Napabalikwas ako ng bangon mula sa napakamasamang panaginip, agad kong kinapa ang aking katawan na parang naghahanap ng kung ano. Nang mapagtagpi-tagpi na isang panaginip lamang ang aking pagkakasaksak ay nakahinga ako ng maayos.
Nang mapatingin ako sa nakabukas na bintana ay madilim pa sa labas ng bahay. Sa aking tantya ay madaling araw pa ngunit kahit anong ayos ko sa aking pagkakahiga'y hindi na ako muling nakatulog. Isang malaking palaisipan sa akin kung bakit ko napapanaginipan ang isang napakamakasalanang bagay.
Nang mag-umaga'y mabilis akong nagsaing at kumain mag-isa. Ulila na akong lubos sa mga magulang na pumanaw ng kaka-anim ko palang ayon sa pagkakasabi sa akin ng aming matandang kapitbahay na siyang tumulong sa aking mabuhay. Binibigyan niya ako ng pagkain at pera ng mga panahong wala pa akong alam kung paano buhayin ang aking sarili ngunit pumanaw na rin si Mama Rosa sa aking ika-18 na kaarawan. Dahil walang asawa't anak si Mama Rosa ay naiwan sa akin ang kanyang bahay at maliit na paggawaan ng sapatos na nasa sentro ng syudad na siyang pinagkakakitaan ko ng pera.
Nang masiguradong nailock ko na ang bahay ay tinahak ko na ang daan patungo sa paggawaan ng sapatos. Kinse minutos bago ko marating ang sentro ng syudad kung saan makikita ang iilang malalaking bilihan ng kung anu-ano. Nang marating na ang paggawaan ay bahagya akong napahinto.
Isang maliit na papel ang nakapaskil sa may pintuan na sa tingin ko ay galing sa ilang parokyano na minamadali ang kanilang mga sapatos. Nang buksan ko ang nilalaman ng sobre ay bumungad sa akin ang isang napakagandang sulat kamay ng kung kanino.
Para sa isang magandang binibini,
Isa ako sa mga tagahanga sa iyong mga likha. Kung saan ay mamarapatin mo ang aking isang kahilingan. Ako'y malapit ng ikasal at gusto ko sanang ikaw ang gumawa ng magandang sapatos para sa aking mapapangasawa. May napupusuan ang aking kasintahan na isang sapatero rin ng syudad ngunit mas hinahalina ko ang iyong mga gawa. Isang malaking kagalakan para sa akin kung ika'y pumayag.
Maraming salamat.
Taos-pusong nagpapasalamat,
Binibining Ingrid Sullivan
Bahagya akong nasayahan sa kanyang sinserong liham. Isang malaking palaisipan sa akin kung sino ang Binibining Ingrid Sullivan na nagpapadala ng mga sulat lalo na't hindi lang ito ang unang beses ng kanyang pagpapadala ng liham ng pagpapasalamat. Ngunit hanggang ngayon ay hindi ko alam kung sino sa mga nakakasalamuha kong parokyano ang nagngangalang Ingrid.
Nang makapasok sa loob ng paggawaan ay nagsimula na rin ang aking mga gawain sa araw-araw. Isang palapag lamang ang gusali ngunit malaki-laki rin naman ang espasyo kaya may lugar pa ako para maglagay ng ilang kakatapos lang na sapatos sa ilang estante kung saan sumusukat at pumipili ng nagugustuhan ang ilang mamimili.
Nang mga sumunod na oras ay ilang baryang pilak rin ang aking natanggap mula sa mga mamimili na may galak sa kanilang mga mukha.
"Maraming salamat Odette." Saad ng huling mamimili ng sapatos. Isang tango lang ang aking isinagot sa kanya sabay kaway ng makasakay na siya ng kalesa paalis. Tahimik na paligid at wala ng masyadong dumadaan sa kalsada lalo na't malapit ng magtatakip-silim.
Kasabay ng pagtalikod ko ay ang paghinto ng isang magarang karwahe na hindi kadalasang makikita sa kalsada. Nang bumaba ang isang panauhing may magarang suot ay agad akong yumuko para magbigay galang. Walang salitang nilagpasan ako ng panauhin at dumiretso papasok sa loob ng pagawaan.
Naabutan ko ang panauhin na nakatingin lang sa ilang nakahilerang sapatos na nasa estante. Nang mapagtagpi-tagping siya na siguro ang lalaking sinasabi sa sulat ay agad akong naghanap ng mauupuan. Nang makakita ng isang may kataasang upuan na gawa sa kahoy ay agad ko itong inilagay sa may gilid."Maari ho kayong umupo dito, ginoo. Ipagpaumanhin ho ninyo ang kaliitan ng aking paggawaan."
Nang marinig ang aking boses ay agad napalingon ang panauhin. Bahagya akong natigilan ng humarap ang lalaki. Wala pa akong nakitang kasing kisig na lalaki sa buong buhay ko ngayon lang. Siguro dahil sa isang maliit na eskinita ng syudad lamang nakatayo ang aking paggawaan kaya ay hindi pa ako pamilyar sa iilang panauhin na lumaki sa karangyaan. Bahagya akong natigilan ng tingnan ako ng panauhin mula ulo hanggang paa. Nang mapadako ang kanyang tingin sa aking mukha ay bahagya kaming nagkatitigan.
Mga matang kakulay ng mayabong na halamanan sa isang marangyang hardin. Mga matang nangungusap ngunit halata ang maawtoridad na tingin nito na parang mga mata ng mga mambabatas ng syudad.
"Ikaw ang gumagawa ng sapatos?"
Hindi makapaniwalang saad ng panauhin habang seryosong nakatingin sa isang partikular na sapatos na hindi ko pa natapos. Nang tumingin ang lalaki sa aking gawi ay agad akong napaigtad.
"Oho, ginoo."
Nang magsimula ng dumilim ang paligid ay inilawan ko ang isang lampara at inilapit ito di kalayuan sa panauhin. Alam kong alam na niya ang gusto kung gawin kaya pinatong na niya ang kanyang paa sa isang maliit na upuan habang ako nama'y nakayuko at dahan-dahang hinuhubad ang kanyang mga sapatos ng may pag-iingat.
Ilang daang beses ko ng nagawang magsukat ng paa para sa mga panauhin ngunit ngayon pa ako kinakabahan ng ganito sa hindi malamang dahilan. Nang mahawakan ko ang kanyang paa ay bahagya siyang gumalaw. Nang tingnan ko siyang biglang nagkasalubong ang aming mga tingin na ikinagulat ko. Nang mga sumunod na minuto ay mas lalong naging pahirap sa akin dahil batid ko ang mga tingin na ipinupukol ng panauhin.
"Maari ho ninyong makuha ang sapatos, mga limang araw mula ngayon, ginoo."
Isang tango lang ang kanyang sinagot bago seryosong tumingin sa akin. Naunang tumalikod ang lalaki papasok sa magarang karwahe. Kakasarado ko lamang sa pinto ng paggawaan dahil gabi na at kailangan ko pang magsaing para hapunan. Dala-dala ang lampara ay tinahak ko na ang daan paalis.
Hindi pa ako masyadong nakakalayo sa paggawaan ay agad akong napahinto ng may kamay na humawak sa aking palapulsuhan, paglingon ko ay bumungad sa akin ang makisig na panauhin. Ngunit hindi kagaya ng ilang mamamayan ng syudad na may masasayang ngiti na nakapaskil sa kanilang mga labi ang kanya ay hindi kakitaan ng ngiti bagkus ay puro kunot ng noo na parang may malaking galit sa bawat taong nakakasalamuha.
"Anong pangalan mo?"
Agad kong binawi sa kanyang pagkakahawak ang aking kamay. Alam kung maaring maging isang malaking usapan sa syudad kung makita ang isang manggagawa ng sapatos na kagaya ko na hawak-hawak ng isang marangyang panauhin na kagaya niya. Nagdadalawang-isip man sa paraan ng kanyang kinikilos ay pinakitaan ko siya ng isang sinserong ngiti na mas ikinakunot ng kanyang noo.
"O...de.tte... Odette Aguirre ho, ginoo."
BINABASA MO ANG
Takipsilim
FantasyOdette Aguire who lived half her life in the four corners of her shoe factory did not know the world outside her vicinity. She only knew how to live her life in daily basis and did not once wonder an enchanted world outside. Hanggang sa biglang nagl...