Because it's Christmas...
HAPPY READING!
"AYOS ka lang ba, hija?" si Tiyo Digoy na nasa driver seat. Nararamdaman kong kanina pa siya patingin-tingin sa akin. Nakasandal ako sa backrest, paulit ulit na kumukurap at pumipilig kasi parang nagiging blurred talaga ang paligid ko. Pero nawawala rin naman. Ang lagnat ko, nawala naman pagkainom ko ng gamot. Ang paa ko na lang talaga ang problema. Pag-alis namin kanina sa bahay, magpapaabot na daw ng message si Aling Belina sa pedicurista na kilala nito. Kailangan nang matanggal ang ingrown na parusa. Grabeng ingrown, bigla bigla talaga? At sa moment pang wala ako sa bahay at may mga dapat ayusin?
"Okay lang ho ako, Tiyo," mababang sagot ko, poste sa passenger ang peg ko. Ang paa ko, lalong hindi ko gustong galawin. "Chance na natin 'to. Baka wala na naman si Scar sa ibang araw."
"Gusto ko nang maniwala sa sabi sabing may engkanto sa lugar ni Scar," ang sumunod ni sinabi ni Tiyo Digoy. "Kaya naman tuwing may nagbabakasyong kamag-anak ang mga trabahante sa farm, iniiwasang daanan ang parteng 'yon."
"E-Engkanto ho?" gusto kong matawa. Hindi ako naniniwala sa mga engka-engkanto, kapre, lamang-lupa, tikbalang at iba pang nasa matatandang kuwento. Fairy tale ang kilala kong kuwento ni Nanay Lola at Tatay Lolo.
"Pagkagaling natin do'n, saka ka nagkaganyan, hindi ba?"
Napaisip ako. Tama naman si Tiyo Digoy. Pero walang engkanto. Hindi totoo ang engkanto. Ang totoo, ingrown!
"'Yang maga sa paa mo, kakaiba. Nagdurugo na walang sugat."
"Ingrown nail ho ito. Hindi naman ho siguro nag-iinflict ng ingrown ang engkanto?" Ngumiti ako, na nawala rin kaagad—naging blurred na naman kasi ang paligid sa mga mata ko. May problem na rin bigla ang mata ko? Sabay sabay talaga?
"Sana nga walang kinalaman 'yang sakit mo sa sinasabing engkanto do'n. 'Di ko mapigilang kabahan. Kahapon kasi, may umiikot na kuwento sa farm. Usap-usapan buong araw."
"Ano'ng kuwento ho?"
"Tatlong araw na raw na may dumadaang itim na ibon sa Malulupig. Malaking ibon daw na iba ang tunog ng huni. Naririnig nila tuwing alas sais at iisa ang dinadaanan. Simula daw ng dumaan 'yang ibong 'yan, sunod-sunod na ang nagkakasakit. Si Tatang Urling, ang albularyo ng Malulupig, pinipilahan na naman."
"Malakas pala ang paniniwala sa engkanto ng mga tagarito, Tiyo?" Hindi na ako dapat magulat, maituturing na kasing liblib ang lugar. Ang mga tao, doon lang halos umiikot ang mga buhay. Hindi sila aware sa obvious na pagbabago sa City. Gusto kong sisihin ang mga nahahahalal na politiko sa hindi man lang pagbibigay ng pansin sa Malulupig. Ni walang linya ng tubig. Ang mga may kakayahan lang na residente ang magaan ang buhay sa lugar. Ang farm at farm house, may sariling makinarya ng patubig.
"Noong kalakasan ni Tatang Urling, mabilis niyang mapagaling lahat ng mga pasyente, ihip at laway lang, ayos na," kuwento pa ni Tiyo Digoy. "Sitenta na ngayon si Tatang, humina na rin siguro ang kapangyarihan, mabilis nang mapagod. Nagtataboy na ng pasyente sa haba ng pila. Ang balita ko, ang mga pumipilang malala na, pinapahanap na niya ng ibang albularyo sa karatig baryo."
"Kawawa naman ho, baka hindi na kaya ang pagod."
"Sana nga, hindi totoo 'yang sinasabi nilang itim na ibon na 'yan."
Iniliko na ni Tiyo Digoy ang sasakyan sa maliit na rough road—hindi nga pala matatawag na road iyon, daan lang na gawa ng tao at mga sasakyan. Paulit-ulit na dinadaanan kaya hindi na tumubo ang mga damo. Palabas na iyon ng property ng Don—property ko na soon—at sa dulo, bahay na ni Scar.
"Kumusta ho pala ang naging usapan n'yo ni Scar?"
"Wala akong binanggit tungkol sa plano natin, Kiss," ang sinabi niya. "Naisip kong baka tawanan lang ako at hindi na tayo harapin sa susunod. Ang binanggit ko lang, kailangan mo ng tulong kaya gusto mo siyang makausap. Nagtanong kung tungkol saan, sabi ko, hintayin ka na ang."