8. Best Friend

1.4K 83 7
                                    

"AHH—ARAY!"

Hindi ko na natiis, hinila ko na talaga ang buhok ni Farah. Tawa ba naman ng tawa ang bruha. Ginawang subject ng katatawanan ang sitwasyon ko.

Nasa sala kami ng bahay, abalang nagpa-pack ng mga orders for the week. Sa sofa sa likuran ko, nakalatag ang mga biodata at pictures ng apat na lalaking pinagpipilian ko. Sa mga unang minuto ng kuwento ko, attentive pa ang bruhang best friend ko. Concerned friend talaga ang peg. Nakinig nang mataman.

Pero nang banggitin ko na ang mga lalaking pumila, nagsimula na siyang tumawa—na palala nang palala. Pulang pula na ang mukha at halos hindi na makahinga sa katatawa nang umabot na ako sa description ng mga potential husband.

At nang ilatag ko ang apat na pinagpipilian ko, isa isang tiningnan—at nilait nang bonggang bongga. Si Dru lang ang pumasa sa best friend kong pintasera!

"'Yong Dru ang bet ko besh," ang sinabi ng loka pagkatapos laitin ang tatlong pictures. "Sana lang, daks siya—aray naman!" hinila ko ulit ang buhok ng bruha. Naisingit pa talaga ang daks-daks niya! "Bakit ba?" buwelta niyang ang lapad pa rin ng malisyosang ngisi. "Kasasabi mo lang na ayaw ka nilang pakawalan 'di ba? Aba't dapat lang na may ipagmamalaki silang alaga! Ano'ng silbi kung wala? Atat lang silang maging co-owner ng farm? Sosyal sila! Imbitahan mo 'yang apat, i-check mo ang mga 'alaga' nila!"

Sa huli, natawa na rin lang ako. Hindi na si Farah si Farah kung hindi ganoon ang mga linya niya.

"Medyo masaklap 'di ba? Ayaw akong pakawalan dahil ang kontrol sa farm ang habol. Ano 'yon, proof na 'di talaga ako kagusto-gusto? Na 'di ako kamahal-mahal, friend? Ahh!" Ang buhok ko naman ang hinila niya.

"Gaga ka!" malakas na sabi niya. "Pinaniniwalaan mo na ang nonsense na 'yan sa kauulit mo, eh! Kagusto-gusto ka at kamahal mahal ka, Krisanta, okay? 'Wag kang nagse-self pity nang walang basehan!"

"Ano'ng wala? Meron, friend—aray!" hinila niya uli ang buhok ko.

"Wala!" mas malakas na sabi niya. "Ang arte mo lang kasi. Ang choosy mo! Ang standard mo, singtaas ng Mt. Everest kaya ka single! Isa-isahin ko pa 'yong mga boys na ni-reject mo?"

"Hindi sila determined enough kaya 'di ko binigyan ng chance."

"Ni-reject mo pa rin, gaga!" balik niya. "Kung binigyan mo ng chance isa lang sa mga 'yon na patunayan ang sarili, hindi ka single ngayon!"

"Hindi nga ganoon kadali kasi!"

"Sa 'yo lang mahirap. Ang dami kasing wala sa lugar na fears, eh. Pati pagiging bading ni Vicco, inisip mo pa talagang dahil sa confession mo noon?"

Hindi ako nakapagsalita. Totoo naman kasi. Hindi ko alam kung bakit hirap akong ma-convince ang sariling kamahal-mahal ako. Ang naiisip kong reason, 'yong iniwan ako ng mismong parents ko sa orphanage. Kung hindi pa sa mga 'old parents' na umampon sa akin, nasa orphanage pa rin ako, baka isa sa mga workers or volunteers.

Tumigil ako sa pag-pack ng items, sumandal sa gilid ng sofa at huminga nang malalim. "I came home for wisdom," madramang sabi ko.

Tumawa si Farah. "Napa-english? Stressed ka nga!"

Tumawa rin ako sabay sabunot sa sarili. "Umasa akong lilinaw ang utak ko pagkauwi, eh. Umasa akong may mapapala ako sa 'yo! Umasa lang pala ako!" at frustrated na umungol. "Bakit kasi may kondisyon pa 'yang mana na 'yan? Kung gustong ibigay, sana binigay na lang, 'di ba? May buntot pang pahirap. Ang unfair lang."

"Ako alam ko kung bakit, beshy!"

"Bakit?"

"Naramdaman ng lolo mong Don na balak mong magpaka-old maid. Hindi niya ma-take na mag-iisa ka hanggang ma-tegi! Ganern!"

"Kailangan sapilitan, ganern?" balik ko naman

"Eh, wala, kailangan daanin na sa paspasan. Sige nga, kung walang at stake na inheritance, maiisip mo bang maghanap ng asawa? Hindi! Kaya binigyan ka niya ng worth na reason para bilisang maghanap!"

"So ano nga? Si Dru na talaga?"

"Unless may iba pang available option."

"May isa pa," sabi ko. "Si Scar—mukhang taong grasa at malabo daw na pumila. Pero safest choice sabi ng katiwala. Hindi mukhang matino pero matino. Hindi mukhang mabait pero mabait daw. Messy ang look, pang kontrabida ang dating, gulo gulo ang mahabang buhok, may bigote at balbas pa—ayos lang iyon kasi 'di ko naman mamahalin, 'di ba? Parang lasenggo lang sa kanto kung magsalita, paki ko naman—hindi naman kami magsasama as husband and wife. Naka-phantom mask, parang baliw lang. Pero may dalawang bagay na wala sa kanya na meron sa apat na 'yan, friend!" itinuro ko ang pictures na nakalatag sa sofa.

"Ano?"

"Una, wala siyang interes sa farm!"

"At 'yong last?"

"Wala siyang pagnanasa sa akin!"

"Meron ba 'yong apat?"

"Sa kung anong meron ako as wife, oo."

"Kala ko naman lust talaga."

"Iniinsulto mo ako?"

"Nililinaw ko lang! Nag-worry ako, Apat sila, eh!" ngingisi ngisi ang bruha. "Magdecide ka na—si Dru or si Scar?"

"Si Dru, okay na. Ready na 'yan. Pumila pa nga. Si Scar, wala pang alam. Di pa nga kami formal na na-introduce, eh. Less effort ang kailangan ko kay Dru pero may personal agenda naman. Si Scar, triple effort pa para i-convince, pero ang advantage, hindi ako makukulong sa kasal at walang interes sa kontrol sa farm."

"Check mo rin muna kung daks si Scar, saka ka mag-decide."

Napaubo ako, sunod-sunod. Gusto kong saktan ang sarili na ang exposed biceps ni Scar ang bumalik sa utak ko, at ang perfectly shaped na thigh and legs na niyakap ng punit-punit niyang jeans. Ang messy ng look pero hindi ko naman naamoy na mabaho.

"Gaga ka talaga, Farah!"

"Aba! Masama bang maniguro? 'Wag tayong ipokrita. Kailangan 'yan para maging makulay ang buhay! Hindi tayo santa, ati. Tao lang tayo! Mahina, marupok, natutukso!"

Tawa na kami nang tawa nang mga sumunod na sandali.

Nag-stay pa ako nang sumunod na araw para tulungan si Farah na tapusin ang mga orders. Kinabukasan, ang aga ng biyahe ko pabalik ng baryo Malulupig.

May desisyon na ako. Si Dru na ang choice ko sa apat. Kakausapin ko muna si Tiyo Digoy na huwag na munang ipaalam kay Dru. Susubukan ko munang kausapin si Scar. May script na rin ako—na pinagpuyatan pa namin ni Farah para mabuo.

Script sa 'proposal' ko kay Scar.

Wish ko lang, hindi ako pagtawanan ng taong grasang nagpapanggap na zombie.

Push lang nang push para sa ekonomiya!

Last batch na rin ng orders for the month ang tinapos namin ni Farah. Puwede na akong matagalan sa Malulupig.

Ah, hindi ako babalik ng Manila na single!

Her Love (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon