6 -

3.5K 73 1
                                    


----------------------------

Nagmamadali sa paglalakad si Jorjina na animo'y takot na takot. Mahigpit ang hawak nito sa braso ni Alexandra. Sa lubak-lubak na daan na kanilang tinatahak, kung saan talahiban ang magkabilaang gilid ay tanging liwanag lang ng buwan ang kanilang tanglaw sa madilim na gabi na minsa'y nawawala pa sa tuwing mapapadaan sila sa mga nagtataasang puno.

"Ateng, nakakatakot ang mga puno bells, para silang may buhay. Alam mo yung napanuod nating movie? Yung mga puno may mukha may mga galamay tapos--"

"Don't talk to me like that nga, Bakla!" Putol ni Alexandra sa sinasabi nito. "My goodness!" Dugtong niya sabay alis ng kamay ni Jorjna sa kanyang braso.

Nagpatuloy sila sa paglalakad.

Sa daan ay panay ay salita ni Jorjina ng kung ano-ano. Baka daw may makita silang kapre, manananggal, maligno at iba pa. Panay naman ang sermon ni Alexandra.

Nang mapadaan sila sa maliit na kubo na nasa ilalim ng punong mangga ay may nakita silang lalaking nakatayo sa labas.

"Te, may lalaki." bulong ni Jorjina.

"Eh, ano ngayon?"

"Hi, pretty girls!" wika ng lalaki.

"Hi, kuya!" Mabilis na tugon ni Jorjina.

"Basta lalaki ang bilis mo. Feel na feel mo naman na isa ka sa tinawag na girl." Aniya.

"Gaga hindi 'yon, yung sinabi niyang pretty." Nakangiting sabi ni Jorjina.

"Gabing-gabi na, delikadong mag-gala sa lugar na ito kapag ganitong oras. Saan ba ang punta niyo?"

"Lakad-lakad lang. Nagpapahangin lang kami." Si Alexandra ang sumagot.

"Kung gusto niyo, sama na lang kayo saamin, nag-iinom kami ng mga kaibigan ko sa loob ng kubo." Alok ng lalaki.

"Huwag na, pauwi na rin ka--"

"Go, push!" Pinutol ni Jorjina ang sasabihin niya.

"Kung ganun, tara na." Ani ng lalaki.
Mabilis na tinungo ni Jorjina ang kubo. Hindi na niya nagawa pang pigilan ito.

Peste itong si bakla, basta lalaki talaga ang bilis! Bulong ni Alexandra sa sarili. Napatingala siya nang maramdamang parang umaambon. Napuna niyang dumilim ang kalangitan na kanina lamang ay meron pang buwan. Ngayo'y naghari na ang kadiliman sa paligid. Puro kadiliman na siyang nagpatindig sa kanyang mga balahibo.

Nang maramdaman niyang lumalakas ang ambon ay dali-dali din niyang tinumbok ang kinaroroonan ng kubo.

Nasa loob na si Alexandra ng kubo ng mga sandaling iyon nang marinig niya ang malakas na buhos ng ulan. Peste kasi talaga itong si Bakla eh! Iba talaga ang kutob ko, parang may mangyayaring hindi maganda. Mamaya mga masasamang tao ang mga ito eh. My goodness! Baka magahasa ako ng wala sa oras! For sure kay bakla pabor pa iyon. Sa isip ni Alexandra.

Pasimple siyang tumingin sa labas ng bintana sa maliit na kubo na iyon kahit naman alam naman niyang wala siyang ibang makita kundi puro kadiliman lamang.
Ilang buntong-hininga na ang pinakakawalan niya. Naiinis talaga talaga siya.

Napailing na lang si Alexandra at ibinalik ang tingin sa apat na kalalakihan. Kung mukha lang ang pagbabasihan, katiwa-tiwala naman sang mga ito kasi meron silang mga itsura, pero hindi pa rin siya kampante doon.

Ibinaling niya ang tingin kay Jorjina. Panatag na panatag ang anyo nito at kahit hindi niya tanungin ay alam niyang nage-enjoy si bakla.
Sa liwanag na nagmumula sa gasera at mga kandila ay napuna ni Alexandra ang kakaibang tingin ng lalaking nag-anyaya sa kanila sa kubong iyon.

"Yes? Bakit titig na titig ka sa akin?" Ani Alexandra.

"Ngayon lang kasi ako nakakita ng babaing napaka ganda." Anito. Imbes na matuwa siya sa narinig ay iba ang naging dulot sa kanya niyon. May kung anong kaba na hindi niya mawari kung bakit.

"Salamat--" Ngumiti siya ng pilit. "Excuse me, may CR ba dito?" Tanong niya.

"Doon sa may bandang dulo, may CR." Tugon ng isang lalaki.
Tumango siya at dali-daling tinumbok ang daan.

Natigilan si Alexandra nang may napansin siyang nakasinding kandila na nakapatong sa maliit na lamesa. Napuna din niya ang plangganita sa tabi ng kandila. lumapit siya doon para tignan ito.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang laman ng plangganita. Hindi siya sigurado pero parang mga lamang loob ng tao.

Nang mga sandaling iyon ay para siyang masusuka dahil sa nakikita. Kung lamang loob nga iyon ng tao, ibig sabihin ay masasamang tao ang mga kasama nila ni Jorjina sa kubong iyon.

Kailangan nilang makaalis ni Jorjina sa kubo bago may mangyari sa kanilang dalawa na masama. Napaatras siya at dahan-dahang tinignan ang kinaroroonan ng mga kalalakihan. Nagulat siya nang makitang parang wala ng malay si Jorjina.

Napaigtad na lang si Alexandra nang maramdamang may humawak sa kanyang balikat.

Nang bumaling siya sa likuran ay nakita niya yung lalaking kaninang nag-alok sa kanila sa kubong iyon.

"May problema ba?"

"A-ah,.Wala." nauutal niyang sambit.

"Bakit parang takot na takot ka?" tanong ng lalaki.

"A-ahmm.. Nag-aalala lang siguro ako sa mga kasama namin na baka sa mga oras na ito'y hinahanap na kami."

Nag-iwas siya ng tingin sa lalaki at muling tumingin sa mga kasamahan nito kung saan nandoon din si Jorjina. Mula sa liwanag na nagmumula sa mga nakasinding kandila ay kitang-kita ng mga mata niya ang pagbabago ng anyo ng mga lalaki. Nakakatakot! Animo'y mga halimaw. Dahil sa hindi makapaniwala si Alexandra sa mga nasaksihan ay natulala siya sa kinatatayuan. Ang sumunod na eksena ang siyang nagpasindak sa kanya. Kinagat ng isang lalaki sa leeg si Jorjina. Ang isa naman ay sa tiyan, samantalang ang isa ay parang winawarak ang ulo ng kanyang kaibigan.

Sa pagkakataong iyon ay napuna na lamang niyang may mga pakpak ang mga ito at ang mga kuko ay mahahaba.

Hindi siya makapaniwala sa mga nagaganap at sa mga nakikita. Pakiwari niya'y parang umurong ang kanyang dila dahilan kung bakit hindi siya makasigaw at parang estatwa na hindi makagalaw.

Para namang mawawalan na ng malay si Alexandra nang biglang sumagi sa isip niyang may kasama siyang lalaki na nasa likuran niya lamang. Yung lalaking sanhi kung bakit sila napadpad sa kubong iyon. Sa mga oras na iyon ay naging abnormal na ang kanyang paghinga. Ang bilis-bilis ng tibok ng kanyang puso, parang kasing bilis ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Dahan-dahan niyang nilingon ang lalaki na nasa kanyang likuran. Napapitlag na lang siya nang makitang nakakatakot na rin ang anyo nito.

Isang malakas na sigaw ang kanyang pinakawalan.

"Parang awa niyo na.. Huwag niyong gawin ito." Pagmamakaawa ni Alexandra.

Unti-unti siyang umatras. Unti-unti ding lumalapit sa kanya ang lalaki.

Natigilan na lang siya nang maramdamang tumama siya sa maliit na lamesa hudyat na hanggang doon na lang ang kanyang aatrasan.

Nilakasan ni Alexandra ang loob. Pagkalapit ng lalaking halimaw sa kanyang paningin ay itinarak niya sa mata nito ang kandilang nakapa sa lamesa.

Agad siyang kumilos. Umakyat siya sa bintana ng kubo at mabilis na tumalon. Ang hindi inaasahan ni Alexandra ay pababa pala ang lupa sa likod ng kubo sa may bintanang iyon. Kaya naman nagpagulong-gulong siya. Napasigaw siya nang tumama ang ulo niya sa may bato sa dulo ng kanyang pinagbagsakan. Namilipit siya sa sakit. Inilagay niya ang mga kamay sa kanyang mukha. Naramdaman na lang niya ang dugong umaagos sa mukha at kamay.

Kailangan niyang maging matapang. Dahil kung hindi, kamatayan ang naghihintay sa kanya. Kamatayan na maaaring naghihintay din sa kanyang mga kaibigan kapag hindi nalaman ng mga ito ang hindi kapani-paniwalang nasaksihan at natuklasan. Hangga't humihinga siya ay alam niyang may pag-asa pa.

Tumayo si Alexandra at mabilis na tumakbo. Hindi niya inalintana ang sakit ng ulo at sa iba't-ibang parte ng kanyang katawan. Wala rin siyang pakialam kung pasalubong sa kanya ang malakas na ulan at ang hangin. Kailangan niyang makabalik sa mga kaibigan ng buhay -- before its too late.

......

Sigaw Sa DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon