3. Malulupig

1.8K 100 6
                                    

"SURE ho kayong dito 'yon, Tatang?"

Nasa loob pa rin ako ng tricycle. Nasa tapat na kami ng mataas na black gate. Magkasama kami ni Farah dapat pero ang ending scene, ako na lang ang sumugod mag-isa sa Baryo Malulupig. Sa taxi pa lang kami papuntang bus terminal, tumawag ang boyfriend ni Farah. May emergency sa family. Ang Farah na good girlfriend, mas pinili ang love over friendship. Sino ba naman ako? Friend lang. Sus, sanay na ako. 'Pag ang mga kaibigan may lovelife, gano'n talaga. Ang single friend ang laging naiiwan. Ang laging hindi pinipili. Pero kapag nasaktan na, sa single friend babalik at ngangawa. Ganoon na ganoon 'tong best friend ko.

Ako na lang ang lumarga papuntang Zambales. Ako ang mag-isang nakaidlip sa ilang oras na biyahe sa bus. Ako rin ang natagtag sa halos isang oras din na biyahe sa jeep. At sa parang parusang rough road sakay ng tricycle papasok sa Baryo Malulupig. Na-realize ko, bagay ang pangalan. Parang nalupig na ng panahon ang layo!

Muntik na akong sumuko!

Kung na-inform ko siguro ang abogado, na nag-iwan naman ng business card sa akin kaya mako-contact ko naman talaga anytime, baka may sundo ako. Pero ayokong ipaalam sa kanya ang pagpunta. Gusto ko ng surprise visit. Gusto kong makita ang farm na hindi sila nakapaghanda. Malay ko ba kung blank space pala ang 'mana' ko at scammer si Attorney Limunado. Ang bilis lang mag-print ng business card, 'di ba? Ang bilis lang din mag-fake ng documents at data! Hindi tama ang maging mapag-isip ng masama sa kapwa pero hindi rin naman masama ang maging cautious.

"Oo, Ma'am," sabi ng driver na malapit nang mag-senior citizen. Kalbo na at payat. Pagsakay ko pa lang kanina, sinasabi ko na sa sariling magbabayad ako nang sobra. Naawa ako kay Tatang na pumapasada pa. Naalala ko si Lolo Tatay sa kanya. Seventy na, ang dami pang raket para maibigay ang mga kailangan ko. "Kung ang farm ng mga Del Avierra ang sadya mo, ito na 'yon."

Del Avierra ang last name ng sinasabing lolo ko.

Bumaba na ako sa tricycle. Sinadya kong tagalan ang pagkuha ng pambayad. "Kilala n'yo ang mga tao sa farm na 'yan, Tatang?" pasimple kong pagkuha ng impormasyon. "Ang mga Del Avierra ho?"

"Ang alam ko, namatay na si Don Augusto. Si Pareng Digoy, siya ang kilala namin, katiwala diyan sa farm. Malapit din siya kay Kapitan."

"Bayad ko ho," inabot ko ang five hundred kay Tatang. Two hundred fifty ang napag-usapan naming bayad ko sa paghatid sa farm—renta sa buong biyahe ng tricycle. Wala daw pasahero pabalik kaya malulugi kung hindi tataasan ang singil.

"Wala ka bang barya lang, hija?" hindi niya kinuha ang five hundred. "Ikaw ang buena manong pasahero ko. Walang panukli."

"Okay lang ho," sabi ko. "Nagmamadali ho ba kayo pabalik? Magpapatulong sana ako, 'Tang? Kung kilala n'yo ho ang katiwala sa loob?"

"Si Pareng Digoy? Kumpare ko 'yon!" Proud na sabi ng matandang driver. Bumusina ng ilang ulit bago pinatay na ang engine ng tricycle. Mabagal siyang bumaba.

Naagaw naman ng parating na motosiklo ang atensiyon ko. Humaharurot na parang nakikipag karera sa invisible na kaaway. Parang galit na galit ang sunod-sunod na busina. Saka ko lang na-realize na nasa gitna pala ako ng daan. Binitbit ko agad ang travel bag para itabi.

Humarurot ang motorsiklo. Sakay ang driver na parang member ng gang. Walang helmet, gulo-gulo ang mahabang buhok. Itim lahat ng suot. Hindi ko napansin ang mukha. Mabilis lang ang pagdaan ng motorsiklo.

"Safe ho ba ang lugar na 'to, Tatang?" Kung ang dumaang rider ang 'looks' ng karamihan sa taga Malulupig, kailangan kong mag-ingat. Parang member ng gang na nagsolong mag-ride ang lalaki.

Hindi ko alam kung bakit napatingin sa akin ang driver bago natawa. "Mga pangit lang ang tao," natatawang sabi ng driver. "Gaya ko, pero ligtas ang lugar, hija. 'Wag kang mag-alala."

Her Love (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon