15. Panganib

1.2K 95 12
                                    

"ATE Kiss? Ate Kiss, 'usap tayo. 'Wag ka daw matulog," naririnig ko ang boses ni Wina, nasa kuwarto siya pero hindi ko na alam kung nasaan eksakto. Nasa kama ako, mahigpit na yakap ang unan. Hindi ko na gustong gumalaw, mag-angat ng tingin o kahit magmulat lang. Sobrang sama na ng pakiramdam ko. Mahirap ipaliwanag. Parang pinaghalong bigat, sakit at hilo. Malabo na ang paligid at ramdam na ramdam ko ang 'lutang feeling'. Ayoko nang magmulat kasi ang labo ng paligid. Ayokong ma-confirm na wala na akong makitang malinaw na imahe.

Sumumpong ang sobrang sakit ng paa ko kanina. Dumugo na naman pagbanyo ko. Ang magpe-pedicure dapat na kaibigan ni Aling Belina, hindi na ginalaw ang paa ko. Hindi gustong masisi. Mukhang hindi naman daw ingrown nail ang nagpapamaga ng daliri ko.

Pagdating ng six PM, bumalik na naman ang mataas na lagnat ko. Naisip ko nang may infection. Gusto ko nang magpadala sa ospital pero walang sumuporta sa akin. Pareho ang sinasabi ni Tiyo Digoy at ni Aling Belina, hindi ako gagaling sa ospital. Mapapahamak lang ako. Hindi doctor ang makakagaling sa akin.

Tinawagan ko na si Farah. Takot na ako talaga. Ang level ng sama ng pakiramdam ko, parang hindi na ako aabot kinabukasan. At pasama nang pasama habang lumilipas ang oras. Mas natakot ako sa sinabi ni Tiyo Digoy—palapit na daw kasi ang 'ten hours' na binanggit ni Tatang Urling. Totoo yata talagang susunduin ako ng engkanto!

Nasa ospital na naman ang ina ng boyfriend ni Farah kaya hindi makakapunta. Bukas ng hapon pa lang makakaalis ang friend kong ulirang girlfriend. Hindi ko lang alam kung aabutan pa niya akong buhay bukas. Ala una ng madaling-araw ang pang-ten hours. Kung totoo nga na susunduin ako ng engkanto, wala nang aabutan ang best friend kong mas mahal ang jowa niya.

Uminom ako ng fever medicine. Bumaba ang lagnat pero bumalik din. Eight PM, pagkatapos ng dinner, hindi na ako umalis sa kama. Nakatulog ako ng two hours. Ten thirty ng gabi, hindi na luminaw ang malabong mundo ko, kumikirot ang magang daliri ko at ang gaan ng ulo ko.

Nataranta na ang mga kasama ko sa farm house. Kuwento ni Wina kanina pagpasok, dumalaw ang mga 'future husband' ko. Nagdala ng kung ano ano. Hindi na pinayagan ni Tiyo Digoy na umakyat. Nag-rush ang mabait na katiwala, sinundo ang albularyo. Si Wina, nasa kuwarto ko, ang bantay na binilinan na huwag akong iiwan.

Pero ano'ng laban namin ni Wina sa engkanto?

"Ate Kiss..." si Wina, naramdaman kong hinahagod hagod ang braso ko. "'Wag ka daw matulog," ulit na naman niya. "Parating na 'yon si Lolo Tiyo. Mapapagaling ka ni Tatang. Kapit lang tayo, ah?" hindi tumitigil ang hagod niya sa braso ko. "Ano'ng nararamdaman mo?"

"Ang sama, Wina. Mamamatay na yata ako..."

"Wag ka nga, Ate Kiss!" malakas na sabi niya. "Natatakot na ako, eh. 'Di ako sanay na ganito ka! Miss ko na 'yong dati. 'Yong mga chika moments natin! Hindi ka mamamatay! 'Wag kang sasama do'n sa engkanto! Lalaban tayo!"

"Pa'no? Na-sentensiyahan na nga ako, eh."

"May magagawa pa tayo, Ate Kiss!"

"Ano?"

"Ewan ko! Basta meron pa! 'Wag kang matulog! Magsalita ka lang. Pauwi na 'yon si Lolo Tiyo. Magiging okay ka na!"

"Wina..."

"Ate?"

"'Pag namatay ako ngayong gabi, sabihin mo sa best friend ko, maganda dapat ako sa kabaong—"

"Ate Kiss naman, eh!" Narinig kong napahikbi na ang teenager. Gusto kong tumawa ng may tunog, para iparating na biro lang naman pero hindi ko na nagawa. Hinanap ko na lang ang kamay niya at hinawakan.

"Joke. Buhay pa ako, umiiyak ka na? Hindi ako matutulog, promise. 'Wag ka nang matakot diyan. Okay lang ako."

"Ang init mo, Ate Kiss..."

"Okay...okay lang ako, Wina. 'Wag ka nang mag-alala, ha?" Hindi ako okay pero lalo nang mag-aalala si Wina. Kung nakarating sana si Farah, nagpadala na ako sa ospital. Sa totoo lang, kung mas sasama pa ang pakiramdam ko, hindi na talaga ako aabutan ng umaga.

Hindi na sumagot si Wina. Naririnig ko na lang na singhot nang singhot. Naging sobrang tahimik na sa kuwarto ko. Paulit-ulit na prayers lang ang ginawa ko. May special request ako kay God, na Siya na lang ang kumuha sa akin. Na iligtas ako sa sundo kong engkanto.

Ilang oras pa ba?

"Wina?"

Suminghot uli siya. "Ate Kiss?"

"Anong oras na?"

"Magtu-twelve."

"Wala...wala pa ba sila?"

Hindi na nasagot ni Wina ang tanong ko. May mga boses na akong narinig na parang palapit sa amin.

"LOLO tiyo!" si Wina. "Ang init init ni Ate Kiss. Ano'ng gagawin natin? Sinasabi niyang okay siya pero hindi! Hindi siya okay! Hindi siya okay..."

Naramdaman ko ang paglapit ng mga taong pumasok. "Kiss, hija? Kumusta ang pakiramdam mo?" si Tiyo Digoy.

"Mas masama...kaysa kaninang hapon, Tiyo," mahinang sagot ko, walang kakilos kilos sa kama. "Para akong high. Blurred ang paligid..."

"Diyos ko," narinig kong boses ni Aling Belina. "Kung dalhin na kaya siya sa ospital?"

"Hindi, hindi," sabi agad ni Tiyo Digoy. "Mas makakasama, Belina. Maga-ala-una na."

"Ano ba'ng sabi ni 'Tang Urling? Bakit hindi sumama? Kailangan ni Kiss ng tulong!"

Narinig ko pa ang pagbuntong-hininga ni Tiyo Digoy. Nagsalita sa mas mahinang boses pero narinig ko naman. "Pantapal lang sa maga ang ipinadala. Nagawa na raw niya ang dapat. Wala na siyang magagawa para kay Kiss, Belina."

"Wala na? Pa'no na Tiyo? Hahayaan na lang natin si Kiss na ganyan? Nanghihina, hilong hilo at hindi na makabangon?"

"Magbantay, Belina, at magdasal. 'Yon lang ang magagawa natin."

Gusto ko nang maiyak talaga. Hindi rin pala sumama ang albularyong inaasahan nila. Maghihintay na lang talaga ako ng oras na pick-up-in ng engkanto. Ang saklap talaga ng kapalaran ko.

Maingat akong bumangon. "Wina? Tubig, please?"

Nakarinig ako ng maliit na tunog ng pagkilos. "'Eto na, Ate Kiss..." hinawakan ni Wina ang kamay ko at inabot ang baso. Uminom ako nang marami. "Banyo...banyo lang ako—" naputol ang sasabihin ko nang biglang may nagbuhat sa akin. Sa naramdaman kong lakas ng braso at matigas na katawan, sigurado akong hindi si Tiyo Digoy. At ang scent...

"S-Scar?"

Her Love (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon