THREE days na. Wala pa ring paramdam si Scar. Si Farah, kakaalis lang two hours ago. Hindi na ako naghatid sa airport. Mahirap sa sitwasyon ko ang lumabas mag-isa. May teenager na pinapunta si Farah sa bahay para maging kasama ko. Ang hirap na kailangang kong dumepende sa iba para sa araw araw kong activities.
Tumawag ako kay Tiyo Digoy para makibalita. Nasa Malulupig na pala si Scar. Maraming inaasikaso sa farm si Tiyo Digoy kaya wala pa raw pagkakataon na makausap si Scar. Walang update ang katiwala tungkol sa findings ng albularyo. Pilit kong pinipigilan mag-alala pero ang hirap. Hindi ko na sigurado kung saan ako dadalhin ng 'sakit' ko o ng sitwasyong iyon. Dumaan na sa minor operation ang daliri ko—ingrown nail, ayon sa doctor. Hiniwa at inalis ang pasaway na kuko—na dead skin lang naman ang nakuha. Laklak antibiotic at pain killers na tuloy ako. Mas maraming upo at pahinga sa bahay. Dumudugo pa rin pagtayo ko. Malabong magawa ang duties ko sa online shop. Nag-post na lang si Farah na temporary close kami.
Ang nagpawindang sa amin ni Farah, ang findings sa mata ko. Nagpa-check up ako para magpasukat ng salamin. Ulit ulit ang test sa akin. Walang nakitang problema. Pero sa paulit-ulit na test, hindi luminaw ni katiting ang tingin ko mga letters sa chart. Sa huli, nag-advice na lang ang ophtha na ipahinga lang muna ang mga mata ko at bumalik sa ibang araw. Posibleng puyat lang daw ang dahilan kaya blurred ang paningin ko. Mas naintindihan ko kung bakit pinigilan ng albularyo ang pagdala sa akin sa ospital noong nasa Malulupig ako. Wala pala talagang magagawa ang science at medicine.
Confirmed. Engkanto nga ang salarin sa sakit ko. Engkantong may pagnanasa akin. Grabe lang. Dapat ko bang isisi sa alindog ko lahat?
Pesteng engkanto!
May kumatok sa pinto.
Napaangat ako ng tingin. Nag-grocery si Kitty, ang teenager na kasama ko sa bahay temporarily. Kapitbahay ni Farah si Kitty. Nag-aaral kaya weekend lang full time na nasa bahay. Sa weekdays, sa gabi lang ako masasamahan.
May dala namang susi si Kitty. Naiwan ba niya?
MULA sa sofa, mabagal at pipilay-pilay akong naglakad papunta sa front door. Mabagal din ang pagbukas ko ng pinto. Puti at itim ang nakita ko sa taong nasa labas—puting T-shirt sa ilalim ng itim na jacket. Matangkad na imahe.
Lalaki.
Nag-iba agad ang heartbeat ko. Blurred man ang tingin ko, ramdam kong si Scar ang nasa harap ko at tahimik lang. Humigpit ang hawak ko sa door knob, paraan ko para pigilan ang sariling bigla bigla na lang siyang yakapin.
"Sarado ang gate," ang pamilyar na boses ni Scar. "Inakyat ko na lang para 'di ka na mahirapang lumabas."
Hindi ko na pinigilan ang pagngiti. "Galing mo, ah? Nahanap mo agad ang tamang bahay?"
"May mga damit kang nakasampay sa labas."
"Ah, oo nga." Kabog nang kabog ang puso ko. Ang dami kong sabay sabay na nararamdaman—tuwa, excitement, kaba—at gustong gusto ko nang yumakap kay Scar! Nakakahiya nga lang. Asawa ng OFW ang peg ko? Na wala namang 'kami'? Hindi gawain ng dalagang Filipina. Naglahad na lang ako ng isang kamay. "Pahawak. Miss ko na ang malinaw na mundo, eh."
Ilang segundo muna bago ko naramdaman ang paglapat ng kamay niya sa kamay ko. At 'yong moment na unti-unting naging malinaw ang paningin ko na mukha niyang titig na titig sa akin ang nakita ko? Grabe. Ang hirap ipaliwanag pero parang na-fall na ako agad!
Wala, eh. #Marupok
"Hi," ang nasabi ko at ngumiti. "Naka-man bun ka..." Hindi nga nakakalat sa mukha ang magulo niyang buhok, nakatali na. Naka-phantom mask pa rin pero gold na, at walang bawas ang facial hair.