"ANONG meron? Bakit bigla kang nag-shave?" Nasa harap ako ni Scar. Nakahawak sa baywang ko ang isang kamay niya. Hawak ko ang pang-ahit sa kanan, ang kaliwang kamay ko naman, inaayos ang shaving cream.
"'Balik akong Malulupig."
"May date ka do'n?" hindi na nagsuot ng mask si Scar habang nasa loob ng bahay ko, pero hindi rin naisip mag-shave. Ngayon na uuwi, nag-shave bigla?
Naramdaman ko ang pagkawala ng kamay niya sa baywang ko. Naging malabo ang mukha niya. "Malabo na. Masusugat ka. Hawakan mo ako."
Ibinalik niya ang hawak sa baywang ko. "May date ka?"
"Wala pa naman tayong papel. Puwede pa ako magloko."
"Sige lang. Basta safe sex. 'Wag kang umuwi sa akin na may sakit."
"Ayos lang sa 'yo?"
"Wala pa tayong papel, eh." Sinimulan ko na ang maingat na pag-ahit. Sinadya kong hindi tumingin sa mga mata niya. Madi-distract ako. "Nasa'n na ba 'yong papel natin?"
"Pipick-up-in ko na. 'Balik ako rito, pirma ka 'tapos okay na tayo. Bawal na mambabae 'pag may papel na?"
Tuloy lang ako sa maingat na pag-ahit. "Hindi ba ako sapat?"
"Ako, Kiss, sapat ba?"
"Ikaw 'tong mambababae, eh—" pinigilan niya ang kamay kong naga-ahit. Napatingin ako sa kanya. Titig na titig siya sa mga mata ko.
"Nakita mo ang buhay ko sa Malulupig. Taong kalye ako, pakalat-kalat, pasaway, luko luko, gago, kilalang basagulero. Walang maganda sa record ko, Kiss. Sapat ba ako?"
"'Yung totoo?"
Marahang tumango si Scar.
"Ano munang totoong pangalan mo?"
"Severiano Lierro."
"Medyo mabantot nga," ngisi ko, itinuloy ko uli ang marahang pag-aahit. "Sev na lang, para tunog guwapo."
"Scar na lang."
"Sev," ulit ko. "Sa akin, oo, sapat ka. Wala akong ibang gustong kasama sa porn, ikaw lang." Tumigil ako sa pag-shave, tumingin sa kanya. Ang lapad ng ngiti ng loko. "Kinilig ka?"
Napaungol na lang ako nang bigla niyang kinabig ang batok ko. Hayun, sa banyo na puno siya ng shaving cream at may hawak akong pang-ahit, na-torrid kiss na naman ako ng loko. Hindi pa rin nawawala ang ngisi niya nang isandal ako sa dingding. Ramdam kong may shaving cream na rin sa mukha ko—na maingat niyang nilinis ng isang kamay. "Siraulo ako, gago, minsan tarantado, mas maraming palpak kaysa maayos sa buhay ko, Kiss. Sa kama, magaling ako, sa relasyon hindi. Alam ko kasi, ginago ako ng ex ko. Ako siguro ang may mali, ang maraming palpak. Papalpak pa rin ako, alam ko, pero pabor sana, Kiss. Saluhin mo ako. 'Wag mo akong bitawan na lang. 'Wag mo akong sukuan agad. Puwede ba 'yon?"
Ang mga mata niyang laging blangko, may malinaw na emosyon ngayon. May lamlam, nakikiusap. Hindi ko napigilang hindi siya yakapin. "Oo naman." Hinagod ko ang likod at buhok niya. "Basta honest ka lang sa akin. Pag-usapan natin lahat. Kung ayaw mo na, 'wag mong itago. Sabihin mo para alam ko. 'Di ka nakakulong sa akin ng isang taon, para malinaw lang. Kung after ten months may iba ka nang babaeng gusto, inform mo ako. Hahayaan naman kita. Ang akin lang, honesty. Friends naman tayo 'di ba? Friends tayo bago ang porn scenes."
Mahigpit ang ganti niyang yakap. "Salamat, Kiss."
Parang puno na ang dibdib ko ng emosyon kaya nagbiro na lang ako. "Magaling ka talaga sa kama? Sure? Ako kasi...alam mo na..." Sinabayan ko nang magaang tawa.
Tumawa na naman siya. "Tapusin mo na 'to," dumistansiya na at humarap sa salamin. "Porn na naman ang naiisip ko. Kasalanan mo."
Natatawang bumalik ako sa harap niya, ngiting-ngiting itinuloy ang pag-ahit. Hindi na nabura ang ngiti ko hanggang natapos kami.
"'Yon!" tumabi ako sa kanya at tinitigan sa salamin ang malinis na niyang mukha. "Guwapo!"
Gamit ang isang braso, hinapit niya ang baywang ko at kinabig ako payakap. Nakahalik na naman ang loko. "Sample tayo ng porn pagbalik ko?"
Tumawa lang ako. "Bihis ka na, Severiano!"
WALANG ala porn na sex scene na nangyari pagbalik ni Scar. Pinag-filled out lang ako ng form, pinapirma at paalis na naman. Ang gold phantom mask pa rin ang suot niya. Nakakapanibagong makitang malinis ang mukha ng loko. Pero mas guwapo. Hindi na mukhang takas na sindikato. Plus pogi points din ang parating pagngiti. Hindi ko alam kung anong nagbago sa amin pareho. Basta tuwing nagtatama ang mga mata namin, parang automatic na ang ngiti.
"Sasamahan ka ni Kitty 'pag 'di ako nakauwi, Kiss!" sabi niya habang palabas.
"Ingat, Sev!" kailangan ko nang masanay sa totoo niyang pangalan. Huminto siya bigla malapit sa pinto. Malabo ang imahe niya kaya hindi ko alam kung nakangiti o ano. Hinintay ko na lang na bumalik—para yakapin lang ako at parang stuffed toy na ini-squeeze.
"Kung 'di ka lang bawal sa Malulupig, 'sinama na kita." Payo nga ng albularyo sa Tarlac na huwag muna akong bumalik sa Malulupig. Mas magiging mabangis daw ang engkanto kung naroon ako.
Ang higpit din ng yakap ko sa baywang niya. Ang hirap nang itanggi sa sarili ang feelings ko. Iba na talaga. Gusto ko na siya at sigurado akong papunta na iyon sa mas malalim na emosyon. Wala pa man ang proof ng kasal namin, hindi pa man nagsisimula ang napag-usapan naming isang taong pagsasama, ramdam ko ang mahuhulog ako. Mamahalin ko si Scar—si Severiano Lierro. At hindi ko na alam kung saan ako dadalhin ng pag-ibig na iyon pagkatapos.
"'Balik ka agad."
"Excited sa sample porn?" ngisi niya.
"Baliw. 'Di puwedeng miss lang? Sex agad?"
"Mas mami-miss mo ako 'pag may sample na," bulong niya, parang nanadyang ikiniskis pa sa akin ang katawan niyang walang bahaging malambot. Hindi pa na-kontento, binuhat ako at dinala sa sofa. Nawindang ang katawang lupa ko sa ginawa ng loko. Nilunod ako sa malalim na halik, pinagapangan pa ako ng wet kisses sa leeg hanggang sa dibdib. Huminto ang halik sa dibdib ko. Ilang segundong nakaawang lang ang labi ko, hindi alam ang gagawin—itutulak ba siya o yayakapin—habang binabasa ng bibig niya ang manipis na oversized t-shirt ko.
"S-Sev..."
Biglang lumipat sa bibig ko ang halik. "Isipin mo ako, sexy," anas niya bago umalis sa sofa, naglakad papunta sa pinto na parang wala lang.
Habang ako, tulala, nanghihinang hindi ko maintindihan. Buhay na buhay sa katawan ko ang iniwan niyang pakiramdam.