Tatlong magkakasunod na katok ang ginawa ko sa pinto ng opisina ni Alfonso bago pinihit ang seradura papasok. Nakangising mukha ni Alfonso ang bumungad sa akin na ikinasama sa simula ng aking umaga. Agad napadako ang aking tingin sa ilang makikintab na bagay na nakalagay sa kanyang mesa. Ilang daang pilak at sampu o higit pang gintong barya ang nagniningning sa kanyang silid.
"Sa tingin koy maganda ang gising ninyo, Ginoong Alfonso."
Ilang magkakasunod na halakhak at malalakas na dagundong ng kanyang tinig sa loob ng silid ang naging nito na ikinangiwi ko. Ngunit hindi na ako nagtaka sa nakakabaliw na kasiyahan niya, ano pa nga ba ang nagpapasaya sa kanya maliban nalang sa ginto at pilak.
"Maupo ka Binibining Claudette." Saad nito ng hindi pa rin naaalis ang mga ngiti sa labi. Siguro'y walang katumbas na saya ang kanyang nadama ng mabigyan siya ng ginto't pilak ng matandang Sullivan ayon sa mga bali-balita sa loob ng bahay-aliwan.
"Hindi na lingid sa iyong kaalaman ang matinding galak ko sa araw na ito at lahat ng iyon ay dahil sa iyo binibini." Panimulang saad nito.
"Hindi ko alam kong saan mo nahanap ang isang nakakamanghang mananayaw na nagtanghal kagabi dahil bukang-bibig na ito buong magdamag ng matandang Sullivan." Dagdag nito sabay abot sa akin ng ilang pilak at ginto na maagap ko namang tinanggap.
Kahit papaano'y nagsikap naman ako sa pagtatanghal kagabi at sa tingin ko'y marami-rami na rin ito kung kailangan naming magsimula ng bagong panimula ni Sara kung sakaling mahanap ko siya. Sa tingin ko'y pag nagkataon ay kailangan na rin naming umalis sa lugar na ito, malayong malayo kung saan makakapagsimula kami ng panibago.
"Ngunit maaaring madagdagan iyan binibini kung sasabihin mo sa akin ang pagkakakilanlan ng mananayaw at kung saan ito mahahanap. Magbibigay ng malaking pabuya ang matandang Sullivan para makuha ang babae, at kung nagkataon. Tayong dalawa binibini ang makikinabang sa mga pabuya ng senyor." Pangungumbinsi nito na ngayon ay nakatayo sa aking likuran habang dahan-dahang hinihimas ang aking balikat na kaagarang nagbigay sa akin ng nakakakilabot na pagkadisgusto.
Bahagya kong inalis ang kanyang mga kamay sa aking mga balikat at napatayo ilang metro ang layo mula sa kanya. Alam kong pagnangatuwiran pa ako'y maaari siyang maghinala o di kaya'y mahalatang may tinatago. Ilang pulgada mula sa aking kinatatayuan ay nakahilera ang iilang bino ni Alfonso. Agad akong nagsalin ng bino sa dalawang kopita at ibinigay sa kanya ang isa.
"Huwag kang mag-alala, ginoo. Ako na mismo ang maghahanap sa kanya." Paninigurado ko sabay taas ng aking kopita at maubos ito ay siya namang pagpasok ni Rio dala-dalang ang kanyang walis.
"Sa tingin ko'y kailangan ko ng umalis, ginoo." Saad ko bago tuluyang tinahak ang daan patungo sa may pinto ngunit agad ring napahinto ng biglang ako nitong tinawag.
"Walang pagtatanghal mamayang gabi dahil kabilugan ng buwan. Maaari kang makapasyal sa labas ng bahay-aliwan, binibini." Sabi nito bago bumalik sa kanyang mesa habang may nakakalokong ngiti na nakatingin sa nagkikintabang ginto't pilak.
Mabilis akong pumanhik sa aking silid para makapagpalit ng kasuotan at dahil lahat ng mga kasuotan ko'y kitang-kita ang iilang balat ay naisipan kong gumamit ng isang itim na balabal. Agad akong nakadama ng isang matinding kasiyahan lalo na't ito ang kauna-unahang beses na makakalabas ako ng bahay-aliwan simula ng maging tagapangasiwa dito.
Magsaya ka Odette dahil ngayong araw lamang ito!
Isang malalim na buntong-hininga ang aking ginawa bago lumapit sa pinto ng bahay-aliwan. Nang makilala ako ng nakabantay na kawal ay agad nito akong pinagbuksan ng pinto.
Liwanag.
Isang nakakasilaw na liwanag. Liwanag na naggagaling sa sikat ng araw at hindi sa mga lamparang nakasabit sa bawat dingding ng bahay-aliwan. Nang makatapak ang aking paa palabas ay agad itong sinarado ng kawal mula sa loob na bahagyang naglikha ng malakas na ingay.
Malamig ang simoy ng hangin kahit na mainit ang paligid dahil sa sikat ng araw. Nakakapanibago, siguro dahil nakatago sa dilim ang buong bahay-aliwan kaya't napakasaya sa pakiramdam ang makaalis sa lungga ng demonyo.
Ilang lakad mula sa bahay-aliwan ay bumungad sa akin ang mga musmos na batang naglalaro sa may daan. Kapwa walang mga sapin ang kanilang paa dahil sa palatuntunan ng kanilang laro na kailangang gamitan ng sapin. Agad akong napangiti ng maalala ang mga panahong ganoon pa kami kaliit ni Sara. Mga panahong wala pa kaming kamuwang-muwang sa problema at panganib ng mundo.
Nang mapansin nila ako'y agad silang natigilan. May ilan na natakot at nagtago sa likod ng kanilang mga kasama, may iilan naman na bahagyang yumuko at ngumiti na agad ko rin namang sinagot ng isang matamis na ngiti.
"Ate, ang ganda ninyo po. Galing ho ba kayo sa lugar na iyon?" Tanong ng isang batang babaeng nakapusod ang buhok na hanggang bewang.
"Oo, ineng." Sagot ko naman sa kanya na bahagyang lumaki ang mga mata ng marinig ang aking sagot. Ang iba nama'y napatutop sa kanilang mga bibig at dahan-dahang umaatras ngunit sa kanilang lahat isang batang babae na kakaiba ang kasuotan sa kanilang lahat ang natira. Wala mang sapin sa paa ngunit kita pa rin ang pagkakaiba ng antas nito sa kanyang mga kalaro kung pagbabasehan ay ang kanyang paraan ng pananamit.
"Kase, ate. Ang sabi ng mga taga-rito ay mga halimaw daw ang nakatira sa loob ng bahay na iyan." Walang pag-aalinlangan na saad nito na bahagyang ikinakunot ng aking noo.
"Halimaw? Bakit naman, ineng?"
Agad napailing ang batang babae bago tumabi sa kanyang mga kalaro na kapwa ay nag-uunahang magtago sa kani-kanilang likuran.
"Huwag kayong mag-aalala. Hindi naman ako halimaw at kung mayroon man sa bahay na pinanggalingan ko ay ililigtas ko kayo." Paniniguro ko sa kanila sabay ngiti ng matamis.
"Kasi, ate. Gabi-gabi ho may mga taong nagpupunta diyan. Minsan nga ho lalo na't kabilugan ng buwan ay may mga mapupulang mata at may napakaitim na kasoutan ho ang pumapasok sa bahay na iyan." Saad nito na sa tantya ko ay hindi nagsisinungaling sa mga bagay na kanyang nasaksihan.
"Mas makakabuti mga bata kong hindi muna kayo maglalakad mag-isa tuwing papatak ang dilim, maliwanag ba?" Isa-isang nagsitanguan ang mga bata na parang nakakaintindi sa aking sinasabi. Kung hindi man ay sana nasa kamay sila ng isang responsableng magulang na hindi sila hahayaang maglaro tuwing sasapit ang gabi para kahit papaano'y walang masamang mangyari sa kanila. Lalo na't kahit ako na nakatira sa loob ng bahay-aliwan ay hindi pa rin mapagtagpi-tagpi ang mga ipinapahiwatig ng pagkakataon sa paligid.
BINABASA MO ANG
Takipsilim
FantasyOdette Aguire who lived half her life in the four corners of her shoe factory did not know the world outside her vicinity. She only knew how to live her life in daily basis and did not once wonder an enchanted world outside. Hanggang sa biglang nagl...