MAS madali ang sumuko na lang kaysa subukan pa, iyon ang na-realize ko sa ilang araw na lumipas. Ni hindi pa kami nagkakaharap ni Scar!
Two days na bagsak talaga si Tiyo Digoy. Sa pangatlo, nakabangon na pero hindi pa rin lumabas. Sa pang-apat na araw, may lakad naman siya na wala akong kinalaman. Sa panglimang araw, saka lang kami nagkasamang mag-ikot sa sa farm. Nakaharap ko ang apat kong 'groom-to-be' na kanya kanyang pasikat—may nag-abot ng pagkain, ng bulaklak, ng halaman sa paso, ng fresh fruits, ng sarili—para daw mas kilalanin. Oh, ha? Na-shock ang NBSB self ko. Inalok talaga ang sarili, as in walang warning man lang! Na-speechless ako sa attention. Apat na lalaki sabay-sabay! Ang haba bigla ng hair ko.
But deep within, it hurts.
Masakit, kasi alam ko kung para saan ang atensiyon. Alam ko kung bakit may kompetensiya, kung bakit nagsisiksikan silang magkalugar sa buhay ko. Kung wala ang farm, malinaw sa akin na wala rin sila. 'Yong nakakalokang twist sa buhay ko, hindi pure joy ang dala. Pakiramdam ko, pinadala pa silang apat para sampalin ako ng mundo ng katotohanan. Na masakit tanggapin pero kailangan kasi 'yon ang reality ko.
Nagpasalamat ako sa mga 'admirers' ko. Wala sa kanila ang pinagbigyan ko ang imbitasyong 'date'. Gusto ko na lang magkulong sa kuwarto ko. Pakiramdam ko, mas makakaramdam ako ng lungkot o pagod—hindi ko na alam kung alin talaga sa dalawa—kapag naging araw araw ang effort nila. Araw araw lang kasi na ipapaalala ng atensiyong ibinibigay nila na may iba silang gusto sa akin—ang mayroon ako, hindi ako talaga. Kung noong mga unang araw naisip ko pa ang posibilidad ng 'forever' sa sitwasyon ko, binura ko na ngayon. Hindi ko gustong habang-buhay na mag-self pity. Ayokong araw araw na maalalang may asawa nga ako, ang farm naman ang mahal, hindi ako talaga.
Nagbago na talaga ang isip ko. Gusto ko nang ibasura ang apat na top four groom. Hindi pa man kami nagkakaharap ni Scar, gusto kong siya na lang talaga. At least sa kanya, wala na akong ibang iisipin. Pirmahan lang, okay na. Ang iniisip ko na lang talaga, ang hihingin niyang kapalit. Walang lalaking nasa matinong pag-iisip ang basta basta magpapagamit na walang kapalit.
Unless...'di nga siya matino.
Nakita ko na ang lawak ng farm, ang poultry at palayan—pero si Scar, hindi pa. Nakatunog yata na target namin ni Tiyo Digoy? Wala lagi sa bahay sa tatlong beses na nagpunta kami.
Napansin kong cute ang bahay ni Scar. Modern kubo, tama si Wina. Gawa sa kahoy, kawayan at kugon or anahaw yata. May bakod na kawayan at mga buhay na halaman. Hindi man secured ang bahay gaya ng mga gawa sa semento at bato, wala namang maglalakas-loob pumasok nang walang permiso. Apat na malalaking aso ang nakapaligid sa bahay!
Sabi ni Tiyo Digoy, unang kahol pa lang ng aso, kung nasa loob si Scar, lalabas na agad. Wala rin ang motorsiklo nito sa paligid kaya sigurado agad ang katiwala na wala ang lalaki sa bahay sa ilang beses na pumunta sila.
"'Yan ba talaga ang pasya mo, hija?" si Tiyo Digoy habang magkasama kami sa sasakyan niya. Sa totoo lang, si Tiyo Digoy na nga ang naiisip kong groom—kung nag-offer lang. Pero hindi. Nag-recommend pa ng ibang tao. Nahiya naman akong ipilit ang sarili ko, baka masupalpal ako. Madagdagan pa ang parang pabalik-balik na sugat sa puso ko.
Tumango ako. "Ayoko ho ng dates dates na gusto nila," sabi ko. "Gusto ko lang ho, matapos na lahat 'to at maging maayos tayong lahat. Hindi naman ho kailangan ang date date na 'yan, eh. Maaayos naman ang sitwasyong 'to na hindi kailangang baguhin talaga sa totoong kahulugan ang pangalan ko. Hindi ko ho talaga nakikita ang sarili kong may asawa na. Pakisabi na lang sa mga tao Tiyo, 'wag silang maawa sa akin. Hindi ko kailangan."
"Hindi naman natin hawak ang mga damdamin nila, hija. Paano kung hindi naman awa ang nararamdaman?"
Pinigil kong ngumiti na mapait. Ramdam ko tuloy na pati si Tiyo Digoy naawa sa akin. Gusto pang pagaanin ang loob ko.