"ATE KISS!" si Wina na excited na sumugod ng yakap. Parang bigla akong naging OFW mother na nagbakasyon, si Wina ang anak kong sobrang na-miss ako. Totoo ang excitement at higpit ng yakap. Si Aling Belina, napatakip sa bibig, halatang nahiya sa akin sa ginawa ng anak. Ako naman, naaliw. Sa totoo lang, na-appreciate ko ang ginawa ni Wina. Masarap sa pakiramdam na may nakaka-miss, na may masaya sa pagdating ko. Mula nang mawala ang mga kinilala kong magulang, nawala na sa akin iyon. Pusa na lang ang excited sa pag-uwi ko.
Niyakap ko rin si Wina. Si Tiyo Digoy na sumundo sa akin, napapangiti. Naaliw yata sa closeness namin ni Wina. Ang bilis nga naman, pangalawang beses ko pa lang na pagbisita sa farm house. "Parang galing akong China, ah. Miss mo ako, girl?"
"Yis! First time na may ka-wavelength ako dito. Si Nanay kasi, 'di ma-gets ang mga kuwento ko 'pag nag-share ako. Si Lolo Tiyo naman..." dumistansiya na sa akin ang teenager.
"'Wag mo nang ituloy kung masama lang ang sasabihin mo, Alwina." Agap ni Tiyo Digoy. Bumungisngis lang si Wina, exaggerated na nag-zip ng bibig. Nagpigil akong tumawa. Halatang napilitan lang manahimik si Wina.
"So, kumusta ang pila ng admirers ko?" ngisi ko kay Wina. Nasabi ko na kay Tiyo Digoy ang plano ko habang nasa biyahe kami. Agad naman siyang sumang-ayon. Sabihan ko lang daw kung kailan namin pupuntahan si Scar. Siya na rin ang maghahatid sa akin. Nag-suggest ako—kung makakalusot lang naman—na imbitahan na lang si Scar. Naisip ko kasi na may komportable akong mag-propose sa closed door meeting namin. Tumawa man ang taong grasang iyon, walang witness.
Pero mahirap talaga palang subject ang lalaking iyon. Malabo daw na pumunta kung walang malinaw na rason ang imbitasyon. Kapag naman sinabi namin ang plano, lalo nang hindi magpapakita ang lalaki. Ang option lang talaga kung gusto kong subukan siyang ma-convince, puntahan ko sa mismong bahay sa dulo ng property. Ang suggestion ni Tiyo Digoy, isabay na lang namin sa paglilibot ko sa farm. Ililibot daw niya ako para ma-inspire, para makita ko raw ang kabuuan ng manang hindi ko dapat pakawalan.
"May mga pumila pa rin," ngisi rin ni Wina. "Mga two to five lang ang score ko."
"Wow! May five?"
"Isa lang."
"Sino?"
"Si Dru."
"Si Dru? May score na 'yon, 'di ba?"
"Mas nagpapogi kaya may plus."
Natawa ako. "May bias ka, eh. Wait, bumalik si Dru dito? Bakit daw?"
"May pa-prutas si mayor! Start na siguro ng ligaw?"
"Talaga?"
"Uy, may na-excite!"
Tumawa ako. "Grabe siya. Na-excite agad?"
"Kasama si Dru sa top five mo 'di ba?"
"Tsismosa much, girl?"
"Nasa top five ko rin siya!" at tumawa. "Four lang ang galing sa farm. Ang top one ko..."
"Sino?"
"Wala sa pila."
"Wala sa pila, bakit mo pinili?"
"Gusto ko lang. Deserve rin naman niya ang spot, eh. Hindi nga lang siya willing mag-participate sa trip ng mga lalaki dito. May ibang mundo."
Nagka-ideya na ako. Pareho ba kami ni Wina ng taong iniisip? "Sino 'yan, girl? Baka puwede palang mahalin!" dagdag na biro ko na lang para gumaan ang usapan.
Bumaling si Wina kay Tiyo Digoy na nakikinig lang sa amin. "Naisip mo rin siya, Lolo Tiyo 'no? Naisip din ni Nanay, eh."
"Kung naisip mo at naisip ng Nanay mo, malamang, naisip ko rin. Sino ba 'yan?"
"Si Scar."
Magaang tumawa si Tiyo Digoy bago lumipat sa akin ang tingin. Ang ngiti ko, nawala na. Naisip rin ni Aling Belina at ni Wina si Scar? Bakit? Wala namang kakaiba sa mukhang taong grasa na 'yon na pakalat kalat sa kalye at nag-aabang ng gasolina.
"Mauna na ako sa loob," si Tiyo Digoy. "May meeting ako sa mga trabahante mamaya. Belina, bahala ka na kay Kiss. Wina, 'wag mo siyang guluhin. Hayaan siyang magpahinga pagkatapos kumain. Kiss, hija, magpahinga ka na muna. Mag-usap tayo pagkabalik ko."
Tumango ako. "Salamat ho, Tiyo. Regards n'yo ho ako sa mga tao n'yo sa farm."
"Makakarating, hija."
Pagkaalis ni Tiyo Digoy sa sala, ako naman ang nagpaalam na. "Paggising ko na lang ho," sabi ko kay Aling Belina nang mag-alok siya ng pagkain. "'Pahinga lang ho ako."
"Hindi na ako manggugulo, Ate Kiss."
"Okay lang, Wina. Sama ka sa room ko kung wala kang assigned task. 'Tuloy natin ang chika!"
"Sure ka, okay lang Ate Kiss?"
"Sure."
"Yey! Bet!" kumapit pa siya sa braso ko at sumabay sa mga hakbang ko. Walang ideya si Wina, gusto ko lang kumalap ng information tungkol kay Scar. Kung na-curious ako sa lalaki noong binanggit siya ni Tiyo Digoy, may curious na ako ngayon. Para maisip ng lahat ng kasama ko sa bahay na siya na lang ang maging 'groom' ko, may something sa lalaking iyon. May nakitang maganda sa kanya ang mga kasama ko sa bahay.
Na-guilty tuloy ako sa agad agad kong pag-iisip ng masama kay Scar. Hindi ko nga naman siya kilala. Hindi ibig sabihin na messy ang look, masamang tao na.
Puwede namang...
Tamad lang. Tamad magpagupit, mag-ahit, maligo, or magbihis ng presentable na damit. Alam ko na ang unang unang gagawin ko sa 'meeting' namin ni Scar—mission: Amuyin ang taong grasa. Kung mabaho, si Dru na lang talaga. Pero kung mabango...
Gumiling-giling ang inner impakta self ko.
Balik sa script. Tuloy ang proposal. Wish ko lang talaga, may positive result akong madala sa pag-uwi ko ng Manila.