"NAPADAAN ka?" si Tiyo Digoy pagkalapit sa shed. Pahingahan ng mga trabahante ang shed na iyon nasa gitna ng farm. Hindi na mahintay ni Scar na matapos ang araw. Galing siya sa farm house, nagkasalisi sila ng katiwala kaya sinundan na niya ito sa farm.
Naguguluhan at nalilito siya. Kailangan maging malinaw muna sa kanya lahat bago siya magpapasa ng balita kay Kiss. Hindi niya gustong bigyan ng dagdag problema ang babae. Magandang balita ang pipilitin niyang ipaabot. Hindi magiging posible iyon kung siya mismo, naguguluhan.
Ang unang balak ni Scar pagkarating galing ng Tarlac, putulin ang ipil ipil at ipanggatong. Wala siyang pakialam siya man ang parusahan ng tarantadong engkantong kapitbahay niya. Pagkatapos ng huli nilang pag-uusap ni Kiss, hindi na nawala sa isip niya ang babae. Oras oras niyang inaalala ang kalagayan nito-kung nakukuha ba ang mga hinahanap, nagagawa ang mga dating ginagawa, nakakakain nang tama-si Kiss na ang laman ng utak niya buong araw. Alam ni Scar ang pakiramdam ng malabo ang paligid. Alam rin niya ang kung gaano kamiserable mag-isa sa ganoong kalagayan.
Kung hindi niya nakausap si Apu Ciong-ang albularyo-napagbuntunan na ni Scar ng masamang pakiramdam ang ipil ipil. Wawasakin niya talaga ng pinong pino ang puno. Napakasamang engkanto para bigyan ng sakit ang babaeng napadaan lang naman sa bahay niya. Anong karapatan ng mga tarantadong elementong iyon para manakit ng babaeng walang kalaban laban?
Nagbago ang isip ni Scar pagkatapos narinig ang mga sinabi ng albularyo. Mapapahamak si Kiss kapag ginalaw niya ang puno. Ang puwede lang niyang gawin, mag-amok sa harap ng ipil ipil at hamunin ang engkanto. Pero bago iyon, kailangan muna niyang maintindihan kung ano ang lamang niya.
May bahagyang pagdududa pa si Scar kay Kiss noong unang binanggit nito ang tungkol sa paglinaw ng paligid kapag nahawakan siya. Nahaharang niya ang kapangyarihan ng engkanto? Hindi iisang beses na napamura siya. Napatanong din sa kawalan ng mismong tanong ni Kiss-ano'ng mayroon siya? Ni hindi nga siya naniniwalang may engkanto, ang maharang pa ang kapangyarihan? At kung kapitbahay nga niya ang engkanto, bakit hindi man lang siya ginugulo? Naghintay pa ng babaeng napadaan lang para saktan? Kung hindi ba naman isa't kalahating tarantado ang engkantong iyon!
Pagkatapos ng huling pag-uusap nila ni Kiss-na malinaw na nakita ni Scar ang saya sa mga mata nito nang mahawakan siya, naniwala na siyang totoo ang sinasabi ng babae. Walang ibang posibleng maging rason. Alangan namang matuwa nang walang dahilan si Kiss. Walang nakakakatuwa sa hitsura niya. Lalong imposibleng maghatid ng ganoong saya kay Kiss ang pagdaan niya.
Inilapit rin ni Scar sa albularyo ang tanong ni Kiss na naging tanong na rin niya-at may sagot si Apu Ciong. Ang masaklap, hindi gaanong naintindihan ni Scar. Sino ba ang makakaintindi sa matanda kundi kapwa matanda, ang taong ilang henerasyong nauna sa kanya sa Malulupig-si Tiyo Digoy, kaya agad agad niyang pinuntahan ito.
"Magulo ang utak ko, Tiyo," sabi ni Scar pagkaupo nito sa bangko sa shed. Nagtanggal ng sombrero ang katiwala at tinitigan siya. Kung posibleng mahulaan nito ang rason ng magulo niyang utak, nahulaan na sa lalim ng titig.
"'Buti naman at utak lang, hindi na kasama ang buhok mo," magaang balik nito, mukhang hindi siya balak seryosohin. Sa totoo lang, dagdag pa sa gulo ng isip ni Scar ang magulong buhok kaya itinali niya. Ang man bun lang pala niya ang papansinin ng matandang pikon kaya tumitig. "Guwapo ka pala 'pag malinis. Mukhang matino, hindi mukhang gago sa kalye." At magaang tumawa. "Ano'ng problema natin, guwapo?" ngisi ni Tiyo Digoy. Sa ibang pagkakataon, binanatan na niya ito ng ganti hanggang mapikon. Wala nga lang siya sa mood para makipag-asaran sa matanda.
Seryosong bagay ang sadya niya.
"Sinubukan kong ikonsulta sa albularyo sa Tarlac ang kaso ni Kiss, Tiyo."
"Nabanggit nga niya bago umalis. Ano'ng balita?"
"Engkanto rin, na matagal nang may buhay na koneksiyon sa tao. Walang kaibahan sa binanggit ni Tatang Urling. Matandang puno at malilim. May tinanggap na prutas si Kiss kaya mahirap putulin ang koneksiyon. Ang magandang balita, may harang sa kapangyarihan ng engkanto."