7. Scar

1.5K 99 13
                                    

"ATE KISS, balik ka, ha?" si Wina na karga karga ang kulay mocha na tuta. Anak ng askal na napulot daw ni Tiyo Digoy at inuwi sa farm. Nagka-baby ng nag-iisang kulay mochang tuta. Walang breed pero ang cute. Laging karga karga ni Wina.

"Oo naman," sabi ko. "Mag-iisip lang ako, girl."

"Tawag ka kasi kung pupunta ka," sabi pa ni Wina. "Para may sundo. Mahihirapan ka pang mag-commute. Marami namang mauutusan para sunduin ka sa bus stop, eh."

"Text kita."

"Okay!"

"Guy number three pa rin ako," at bumungisngis. Isa sa apat na pinagpipilian ko ang sinasabi ni Wina. Aksidenteng nakita niyang nakatalatag sa kama ko ang form at pictures. Na-curious, agad agad na tiningnan. Kilala daw niya ang twenty five years old na lalaki sa picture—si Alejandru Magat. Kilala sa nickname na Dru. All around sa farm. Paboritong tao ni Tiyo Digoy. Ang inuutusan ng katiwala na humarap sa mga kliyente at supplier. Guwapo at maganda ang katawan. May hatak ang ngiti at mga mata. Kaya siguro gustong kausap ng mga kliyente. Lola na lang daw ang kasama sa bahay—ang inaalagaan nito at pinaglalaanan ng lahat. Hindi naggi-girlfriend kaya sigurado daw na wala akong makukuhang nakakahawang sakit.

Napangiti na lang ako. Ang advance ni Wina, umabot na agad sa nakakahawang sakit ang iniisip. Pero plus point na walang babae itong si Dru.

"Mag-iingat ka, Ma'am," si Aling Belina na hindi pa rin talaga maalis ang Ma'am. Hindi daw komportableng Kiss lang ang tawag sa akin. "Maghihintay na lang kami ng text para sunduin ka."

Ngumiti ako. "Salamat ho talaga."

Si Tiyo Digoy naman ang dumating na sa sala. "Ako na'ng maghahatid sa 'yo, Kiss," ang sinabi nito. "Baka magkagulo pa."

Natigilan ako. "Magkagulo ho?"

"Kung may isa akong papaboran sa mga aplikante natin, maakusahan akong may pinapanigan. Pare-pareho ko silang tao. Ako na lang ang maghahatid para wala nang samaan ng loob."

Napatango na lang ako. Kinuha ni Aling Belinda ang bag ko at sinamahan kami sa parking area. HiLux ang minamaneho ni Tiyo Digoy. Nabanggit niyang isa sa mga sasakyang naiwan iyon ng Don na ipinamana sa katiwala. Ang iba pang sasakyan ay ibinenta lahat at ang perang nakolekta, hinati-hati sa lahat ng trabahante. Isang representative bawat isang pamilyang nakatira sa lupa ni Don Augusto.

"Kailan ang balik mo niyan, hija?" si Tiyo Digoy, nakalabas na kami sa gate ng farm house.

"Hindi ko pa ho alam," tapat na sagot ko. "Mag-uusap kami ng best friend ko. Mag-iisip na rin ako ng bongga. Na-realize ko ho, seryosong bagay 'to. 'Di ako dapat pabigla biglang nagde-desisyon."

"Best friend? Wala ka na bang pamilya?"

"Wala na ho. Mag-isa na lang ako sa buhay, Tiyo. Si Farah ho ang itinuturing kong kapamilya ngayon."

"Mas kailangan mo pala ng katuwang sa buhay, hija."

"Alam ko ho, pero hindi sana sa ganitong paraan dapat ang paghahanap. Malinaw naman na hindi ako ang rason nila ng paglapit, Tiyo, ang farm. Tingin n'yo ba, magtatagal ang pagsasamang walang pagmamahal?"

"Maraming nagmamahalan ang naghihiwalay sa huli, Kiss."

"Eh, 'di lalo na ho ang mga hindi nagmamahalan."

"May mga mag-asawang natutuhan na lang na mahalin ang isa't isa," ang sumunod niyang sinabi. "Pinili nilang huwag bumitaw sa sinumpaang pangako sa altar."

"Sana all," nasabi ko. "Pero hindi ho kasi ganoon lahat, eh. Mahirap pakisamahan ang taong bigla kasama mo na lang, na hindi mo talaga kilala."

"Hindi naman bawal ang kilalanin ang mga aplikante, hindi ba?" Gusto kong matawa sa 'aplikante'—para talagang trabaho lang ang pinag-uusapan namin. "Hindi naman mawawala ang farm. Puwede mong bigyan ng oras ang sariling kilalanin ang mga napili mo."

Her Love (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon