Lisa's POV
Mabilis akong nagtungo sa kwartong inaakupa namin dito sa resort. Tulog pa din ang mga bata, dali dali akong nagpalit ng damit at mabilis na kinuha ang susi sa ibabaw ng mesa. Tanging lagaslas ng tubig ang maririnig sa loob ng banyo kung saan naroroon si Jennie, hindi na ko nag abala pang katukin sya at magpaalam alam kong galit sya sa akin ngayon. Agad kong minaniobra ang kotse at tinahak ang daan pabalik ng maynila, papunta sa ospital nina Tzuyu.
Mabilis akong nakarating roon, hindi pa ko nakakalabas ng kotse ay nagkukumpulan ang mga nurse at mga staff sa ground ng building. Agad kong pinarada ang kotse at lumabas ng sasakyan patungo sa kinaroroonan nina Tita Suzy at Tito Art.
“Tito, Tita” unang bungad ko sa kanila, binalingan nila ako ng tingin. Ang kaninang walang sigla na mga mata ni Tito Art ay napalitan ng pag-asa.
"Bakit ang tagal mo Lisa? Hindi mo ba naiintindihan na kailangan ka namin dito. Nasa taas ang anak ko magpapakamatay tapos ikaw ang tagal mong dumating. Sana naman bigyan mo din ng oras ang anak ko baka nakakalimutan mo malaki ang utang na loob mo sa akin, sa amin. Tinuring ka naming pamilya Lisa tapos ngayon hindi mo mauna ang anak ko, napakasimpleng bagay lang nitong hinihiling namin sayo” sigaw na sabi ni Tita, hindi ko lubos maisip na kaya nya kong pagsalitaan ng mga ganitong bagay.
“Pasensya na po Tita” nakayuko kong sabi sa kanya.
“Pasensya Lisa? Kung sakasakaling nahulog ang anak ko bago ka pa dumating maibabalik ba ng pasensya na yan ang buhay ng anak ko” galit nitong sigaw sa harap ko, napa angat ako ng tingin sa kanya at tiim bagang na sumagot.
"Tita baka nakakalimutan nyo pamilyado akong tao, may asawa ako at mga anak natural sila ang uunahin ko. At isa pa hindi ko obligasyon ang anak nyo kung tutuusin nga dapat hindi ako nandirito kung sisisihin nyo lang din naman ako mas mabuti pang bumalik na lang ako sa asawa at mga anak ko. Napapabayaan ko na ang pamilya ko sa kakauna sa anak nyo, napapabayaan ko na ang asawa ko dahil sa anak nyo” blanko kong saad sa harap nilang mag-asawa.
“Ikaw..” nanggagalaiti sa galit si Tita na mabilis din namang sinaway ni Tito.“Suzy tama na yan” mahinahong saad ni Tito Art bago bumaling sa akin.
“Pasensya ka na Lisa, nagmamakaawa ako sayo iha puntahan mo si Tzuyu sa taas gawan mo ng paraan alam kong sayo lang makikinig ang anak ko pakiusap” pagmamakaawa ni Tito.
“Sige po gagawin ko ang makakaya ko para mapababa si Tzuyu” matigas kong sabi bago naglakad papasok ng ospital.
May sakay na pasyente ang elevator kaya wala din akong naging choice kundi dumaan sa hagdan, lakad takbo ang ginawa ko para mabilis na makarating sa rooftop ng building. Tila kakapusin ako ng hininga bago ko marating ang pintuan patungo sa rooftop, huminga muna ako ng malalim bago pumasok.
“Tzuyu” kabado kong tawag sa kanya, naka upo ito sa pader at nakatingala sa mga bituin sa langit nakatalikod sya sa gawi ko kaya hindi ko alam kung ano ang tumakbo sa isip nya ngayon.
"Pabayaan mo na ako Lisa tutal mamamatay din naman ako" mahinang sabi nito habang nakatalikod.
"Lalaban ka diba? Sabi mo magpapagaling ka" sagot ko habang unti-unting humahakbang papalapit sa gawi nya.
"Hindi mo naiintindihan may taning na ang buhay ko, limang buwan na lang ang itatagal ko sa mundong to" mahina pa rin nitong sagot. Agad akong natigilan sa aking narinig, may taning na ang buhay ni Tzuyu, maayos naman sya bago ako umalis. Ang sabi ng doctor unti-unti ng bumubuti ang kanyang lagay paanong may taning na sya ngayon.
"Kai..kailan pa?" nauutal utal kong tanong.
"Kahapon Lisa, kahapon ko lang nalaman" basag na ang boses nito habang sumasagot, anytime ay babagsak na ang kanyang mga luha. Hindi ako nakaimik, wala akong mahagip na kahit anong salita na pwedeng sabihin sa kanya. Nanatili lamang akong nakatayo sa aking pwesto.