Pinakinggan nila ang pag-agos ng tubig para makarating doon.
Inalalayan ni Jericho si Divine habang naglalakad sila. Hindi pa ganoong kalayo ang nalalakad nila ng biglang umungol si Divine.

"Agg!"

"Bakit Divine?" Nag-aalalang tanong ni Jericho.

"N-aninikip ang dibdib ko.. Ang init-init talaga ng pakiramdam ko. P-parang may mga apoy na dinidikit sa balat ko." Anas nito.

Sigaw Sa DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon