PARANG naging ordinary days ng newly wed couple ang sumunod na mga araw namin ni Scar sa bahay. Hindi ko alam kung totoo o nagpapanggap lang siyang mabait at maalaga. Wala talaga sa hitsura. Messy pa rin ang looks niya, parang ligaw na bad guy lang na nag-stay in sa bahay—nagluluto, nagdidilig ng mga halaman ko, naglilinis sa labas at sa loob, at katabi ko sa pagtulog. Ah, idadagdag ko lang pala, bad guy looking man na masandal lang tulog kaya mas madalas kong matitigang ang vulnerable.
Ang gaan ng buhay ko na nasa bahay siya. May ilang araw na maagang umalis pero bumabalik din naman kahit late niya. Ang mga dala niyang 'gamot' galing kay Apu Ciong, ang albularyo sa Tarlac, siya na rin ang nag-volunteer maglagay sa akin. Ang oil, ima-massage sa binti ko hanggang sa paligid ng magang daliri, tatlong beses isang araw—alas sais ng umaga, alas tres ng hapon at alas sais ng gabi. Hindi dapat ibuhos sa sugat ang oil, ang ilalagay sa mismong sugat, ang powder form na parang dinikdik na mga dahon. Hindi na ako nagtanong kung ano iyon. May tubig din na kailangang iwisik palibot sa kuwarto ko. Ang bote ng tubig na iyon, ilalagay sa tabi ng pinto. Hindi ko mapigilang maaliw kay Scar habang ipinapasa sa akin ang instructions pagkatapos ikuwento ang 'findings' ng albularyo. Mina-massage niya ng oil ang binti ko nang hapong iyon.
"Naghamon ka sa tapat ng ipil ipil tree?" ulit kong natatawa. Nakita ko sa isip ang mukhang kontrabidang tindig niya, sabog ang buhok at may hawak na palakol sa tapat ng ipil-ipil.
"Papalakulin ko talaga," sabi niya. "Sinabi lang ni Apung Ciong na ikaw ang delikado 'pag ginalaw ko ang puno. Naghamon na lang ako. Wala namang nagpakitang engkanto."
"Kung nagpakita ba, ano'ng gagawin mo?" Nalalaglag sa mukha niya ang mga hair strand habang busy siyang nagma-massage ng binti ko. Inabot ko ang buhok niya, isiniksik ko sa gilid ng tainga.
"Babanatan, ano pa ba?" sagot niya at nag-angat ng tingin. "Gago na ako, mas gago pa ang tarantado. Babaeng napadaan lang, sasaktan? Ako'ng saktan niya, ayos lang. Maggaguhan kami. Pasalamat siyang hindi ko nakikita ang pagmumukha niya. Wawasakin ko talaga."
"Hindi ka niya type saktan. Sawang sawa na siguro sa mukha mo."
"May balat daw ako ng liwanag. Sumpa sa kanila. 'Di nila ako masasaktan."
"Ganoon?"
Nagkuwento na siya tungkol sa balat ng liwanag ayon sa ipinasang impormasyon ng albularyo. Nakamaang na lang ako habang nakikinig. Busy ang kamay niyang mag-massage sa binti ko, busy rin ang bibig sa tuloy-tuloy na kuwento. Nakilala ko siyang isang linya lang kung magsalita. Nakakatuwang pakinggan hindi na tipid ang salita niya, na marami at mahaba na ang sinasabi.
"Kung luminaw na ang tingin mo na wala ako, do'n pa lang daw ligtas nang putulin ang ipil ipil. Ang epekto ng prutas na tinikman mo ang mahirap putulin. 'Yon din ang sinukuan ni Tatang Urling. Kailangan daw talagang buo ang lakas ng sinumang kokontra o sila ang babalikan ng lakas ng engkanto."
"May magagawa raw ba siya sa malabong tingin ko?"
"Wala siyang ipinangako, Kiss. Unang beses daw na gagamot siya ng gaya mo."
"Na may selyo ng engkanto?"
Tumango si Scar. "Tumikim ka ng prutas na galing sa kanila. Base raw sa alam at haba ng karanasan niya sa panggagamot, walang nakakaligtas.
"M-Mamamatay...mamamatay talaga ako?"
"Fifty-fifty. Fifty percent buhay, fifty percent patay. May laban naman daw tayo—kasama mo ako."
"Ano 'yon, ikaw ang shield ko?"
"Hindi ka niya malalapitan hanggang kasama mo ako. Ang labo ng tingin mo, epekto 'yan ng prutas, hindi ng presensiya niya.