HINDI ko napigilan si Farah. Sumama talaga kay Tiyo Digoy para maglibot sa farm. Gusto daw makita ang magiging mga 'pag-aari' ko. Mas feeling senyorita pa ang loka. Blurred man ang paligid, nakita kong yellow summer dress na hanggang sakong ang suot, naka-fashion hat pa. Ang dami niyang collection ng fashion hat. Si Farah din kasi ang nakakapili ng ng best clothes para sa sarili tuwing nagre-replenish kami ng inventory sa online store. Kung ako nakatatagal na jeans at t-shirt lang buong linggo, si Farah, laging parang rarampa sa catwalk kapag lumalabas. Naka-full make up din. Kailangan daw nasa best version ng sarili, lalo na kung haharap sa suppliers at clients. Sa mga meet up, si Farah ang mas madalas na nagde-deliver ng products namin.
Ngayon, feeling senyorita ang best friend kong pasaway. Iniwan talaga akong blurred ang mundo? Kung hindi ba naman bruha, bumanat pa ng kailangan daw niyang ma-familiarize ang farm para naman kung maging blurred na ang mundo ko forever, siya na lang ang magiging mata ko.
Mga four PM sila umalis ng farm house. Kami ni Aling Belina lang ang nasa bahay. Si Wina, nasa bahay ng isang kaibigan, may group project na tinatapos. Nag-stay na lang ako sa kuwarto. Except sa blurred pa rin ang tingin ko at dumudugo ang magang daliri ko sa bawat pagtayo ko, wala naman na akong ibang inaalala. Sana lang talaga, hindi bumalik ang lagnat ko pagdating ng alas sais; gaya ng mga nakaraang araw.
Na-appreciate kong naglagay ng asin si Aling Belina sa bawat sulok ng kuwarto ko. Mag-i-insenso din daw siya pagdating ng alas sais. Nagpabili na rin ako ng kandila nang bumili siya ng insenso. Pagkaalis nila Tiyo Digoy at Farah, pumasok na ako sa kuwarto para mag-rosary. Pero magsisindi pa lang ako ng kandila, kumatok na si Aling Belina. May bisita daw ako sa baba.
"Sino ho?"
"Si Dru, Kiss."
Natahimik ako. Nakailang balik na sa farm house ang lalaki na hindi ko naharap. Ang tiyaga rin niya. Pabalik balik talaga? Ang tiyaga para makuha ang karapatan sa farm?
"Nasabi n'yo na ho ba na may sakit ako?"
"Nasabi ko na. Gusto ka lang daw makita kahit sandali lang. Palagay ko, umabot sa kanilang nagtatagal dito si Scar. Nagkakainitan daw 'yan at 'yong iba pang gusto ring maging asawa mo. Hindi ba nabanggit ni Tiyo na sila ang nagkasakitan sa farm noong nakaraang araw?"
Natigilan ako. Nagkasakitan? Naalala ko bigla na may nag-radyo kay Tiyo Digoy na may gulo sa farm, kaya hindi niya ako nasamahang umuwi agad.
"Nagkakaselosan yata. Hindi pa man, nag-aagawan na sa farm. Hindi maganda," sabi pa ni Aling Belina. "Kaya mas maganda talagang walang kinalaman sa farm ang lalaking piliin mo, Kiss. Si Scar, okay na okay 'yan."
Wish lang ho natin, pumayag na si Scar.
"Ano ho ang tamang gawin ko diyan kay Dru?"
"Harapin mo na lang. Aalalayan kita, Kiss. Sandaling-sandali lang."
Napatango na lang ako. Mabilis na nakalapit si Aling Belina, inalalayan ako. Hindi na ako nag-aksaya ng oras na ayusin ang sarili. Para saan pa? Sa farm naman interesado si Dru, hindi sa akin. Sayang ang effort. Buo na rin naman ang desisyon kong piliin si Scar.
Naglakad na kami nang mabagal palabas ng kuwarto. Mahigpit na nakaalalay sa akin si Aling Belina. Malabo ang repleksiyon ko sa salamin kaya wala akong ideya kung gaano ka-miserable ang hitsura ko nang araw na iyon. Ang sigurado ako, nasa worst version of myself ako nang linggong iyon. Kung wala na akong dating kay Dru noong hindi pa ako na-engkanto, lalo na ngayon.
Major turn off but who cares?
Nakarating na kami sa sala. Nakaupo ang malabong pigura-puti at itim ang nakita ko. Puting pang-itaas at itim na pantalon. Itim rin ang sombrero. Tumayo ang pigura bago kami nakarating. Naamoy ko ang malakas na scent. Napalunok ako. Ang tapang ng pabango na gusto kong umatras. Naligo yata ng pabango si Dru.