17. Si Scar at ang Virgin

1.8K 117 27
                                    

DEADMA lang si Scar sa mga banat at pa-cute ni Wina. Parang sanay na sanay. Nasa pagkain na ang atensiyon ng lalaki. Sa pinto na ako nakatingin hanggang inilapat iyon ni Wina. Maingat akong bumitaw kay Scar para maayos siyang makakain. Naamoy ko ang soup. Gutom na rin ako. Halos wala naman akong kinain kaninang dinner. Sino'ng makakain nang matino sa ganoon kasamang pakiramdam?

"Pa-share ako ng soup," sabi ko kay Scar bago pa nagsimulang sumubo. Hindi puwedeng gutom ako ng ala una. Malay ko ba kung anong balak ng engkanto.

Hindi nagsalita si Scar pero kinuha ang soup at kutsara, inabot sa akin. "Saging," sabi niya, inabot din sa akin ang prutas. "Matangay ka man ng engkanto, busog ka."

"Kaya nga, eh," sang-ayon ko naman. "Wala ka nang gagamiting kutsara."

"Pagkatapos mo na," ang sinabi nito. "Bilisan mong ubusin 'yan, gutom na ako."

"Kuha na lang ako sa kusina-"

"Gamitin mo na 'yan."

"Ikaw na lang ang kumuha-"

"Pi-pick-up in ka ng engkanto pag-alis ko."

Oo nga. Sampung minuto na lang, ala una na. "Sige, 'wag na." nag-focus na ako sa soup. Sunod-sunod ang subo ko, may kasama pang higop. Wala na akong pakialam kung patay gutom ang dating ko kay Scar. Simot ang soup nang ibaba ko ang bowl. Kinuha ni Scar ang saging at binalatan. Inabot sa akin pagkatapos. Inubos ko agad-bago pa mag-ala una.

Napahinto ako sa pagnguya nang kinuha ni Scar ang kutsarang ginamit ko sa soup-para gamitin rin sa pagkain. Magre-react sana ako pero tuloy tuloy na ang mga subo niya. Hindi ko tuloy mapigilang hindi tumitig.

Indirect kiss?

Sinabunutan ko sa isip ang malisyosa kong inner self. Pipick up in na ako ng engkanto, naisip ko pa talaga iyon? Gaga lang ako.

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" basag ni Scar sa katahimikan, tuloy lang siya sa pagsubo at pagnguya.

"Okay na."

"Sigurado?"

"Sigurado."

"Malapit nang mag-ala una. Naniniwala kang susunduin ka ng engkanto?"

"No'ng una, hindi. Pero pagkatapos ng mga naramdaman ko, parang oo. Bago kayo dumating, pakiramdam ko talaga, mamamatay na ako. Iniisip ko ngayon kung anong meron ka. Bakit parang naba-block mo ang powers niya?"

"Engkanto din ako noong unang panahon."

"Baliw. Seryoso ako, Scar."

Kain lang siya nang kain. Mabilis ang pagsubo at pagnguya. Nang tumigil, simot ang mga nasa plato. "Labas ko lang 'to-"

"Sama ako. Ala una na, eh."

"Kaya mo?"

Tumango ako. "Gusto ko rin i-test kung okay na talaga ako."

Dinama niya ang noo ko. "Hindi na mataas. Tara." Magkasabay kaming umalis sa kama. Nag-blurred agad ang paligid nang naghiwalay kami. Ang tagal na tumayo lang muna ako sa tabi ng kama. Inikot ako ang tingin sa paligid.

"Kumusta?" si Scar.

"Blurred."

Hindi ko inaasahan ang ginawa niya-hinawakan ang kamay ko at hinila na ako palabas ng kuwarto. Hindi malambot ang palad niya. Magaspang, malapad at mainit.

Luminaw ang paligid sabay ng pag-iiba ng rate ng heartbeat ko. Ang lapad at ang init ng kamay ni Scar. Ramdam na ramdam kong nakakulong ang maliit kong kamay. Pagdating sa kusina, inilapag niya sa may lababo ang tray.

Her Love (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon