"OH, God! Are you okay, besh? Sorry! Sorry talaga..." si Farah na bagong dating, sinugod na ako ng yakap. Dumating siya sa Malulupig bago mag-lunch time. Ang inasahan ko, hapon pa ang dating. Natanggap malamang ang last text ko ng mga last wishes—natakot ang bruha. Napasugod nang maaga. Kailangan lang palang takutin.
Nagkaligaw ligaw pa daw kaya lunch time na umabot sa farm house. May isang oras nang nakaalis si Scar kaya heto na naman ako, wala nang lagnat pero labo-linaw ang mundo. Mas maganda na ang pakiramdam ko kaysa kagabi. Nakakakilos na rin ako mag-isa. Hindi lang talaga malinaw ang mga mukhang nakikita sa paligid.
Si Scar, na-appreciate ko talaga ang kabaitan at konsiderasyon. Hinintay pa akong magising bago umalis. May mga importanteng gagawin kaya kailangang umalis na. Naintindihan ko naman. May buhay siya sa labas. Alangan namang hindi na niya gawin ang mga dapat gawin sa labas para sa akin. Sino ba ako sa kanya?
Thank you, Scar," sabi ko nang umalis na siya sa kama. Nagising akong nakasiksik sa katawan niya, parang asawa lang na ang komportable ng tulog kasi ramdam na safe na safe. Wala lang sa kanya na ganoon kami. Hula ko nga, kahit pa isiniksik ko sa leeg niya ang mukha ko at pinagdadantay ko sa katawan niya ang braso at binti ko, wala lang sa kanya.
Nakatayo na sa tabi ng kama ang malabo niyang imahe, nakaharap sa akin.
"'Alis na ako, Kiss."
Napangiti ako. Gusto ko ang tunog ng 'Kiss' na galing sa kanya. "Salamat ulit."
Tumalikod na ang malabong imahe niya at naglakad na palapit sa pinto.
"Scar?"
Huminto siya sa tapat ng pinto.
Nakakahiyang magtanong na parang needy girlfriend pero kailangan kong malaman.
"B-Babalik ka ba?"
"Kung maaga akong makauwi, daan ako rito."
Tumango ako. "Ingat."
Lumabas na siya. Paglapat ng pinto, huminga ako nang malalim. Si Tiyo Digoy ang kumatok pagkaraan ng halos isang oras. May dalang kuwintas na bala, isinuot sa akin. Pang-kontra engkanto daw. Naghintay akong luminaw ang mundo ko pero hindi. Malabo pa rin. Pero nagpapasalamat na akong wala ang kakaibang tunog. Ang blurred na mundo at ang masakit na dumudugong daliri na lang ang problema ko.
"Okay ako, friend. Buhay pa naman. Solo ka lang?" Lampas ang tingin ko sa mukha ni Farah. Malabo pa rin naman tumutok man ang tingin ko.
"Solo lang. Si bf ang nagbantay sa Mama niya. Nag-worry ako, loka ka! Grabe 'yong text mo!"
"Hindi joke 'yon. Ang sama talaga ng pakiramdam ko kagabi."
"Ano ba kasing nangyayari? Totoo 'yong engkanto?"
"Totoo."
"Nyeta!" bulalas niya. Hindi palamura si Farah. Nagmumura lang siya kapag wala nang maisip na tamang salita. Mas lumapit siya, hinawakan pa ang mga balikat ako. "Tingnan mo ako. Tingnan mo ako, besh! Blurred?"
"Blurred."
Napatakip siya sa bibig. Ilang segundong nanahimik. "Ang paa mo," biglang hinto, nakatingin na sa baba ang malabong imahe niya—sa paa ko. "Dumudugo 'yan?"
"'Pag tumayo ako. Ang sakit, friend."
Lumapit siya at inalalayan akong maupo. Nasa sala kami. Walang ibang tao. Busy na naman sa kanya kanyang mga trabaho ang mga kasama ko. "Ano'ng gagawin natin?"
"Sasama na ako sa 'yo sa pauwi. Magpapa-check pa rin ako sa ospital 'tapos sa mata. Hindi puwedeng ganito na lang. Ano, titigil ang buhay ko?"
"Ang mga future groom mo?"
"Dumalaw naman. Hindi ko lang maharap."
"'Yong Scar?"
Napangiti ako. Hindi dapat, pero hindi ko napigilan. Biglang hinawakan ni Farah ang mga balikat ko, pinihit ako paharap sa kanya. "Loka ka! May iba sa ngiti mo, ha? Anong meron?"
"Kasama ko si Scar buong gabi."